Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Balita

 Read this article in English

7 sundalo patay, 17 sugatan sa ambus sa Surigao del Sur

Pitong sundalo ang namatay at 17 ang malubhang nasugatan nang ambusin sila ng mga Pulang mandirigma sa Surigao del Sur nitong Marso 15. Ayon sa mga ulat koresponsal mula sa Hilaga-Silangang Mindanao, bandang ala-una ng hapon nang paputukan ng isang yunit ng Ka Bob Ruiz Command (BRC-BHB) ang isang dumptruck na puno ng mga elemento ng 62nd IB sa Barangay Tagbobonga, Hinatuan. Papunta ang nasabing yunit ng BRC sa isa pang lugar upang magsagawa ng taktikal na opensiba nang maipaabot sa kanila na mayroong kilos ng kaaway sa Tagbobonga. Gamit ang datos-paniktik na nakuha nila, agad silang naglatag ng ambush trap. Inambus ang mga sundalo habang binabagtas nila ang PICOP Concession Road mula sa kanilang base sa Sta. Maria, Trento, Agusan del Sur patungong Bislig City sa Surigao del Sur.

Ang 62nd IB ay pusakal na pasistang yunit na responsable sa pananalanta sa mamamayan ng Agusan del Sur at nagsisilbing maton ng Paper Industries Corporation of the Philippines (PICOP).

Isang Pulang mandirigma ang nasawi sa naturang labanan.

Walang taktikal na opensiba sa semana santa-Ka Roger

Inilinaw ni Gregorio "Ka Roger" Rosal nitong Marso 20 na hindi maglulunsad ng taktikal na opensiba ang BHB sa panahon ng semana santa liban na lamang sa "mga espesyal na kalagayan". Aniya, ito ay bilang pagrespeto sa mga "tradisyong Katoliko". Gayunman, inilinaw niya na hindi ito katumbas ng pagdedeklara ng tigil-putukan, taliwas sa mga maling ulat sa masmidya.

Kaugnay nito, binatikos ni Ka Roger ang tusong pagdedeklara ng rehimeng Macapagal-Arroyo ng unilateral na tigil-putukan sa semana santa. Iginiit niyang "isa lamang itong palabas upang magmukhang maka-kapayapaan ang rehimen at "hindi naman nila ito talagang ipinatutupad". Ginagamit ngayon ng rehimen ang naturang deklarasyon upang ipanawagan sa Valentin Palamine Command -Dulong Timog Mindanao na palayain na ang hawak nitong mga bihag-digma kahit walang idedeklara ang gubyerno na SOMO (suspension of offensive military operations) sa rehiyon.

2 pulis patay, 1 sugatan sa reyd sa Samar

Dalawang pulis ang napatay at isa ang sugatan nang salakayin ng mga gerilya ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang istasyon ng Philippine National Police (PNP) sa Motiong,Samar noong Pebrero 28. Ilampung metro lamang ang layo ng istasyon sa Maharlika Highway, pangunahing haywey na tumatawid mula Luzon hanggang Mindanao.

Isinagawa ang reyd alas-4:30 ng madaling araw, at natapos sa loob ng 30 minuto. Nasamsam mula sa matagumpay na reyd ang 10 M16, tatlong M14,isang 12-gauge shotgun, apat na 9mm na pistola, apat na granada, mga bala, magasin at iba pang kagamitang militar.

Ang reyd ay nilahukan din ng ilampung myembro ng milisyang bayan. Pansamantalang hinarangan ng isang tim ng mga Pulang mandirigma at milisya ang Maharlika Highway habang isinasagawa ang taktikal na opensiba upang maiwasang may madamay na sibilyan.

Salungat sa mga ulat na lumabas sa midya,walang kaswalti sa panig ng BHB. Bago sila umatras,nagpormasyon ang mga gerilya sa tapat ng munisipyo para matiyak ang bilang at kalagayan ng buong pwersa ng BHB at milisya.

Sa sobrang kahihiyan, iniutos ng pamunuan ng PNP sa Silangang Kabisayaan ang pagtatanggal sa buong pwersa ng PNP sa Motiong, kabilang ang hepeng si Senior Insp. Isidro Acaylar. Tinanggal din sa pwesto si Senior Supt.Felipe Portacio, PNP provincial director ng Samar.

