![]() | |||||||||||||||||||||||
|
|
Garapalang itinayo ng Israel ang isang 700-kilometrong bakod (na tinagurian ng Israel na "security barrier" o harang panseguridad) sa loob ng teritoryo ng Palestine para tuluyan nang kamkamin ang bahagi ng Palestine na inokupa ng Israel matapos ang gera sa Middle East noong 1967 at ang karagdagan pang mga lupaing inokupa ng mga setler na Israeli sa West Bank at Gaza Strip ng Palestine. Binubuo ito ng serye ng mga kongkretong pader na umaabot ng hanggang ilampung metro ang taas, mga trentserang napakalalalim, mga alambreng may alarma at dinadaluyan ng matataas na boltahe ng kuryente, at mga gwardyadong poste at toreng masinsin na nakalatag. Binabakuran ng pader ang marami sa pinakamatataba at pinakapaborableng lupa, pinakamasaganang rekurso ng tubig at iba pang likas na yaman at pinakamasisiglang sentrong pamilihan sa West Bank. Tahasang pinagbawalan na ang mga dating naninirahan at nagsasaka roong Palestino na bumalik pa. Inilalaan ngayon ng Israel ang mga lupain dito para sa mga Israeli na setler na umookupa sa mga 150 kolonya nila West Bank at sa Gaza Strip. Ang kalakhan ng naiwang bahagi para sa mga Palestino ay mahihirap, tigang at di paborableng lupa na kulang-na-kulang sa maiinom man lamang na tubig, halos di na masaka at walang komersyo. Dati nang mistulang malaking bilangguan ang buong Palestine. Pinasahol pa ito ng pader dahil pisikal nitong ikinukulong ang mahigit 2.5 milyong Palestino. Itinayo rin ng Israel sa 42% ng West Bank na natira sa mga Palestino ang 16 na magkakahiwalay na enklabo na walang mga dugtungan liban sa mga bypass channel (lihis na daan) para lamang sa mga Israeli. Nagmistulang maximum security prison compound na may maraming isolation cell ang lugar. Walang lagusan sa pagitan ng mga enklabo para sa mga Palestino. Kailangan ng upisyal na permiso at mahigpit na pagrekisa sa mga check-point bago makaraan sa mga tawiran. Sinasagkaan at winawasak ng pader ang kabuhayan, buhay pampulitika at ugnayang-sosyal ng mahigit 400,000 Palestino roon na pinagkakaitan ng kanilang mga kalayaan at karapatang-tao. Ang pader ay lamang sa maraming anyo ng matitinding paghihigpit at mararahas na pag-aatake ng gubyernong Israel sa mga Palestino. Ayon sa gubyerno ng Israel, kailangang itayo ang "security barrier" para proteksyunan ang mga Israeli mula sa umano'y mga Palestinong "terorista," laluna mula sa mga Palestinong suicide bomber.
Ibayong karahasan ang tugon ng mga Israeli. Tuluy-tuloy ang mga atake, pambobomba, pagpatay, pang-aaresto at iba pang pagmamalupit ng mga sandatahang pwersang Israeli sa mga Palestino. Ang mga nagpoprotestang Palestino na pumipigil sa pagbubuldoser ng kanilang lupa sa West Bank para malatagan ng "security barrier" nitong Pebrero 26 ay pinagbabaril ng mga sundalong Israeli. Dalawa ang namatay at mahigit 12 Palestino ang lubhang nasugatan. Sa kabilang banda, lumalawak ang suporta at simpatya ng mamamayan ng daigdig para sa pakikibaka ng mga Palestino. Pinakamalakas ang pagtutol sa pang-aapi sa mga Palestino ng mga rebolusyonaryo, anti-imperyalista at progresibong organisasyon, gayundin ng mga bayan at organisasyong Arabo at Islamiko. Kunwa'y may reserbasyon ang US sa pagsaklaw ng "security barrier" sa West Bank. Ang totoo, ang imperyalistang US ay palaging nasa likod at katuwang ng Israel sa pang-aapi at pag-aastang maton sa Palestine at iba pang bayan sa Middle East. Kalakhan ng ginagastos ng Israel sa $2.5 milyon kada milya ng "security barrier" ay galing sa $9 bilyong bagong ayuda ng US sa Israel. Dahil dito, lalong nahihiwalay ang Israel at US sa daigdig. Noong Oktubre 21, 2003 pa lang ay pinanukala ng European Union at inaprubahan ng malaking mayorya sa UN General Assembly ang resolusyon na pumipigil sa pagdaragdag ng "security barrier" at nagpapabuwag sa mga naitayo nang bahagi. Maliban sa US at Israel, ang tanging di sumang-ayon ay dalawang maliliit na neokolonya ng US sa Asia-Pacific, ang Micronesia at Marshall Islands. May nakasalang na ring gayong resolusyon sa Security Council mula pa noong Oktubre 14 pero hinaharang ito ng US sa pamamagitan ng veto. Noong Pebrero 23, nagsampa ng kaso ang UN sa International Court of Justice (ICJ) laban sa "security barrier" batay sa resolusyon na inayunan ng 90 myembrong bansa at ng Palestinian Authority (PA) bilang observer. Bukod sa mga pagtutol na ihinain ng UN at ng PA, naghain din ng kani-kanilang pagtutol ang 44 bansa, ang Organization of Islamic Conference at ang Arab League. Ang pagdining ay tinutulan at binoboykot ng Israel, US, Australia at lima pang maliliit na neokolonya ng US. Maging ang gubyerno ng United Kingdom na kadalasang sumusuporta sa iba't ibang patakaran at aksyon ng US sa Middle East ay hati sa usapin ng "security barrier." Ayon kay Jack Straw, Foreign Affairs Secretary ng UK, iligal ang "security barrier." Kinundena rin ito ng investigative commission na binuo ng parlamento ng UK para pag-aralan ang usaping ito at nagsabing ito'y "sadyang estratehiya ng Israel para paluhurin ang mamamayang Palestino." Marami ring mamamayang Israeli ang tumututol sa "security barrier" at kumukwestyon sa katarungan at ligalidad ng pagtatayo nito. Nitong Pebrero 29, naglabas ng restraining order (pansamantalang pagpigil) ang Korte Suprema ng Israel nang magsampa rito ng kaso ang Popular Committee Against the Wall, na kinabibilangan ng mga Israeli at Palestino na tutol sa "security barrier." ![]()
| |||||||||
|
[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info] [Publications | Specials | Kultura | Photos] The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau of the Communist Party of the Philippines. Click here to send your feedback. |
|