Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Editoryal:
Protestang bayan at mga armadong opensiba ng BHB, yayanig sa rehimeng Arroyo sa 2005

 Read this article in English

Yayanigin ng matitinding dagok ng mga protesta at armadong bigwas ang anti-mamamayang rehimeng Arroyo ngayong 2005. Ibayong pagtindi ng mga pakikibakang masa at patuloy na pag-igting ng mga armadong opensiba ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang sagot ng sambayanang Pilipino sa walang awat na pagpapahirap sa kanila ng rehimeng Arroyo.

Lalo pang mabilis na nawawasak mula sa loob ang rehimeng Arroyo dahil sa pagtindi ng alitan ng magkakaribal na paksyon ng naghaharing uri at mga paksyon sa loob ng sandatahang lakas ng reaksyunaryong estado. Palawak nang palawak ang mga pwersang handang umanib sa isang nagkakaisang prente laban kay Arroyo.

Nagbubunga ito ng lalong paghina at pagkakahiwalay ng papet na rehimeng Arroyo na maaaring humantong sa tuluyan nitong pagbagsak. Ang pagbabagsak sa rehimeng Arroyo ang tanging makatwirang tugon sa apat na taon nang pagpapahirap nito sa malawak na masa ng sambayanan, laluna sa masang anakpawis.

Ang rehimeng Arroyo na mismo ang nagpapabilis sa proseso ng pagbabagsak nito. Sunud-sunuran ang papet na rehimen sa mga dikta ng imperyalismong US at kontrolado nitong mga ahensyang internasyunal. Nag-uudyok ng malawakang galit ng masa ang rehimeng Arroyo dahil sa pagdudulot ng walang kaparis na paghihirap sa mamamayan ng mga batas, patakaran at programang pabor sa malalaking negosyong dayuhan at mga lokal na partner nito.

Balak ng rehimeng Arroyo na lalo pang parusahan ang mamamayang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapataw ng mga bagong pasaning buwis. Dagdag ito sa walang awat na pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo at iba pang pangunahing bilihin at serbisyo. Hindi na makaagapay ang mamamayan sa tindi ng problema sa disempleyo at pagpako sa napakababang antas ng sahod at sweldo ng mga manggagawa at kawani.

Habang naghihikahos ang mamamayan, patuloy namang nagpapakasasa ang mga dayuhang among imperyalista ng rehimeng Arroyo sa hinuhuthot nilang superganansya at mga interes at bayad sa pautang. Ang naghaharing pangkating Arroyo mismo ay nagkakamal ng daan-daang milyong kurakot mula sa kabang-bayan at mga proyekto ng reaksyunaryong gubyerno.

Ang anumang pagtutol sa gayong kawalanghiyaan at pambubusabos ay sinasagot ng ibayong pagmamalupit ng estado, gamit bilang sangkalan ang "gera laban sa terorismo." Ang nagdaang taon ay pinapula ng dugo ng ilampung biktima ng masaker at pananalbeyds. Tinatarget ng mga ito ang mga di armadong sibilyan sa kanayunan. Walang humpay ang malulupit na operasyong militar, panonortyur, pambobomba, panghahalughog, sapilitang ebakwasyon at iba pang matitinding paglabag sa karapatang-tao.

Plano pang pataasin ang antas ng kontra-mamamayang digma sa pamamagitan ng pag-imbita ng ibayo pang interbensyong militar ng US sa Pilipinas. Ang pampulitika at materyal na suportang natatanggap ng rehimen sa amo nitong imperyalista ay nagpapalakas ng loob nitong magsagawa ng mas masahol pang mga paglapastangan sa karapatang-tao.

Pinakahuli lamang sa pinakakarumal-dumal at malupit na krimen ng rehimeng Arroyo ang walang-awang pagmasaker sa mga welgista at kanilang mga tagasuporta sa Hacienda Luisita Inc. (HLI) noong Nobyembre 16, ang pagpaslang sa lider magsasakang si Marcelino Beltran nitong Disyembre sa Tarlac at muling pag-atake sa piketlayn sa HLI ngayong Enero kung saan dalawang welgista ang binaril.

