Mga Ulat Koresponsal: Mga suliranin ng mga magsasaka�t manggagawang bukid sa mga niyugan sa Kabikulan
Sa harap ng tuluy-tuloy na pagdausdos ng pamilihan at industriya ng niyog sa bansa at buong daigdig, patuloy ang paglubog ng mga magsasaka sa mga niyugan sa malalang karukhaan. Sa kabila nito, walang ginagawa ang rehimeng Macapagal-Arroyo para alagaan ang kanilang kapakanan. Ang sumusunod ay paglalarawan ng abang kalagayan ng mga magsasaka sa mga niyugan sa Kabikulan.
Monopolyo ng mga panginoong may-lupa sa mga niyugan. Tinatayang 2.5 milyong pamilya (3.4 milyong magsasaka at manggagawang bukid at ang kanilang 16.6 milyong supling) sa buong bansa ang umaasa sa produksyon ng niyog para sa kanilang kabuhayan. Dalawampung porsyento o 500,000 lamang ng mga pamilyang ito ang may sariling niyugan. Samantala, 50,000 pamilya lamang ang nagmamay-ari sa 80% ng lahat ng niyugan sa bansa.
Ang nagpapatuloy na kawalan ng sariling lupang ikinabubuhay ng malaking mayorya ng mga magsasaka sa niyugan ang naglulugmok sa kanila sa mabagsik na pagsasamantalang pyudal at malapyudal at sa matinding kahirapan at pagkaatrasado sa kabuhayan.
Sa Bikol, 663,443 ektarya o 37% ng kabuuang lupain ay niyugan. Wala pang 0.2% nito ang 1,226.2 ektaryang "ipinamahagi" mula 1987 sa ilalim ng maka-asenderong Comprehensive Agrarian Reform Law.
Dahil ang pag-aari at kontrol sa lupa ay nananatiling monopolisado ng mga panginoong maylupa, naididikta nila ang hatian ng produkto mula sa mga niyugan. Pinakalaganap ang partihang 60-40 at tersyuhan (2/3-1/3), pabor sa panginoong maylupa. Sa mas maraming niyugan, isinasabalikat ng mga magsasaka ang mga gastos sa produksyon katulad ng pasahod sa manggagawang bukid at upa sa kalabaw.
Kung kaya nananatiling hikahos ang kalagayan ng nakararami sa halos 300,000 magsasaka at manggagawang bukid sa mga niyugan sa Bikol. Sa kabilang banda, limpak-limpak ang kinikita ng mga panginoong maylupa, burges-kumprador at mga dayuhang namumuhunan sa produksyon ng kopra at iba pang produkto ng niyog.
Pagdausdos ng pamilihan at presyo ng mga produkto ng niyog. Matagal nang kumikitid ang pandaigdigang pamilihan ng mga produkto ng niyog. Pangunahing dahilan nito ang lumalaking kumpetisyong idinudulot ng iba pang vegetable oils (langis na galing sa halaman). Pangunahing kakumpitensya ng langis ng niyog ang palm oil at palm kernel oil. Maging ang gubyernong Macapagal-Arroyo ay magpapatupad ng programa sa komersyal na pagtatanim ng mga negosyante mula sa Malaysia at Brunei ng palm trees sa 100,000 ektarya sa bansa. Makapagpapabilis ang ganitong programa sa pagdausdos ng industriya ng niyog sa Pilipinas.
Dulot ng pagkitid ng pandaigdigang pamilihan, lagi nang bagsak ang presyo ng mga produkto ng niyog. Mainam na kung umabot sa P6 ang bawat kilo ng kopra. Noong 1996, umabot lamang ito sa abereyds na P3.50 bawat kilo. Sa kasalukuyan, P4.50�P5.50 lamang ang presyo nito. Maging ang mga panggitna at mayamang magsasaka ay biktima rin ng bagsak na presyo ng kopra.
Bukod sa pagsadsad ng presyo ng kopra bunga ng pagkitid ng pandaigdigang pamilihan nito, kinakaltasan pa nang 15-25% ang presyo ng kopra para sa resiko (muling pagpapatuyo para alisin ang natitirang tubig sa kopra) na arbitraryong itinatakda ng mga namimiling kumprador.