Pagpapalaya sa lider-NDF, iginiit

Iginiit kamakailan ni NDFP chief negotiator Luis Jalandoni na agad palayain ng gubyerno si Edgardo Sacamay, konsultant ng NDF peace panel sa Central Visayas. Si Sacamay ay dinukot ng mga elemento ng AFP noong Marso 5 sa Subangdaku, Cebu. Piniringan, sinaktan at ipinagkait si Sacamay sa kanyang pamilya at mga tagapagtanggol ng karapatang-tao. Ipinailalim siya sa matinding interogasyon at pinaratangan ng kung anu-anong krimen.

Singil sa kuryente, tataas nang 116%

Nakatakdang tumaas ang singil sa kuryente ng hanggang 116% matapos maghapag ng petisyon sa Energy Regulatory Board ang Manila Electric Cooperative (Meralco). Inilantad ito ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) nitong Marso 25. Ang pagtaas ng singil ay magiging katumbas ng dagdag na P3.97 bawat kilowatt hour (KwH) sa bayarin ng mga konsumer.

Ayon sa BAYAN, ginamit ng Meralco ang Electric Industry Reform Act na nagpapahintulot sa "unbundling" o paghihiwa-hiwalay ng batayang singil sa kuryente sa iba't ibang sangkap nito. Papatungan din nito nang P1.12 bawat KwH ang batayang singil at nang P2.85 bawat KwH ang iba pang sangkap.

Rali ng Plunder Watch, marahas na binuwag

Marahas na binuwag ng mga pulis ang rali ng ilandaang myembro ng Plunder Watch sa tapat ng Sandiganbayan nitong Marso 13. Inilunsad ang rali habang binibista si Joseph Estrada sa kasong perjury (pagsisinungaling sa kanyang mga upisyal na dokumento). Ipinanawagan ng mga nagrali ang "walang kompromiso, walang exile para kay Estrada". Ang rali ay binuwag sa kabila ng naunang kasunduan na maaaring maglunsad ng programa ang mga nagrarali roon.

Mga bomba itinanim sa Metro Manila

Sa tangkang maghasik ng takot sa mamamayan, pitong bomba na ang itinanim at natatagpuan sa mga pampublikong lugar ng Metro Manila. Nakadisenyo ang mga "bomba" upang makapanakot at hindi sasabog. Halos sabay-sabay na natagpuan ng mga elemento ng PNP ang mga bomba. May kalakip ang mga bomba na pahayag mula sa isang "Indigenous Federal State Army". Pinaniniwalaang ito'y kagagawan mismo ng rehimeng Macapagal-Arroyo upang bigyang-katwiran ang pagpapapasok ng mga tropang Amerikano sa Pilipinas.

Presyo ng langis, muling itinaas

Itinaas ng mga kumpanya ng langis ang presyo ng mga produktong petrolyo nang 30-35 sentimos nitong Marso 19. Tulad ng dati, idinadahilan ng mga ito ang pagtaas ng presyo ng krudong langis sa pandaigdigang pamilihan. Agad namang sinalubong ng protesta ng mga progresibong organisasyon at pwersa ang hakbang na ito at kinundena ang pakikipagsabwatan ng rehimeng Macapagal-Arroyo sa mga kumpanya ng langis.

P10-B kumpensasyon para sa mga biktima ng diktadura, iginiit sa Kongreso

Nitong Marso 10, pumasa sa Human Rights Committee ng Kongreso ang House Bill 3797 at 3048, mga panukalang batas na nag-oobliga sa estado na bigyang-kumpensasyon ang mga biktima ng batas militar at naglalaan ng P10 bilyon para rito. Ang naturang mga panukala ay inihapag nina Satur Ocampo, Crispin Beltran at Liza Maza ng Bayan Muna at ni Oscar Rodriguez ng Pampanga.

Utang ng gubyerno lumobo

Para sa 2001 lamang, umabot sa P218.207 bilyon ang kabuuang inutang ng gubyerno. Dagdag ito sa P2.166 trilyong utang nito noong 2000. Lampas kalahati nito ay mga lokal na utang sa anyo ng mga bono ng gubyerno at mga utang ng iba't ibang ahensya ng gubyerno.