Duguan ang kamay ni Arroyo sa masaker sa Hacienda Luisita. Si Arroyo at ang kanyang mga islogang "matatag na republika" at "anti-terorismo", sa katuus-tuusan, ang nag-udyok sa mga upisyal at tauhan ng militar at pulis na pagbababarilin ang mga manggagawa at maralitang magsasaka. Determinado si Arroyo na supilin ang pakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa.

Bilang tugon, mapangahas na pinalalawak at pinalalakas ang mga kampanya at pakikibakang masa ng mga magsasaka, laluna sa harap ng ibayong panunupil sa kanila tulad ng naganap na masaker sa Hacienda Luisita. Isinisigaw sa buong Pilipinas ang panawagan para sa tunay na reporma sa lupa.

Mapangahas na pinalalawak ang ligal na demokratikong kilusan sa kalunsuran at kabayanan. Nasa unahan nito ang masang manggagawa na nakikibaka para sa dagdag na sahod, umento sa sweldo ng mga kawani, kabuhayan para sa walang trabaho, pabahay para sa mga maralita, at disente at makataong pamumuhay para sa lahat. Nilalabanan nila ang mga patakaran at hakbanging nagdudulot ng malawakang disempleyo, kaswalisasyon, paglabag sa mga demokratikong karapatan at iba pang anyo ng ibayong panggigipit sa mga manggagawa.

Nilalabanan ng malawak na masa ang walang-awat na pagtaas ng presyo ng langis at mga bilihin. Nagpupuyos sila sa galit sa balak na ipataw na mga karagdagang buwis at paglapastangan sa kanilang kagalingang panlipunan. Pinasisigla nila ang kanilang pakikibaka para sa pagtatanggol ng kabuhayan, kagalingan at mga demokratikong karapatan ng mga manggagawa, magsasaka, iba pang maralita ng lunsod, mga propesyunal at intelektwal, maliliit na negosyante at iba pang uri at saray na inaagrabyado ng imperyalismo, reaksyon at pasismo.

Nag-iibayo ang poot at kahandaang lumaban ng masang pinagsasamantalahan at inaapi. Pinangingibabawan nila ang takot sa panggigipit at pandarahas sa kanila ng estado. Kailangang anihin at bigyang-direksyon ang gayong malawak at matinding disgusto ng mamamayan at mapangahas na palawakin at palakasin ang kanilang mga pakikibakang anti-imperyalista, antipyudal at antipasista.

Itinutuon nila ang pinakamalakas na hambalos sa reaksyunaryong rehimeng US-Arroyo para ihiwalay at pabagsakin ito.

Pinalalawak ng mga rebolusyonaryong pwersa ang ugnay at pakikipag-alyansa sa mga grupo at elemento sa hanay ng mga naghaharing uri at reaksyunaryong sandatahang lakas na handang makipagtulungan para sa kabutihan ng masa ng sambayanan at para wakasan ang rehimeng Arroyo.

Nakahanda ang mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan na mapangahas na palawakin at paigtingin ang rebolusyonaryong pakikidigmang gerilya. Pinalalawak at pinalalakas ang hukbong bayan. Sa taong ito, higit pang palalaganapin at padadalasin ang mga taktikal na opensibang kayang ipanalo upang ibayong pahinain ang rehimeng Arroyo at mag-ambag sa pagsisikap ng mamamayan na pabagsakin ito.

Papupulahin natin ang 2005 ng mga bandila ng nagpuprotestang mamamayan at ng apoy ng pinaigting na mga armadong opensiba ng hukbong bayan.

 


 Back to topNext article

07 Enero 2005
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Protestang bayan at mga armadong opensiba ng BHB, yayanig sa rehimeng Arroyo sa 2005
Mabungang taon ng rebolusyonaryong pakikibaka sa Central Luzon
Matatagumpay na Opensiba ng BHB:
Mahusay na plano, bentahe sa tereyn, mahigpit na ugnay sa masa

Patuloy ang pandarahas sa piketlayn ng Hacienda Luisita
Mga tagumpay ng rebolusyonaryong mamamayan at kilusan sa Western Mindanao
Sa buong Mindanao...
Ang susunod na apat na taon sa ilalim ni George W. Bush
155,000 patay sa tsunami sa Indian Ocean
Unilateral na tigil putukan ng GRP, nilabag ng militar
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.