Sa humigit-kumulang 1.5 ektaryang niyugan, karaniwang nakaaani ang isang nangungupahang maralitang magsasaka ng 2,400 piraso ng niyog bawat 45 araw. Nagluluwal ito ng 600 kilo ng kopra. Sa presyong P5.50 bawat kilo, ang kabuuang kita rito ng magsasaka ay P3,300. Kapag binawasan nang 15% o P495 para sa resiko, ang matitirang paghahatian ng magsasaka at panginoong maylupa ay P2,805. Sa partihang tersyuhan batay sa kabuuang kita, P1,870 ang kakamalin ng panginoong maylupa. Ang P935 na matitira sa magsasaka ay aawasan pa ng mga gastos sa produksyon. Kahit walang awasin dito, ang abereyds na maaari niyang gastusin hanggang sa susunod na gusi (anihan) ay P20.78 lamang bawat araw. Ito ay 5.4% lamang ng tinatayang P382.63 arawang pangangailangan ng anim-kataong pamilya upang mabuhay nang disente sa labas ng Kamaynilaan. Upang magkaroon ng dagdag na kita, kailangang magtrabaho rin siya bilang manggagawang bukid o maghanap ng iba pang pagkakakitaan.
Sahod-alipin ng mga manggaga-wang bukid sa niyugan. Nakapako sa napakababang antas ang sahod ng mga manggagawang bukid sa niyugan. Sa pagbagsak ng presyo ng kopra, bumagsak din ang sahod ng mga manggagawang bukid. Sa por pirasong pasahod, 30 sentimo ang karaniwang bayad sa pagkakawit, 10 sentimo sa pagtitipon at 15 sentimo sa pagbubunot. Ang pakyawang trabaho sa panginoong maylupa o mayamang magsasaka ng isang manggagawang bukid mula pagkakawit hanggang sa pagsasako ng kopra ay binabayaran lamang ng 60 sentimo bawat piraso. Kung mapakyaw ng isang manggagawang bukid ang isang gusi at matatrabaho niya ang 2,400 niyog, halimbawa, kikita siya ng P1,440. Mula rito, magkakaroon siya ng abereyds na P32 lamang na panggastos araw-araw para sa kabuhayan ng pamilya.
Malawakang pagpapalit-gamit ng lupa at dislokasyon. Nitong Abril, 11.7% ang upisyal na tantos ng disempleyo sa Kabikulan. Patuloy itong lalala sa harap ng malawakang pagputol ng mga punong niyog at pagpapalit-gamit ng lupa.
Sa kabila ng RA 8048 o Coconut Preservation Act of 1995, batas na nagbabawal sa pagputol ng mga produktibong puno ng niyog, milyun-milyong puno ang pinuputol taun-taon para sa paggawa ng cocolumber, sa pagpapalit-gamit ng lupa at iba pa.
Nakatakdang ipailalim sa pagpapalit-gamit upang gawing minahan, pabrika, komersyal na mga plantasyon at iba pang agribisnes, commercial complex, golf course, resort o di kaya�y "proyektong pangkaunlaran" ang may 1.315 milyong ektarya o 74.62% ng buong Kabikulan.
Kawalang-katarungan sa istorikong suliranin ng coco levy. Magpahanggang ngayon, hindi lamang ipinagkakait sa mga magsasaka sa niyugan ang pondong coco levy (buwis sa kalakal ng produktong niyog). Pormal nang binawi ni Macapagal-Arroyo ang maka-Cojuangco na utos ni Estrada kaugnay ng coco levy. Subalit minamaniobra ngayon ng pinuno ng Kongreso na si Jose De Venecia ang muling pagbabalik ng pondong coco levy kay Cojuangco. Bukod rito, nito lamang Hunyo 2001 ay pinawalambisa na ng korte ang isa sa pitong kaso laban kay Cojuangco kaugnay ng pagnakaw sa pondong coco levy. Ginamit ni Cojuangco ang pondo para ipambili ng mga sapi sa United Coconut Planters Bank at San Miguel Corporation.
Patung-patong ang mga suliraning pinapasan ng mga magniniyog. Nagpapatuloy ang pagdausdos ng industriya sa niyog at ang karukhaan ng mamamayang umaasa rito. Nananatili namang bulag at bingi ang rehimen sa kanilang kalagayan. Mareresolbahan lamang ang mga ito sa pamamagitan ng mga matagalang radikal na pagpapalawak at pagbabago sa agrikultura at kabuuang ekonomyang pampulitika sa mga niyugan. Sa proseso nito, kailangang maglunsad ng mga pakikibakang antipyudal at iba pang pakikibakang masa na nakatuon sa bawat natukoy na suliranin upang makakamit ng mga kagyat na kaginhawahan sa malubhang karukhaan ng masang magsasaka sa mga niyugan.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|