Aregluhang Macapagal-Arroyo-Cojuangco, binatikos

Nagrali ang mahigit 100 maliliit na magniniyog sa pamumuno ng Bicol Coconut Planters Association, Inc., Kilusang Magbubukid ng Pilipinas at Pinag-isang Lakas ng Magbubukid sa Quezon, sa harap ng upisina ng San Miguel Corporation (SMC) sa Pasig City noong Pebrero 27. Tinutulan nila ang aregluhan sa pagitan ng SMC at ng Kirin Co., Ltd. at iginiit ang pagpapatalsik kay Eduardo "Danding" Cojuangco mula sa SMC. Anila, pinatitibay lamang nito ang kontrol ni Cojuangco sa mga pondong dapat ay pag-aari ng mga magsasaka.

Disempleyo lumalala

Tumaas ang tantos ng disempleyo mula sa 9.8% noong Oktubre 2001 tungong 10.3% nitong Enero. Ito ang naging resulta sa pinakabagong Labor Force Survey ng National Statistics Office. Mula Oktubre 2001, umabot sa 247,000 sa mga manggagawang nawalan ng trabaho ang nagmula sa sektor ng agrikultura, 47,000 sa sektor ng serbisyo at 86,000 sa sektor ng industriya.

553 kumpanya sa Metro Manila, humihingi ng exemption sa CoLA.

Sa dami ng butas sa pagbibigay ng cost of living allowance (CoLA), 553 kumpanya sa Metro Manila ang humihinging ilibre sila sa pagbabayad ng P30 arawang CoLA sa kanilang mga manggagawa. Kasama sa mga pwedeng bigyan ng exemption ng Regional Tripartite Wages and Productivity Boards ay mga establisyementong "nalulugi"; negosyong napipintong malugi at mga bangkong may problema.

Palestine mabangis na sinalakay ng Israel

Dalawang linggong walang patid at mabangis na sinalakay at muling inokupa ng Israel ang mga teritoryo ng Palestine nitong Marso. Umatras lamang ang mga tropang Israeli matapos halos pulbusin ang mga bayan ng Palestine. Ito ay upang pwersahin si Yasser Arafat na magbigay ng mas malalaking kunsesyon sa muling binuksang negosasyon. Nitong Marso, dumating sa Israel ang sugo ng US na si Anthony Zinni upang muling magtangkang pasukuin si Yasser Arafat at ang mamamayang Palestino.

300,000 nagprotesta sa Spain

Dumagsa ang 300,000 demonstrador sa Barcelona, Spain nitong Marso 16 upang magprotesta laban sa isinagawang European Union Summit. Ito ang taunang pulong ng mga lider ng mga bansang Europeo. Nagpoprotesta ang mga demonstrador laban sa "globalisasyon" at "kapitalismo ng Europe". Nauwi sa karahasan ang protesta nang pinasabugan ng mga pulis ng teargas ang mga nagmamartsa. Umabot sa 50 katao ang inaresto at ilampu ang nasaktan sa karahasan. Idinaos kasabay nito ang rali sa France na nilahukan ng daan-daang nagprotesta.

 


Previous articleBack to top 

Marso 2002
Edisyong Pilipino


Editoryal: Pagkaisahin ang bayan laban sa pagkapapet, kalupitan at korapsyon ng rehimeng Macapagal-Arroyo!
Ilang malaking kaso ng korapsyon sa ilalim ng rehimeng Macapagal-Arroyo
Umiigting at humahantong sa kaguluhan at karahasan ang alitan ng mga reaksyunaryo
Ang panunumbalik: Armadong panghihimasok ng imperyalismong US sa Pilipinas
Kababaihan laban sa Balikatan
Balik-tanaw sa Kasaysayan: Ang digmang agresyon ng US sa Mindanao(1899-1913)
Kampanyang psywar laban sa BHB, pakana ng CIA
Ang propagandang anti-BHB ng AFP
Paninira ng AFP, pinabulaanan ng BHB sa Abra
Mining Act of 1955, epektibong nilalabanan ng mamamayan
Pananalanta ng pasistang estado
Mga pasistang atake laban sa Bayan Muna
Mga salot sa Leyte, pinarusahan ng BHB
Usapang pangkapayapaan, isinaisantabi ng rehimeng Macapagal-Arroyo
Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.