Dalawang mukha ng pagbubuwis
Sukdulan na ang kalupitan ng rehimeng US-Arroyo. Dagdag sa pagtaas ng kasalukuyang 10% na VAT tungong 12%, inaprubahan na rin sa reaksyunaryong kongreso nitong Marso ang pagtatanggal sa nalalabing eksemsyon dito. Kumpara sa 20% pagtaas ng VAT, mas makamandag ang epekto ng pagtanggal ng mga eksemsyon.
Kabilang sa mga papatawan na ng VAT ang mga produktong petrolyo (liban sa LPG) na papatungan ng papalaking buwis mula sa 4% sa unang taon hanggang 12% sa pang-apat na taon at mga "pagkain ng mahihirap" tulad ng instant noodles, sardinas at iba pang delata na papatawan ng 6% VAT. Papatawan na rin ng 10% VAT ang mga serbisyo ng mga abugado at doktor.
Hindi itinatanggi kahit ng mga kumpanya ng langis ang tiyak na pagsirit ng mga presyo ng produktong petrolyo kapag pinatawan na ang mga ito ng VAT. Tiyak na tataas din ang singil sa kuryente dahil langis ang ginagamit na panggatong sa mga planta ng kuryente. Ayon sa Napocor, P0.70/kWh ang minimum na maidaragdag sa presyo ng kuryenteng ibinebenta nito sa mga distribyutor. Kung papatawan din ng VAT ang ibang independent power producers (IPP), madaragdagan ng P0.80/kWh hanggang P1/kWh ang singil ng Meralco dahil bukod sa binibili nito sa Napocor, Napocor, bahagi ng kuryenteng ibinebenta ng Meralco sa publiko ay binibili nito sa mga IPP.
Ang malilikom na pondo ng gubyerno mula sa pagtatanggal ng eksemsyon sa VAT ay dagdag sa nakukuha na ng gubyerno na buwis mula sa mga produktong petrolyo tulad ng diesel (P1.63/litro), fuel oil (30 sentimo) at gaas (60 sentimo). Gayundin, dagdag ito sa P0.0929/kWh na pagtaas ng singil ng Meralco na pinahintulutan ng rehimen nito lamang Pebrero batay sa deferred accounting adjustment o tantyang pagkalugi ng kumpanya sa susunod na dalawang taon.
Kagyat at direkta ang epekto ng pagtaas ng VAT sa mamamayan dahil ito ay buwis sa konsyumer at hindi sa prodyuser. Isa ito sa mga prayoridad na batas ng rehimeng US-Arroyo dahil sa laki at saklaw ng kitang mahuhuthot. Kabaligtaran nito ang binabalewalang pagpapataw ng VAT o anumang dagdag na buwis sa mga luho tulad ng mga mamahaling relo, imported na pagkain, alahas, yate, pribadong eroplano, pabango, byahe sa ibang bansa at mga laruang hitech.
Habang sumisirit pataas ang pasaning buwis ng mamamayan, tuluy-tuloy na tinatamasa ng malalaking dayuhan at lokal na kumpanya ang pagbaba ng kanilang mga obligasyon sa buwis. Pansinin ang sumusunod:
Mula sa Comprehensive Tax Reform Program (CTRP) ng 1998: Ang buwis sa kita kapwa para sa dayuhan at lokal na kumpanya ay 34%. Noong Enero 1, 1999, ibinaba ito tungong 33%; at muli noong Enero 1, 2000 tungong 32%.
Mula sa Omnibus Investment Code of 1987 (para sa mga kumpanyang nasa "investment priority areas" tulad ng pagmimina) at Export Development Act (para sa mga kumpanya sa loob ng mga export processing at special zones): Apat hanggang anim na taong libre sa pagbabayad ng buwis sa kita ang mga kumpanya. Sa halip, kailangan lamang magsentro ang mga ito ng 5% ng kanilang kabuuang kita. Libre sa pabubuwis ang kanilang ginagamit na imported na makinarya at may bawas ang buwis para sa mga lokal na kagamitan. Maaaring kaltasin mula sa kanilang buwis sa kita ang hanggang 50% ng gastos sa paggawa at pagsasanay (labor and training expenses). Sarisari rin ang mga eksemsyon at diskwento sa buwis sa iba pang dayuhan at lokal na serbisyo at kagamitan, kabilang ang transportasyon, distribusyon at pag-angkat ng yaring produkto. Walang buwis para sa buu-buong paglalabas ng kita mula sa bansa.
Espesyal para sa mga dayuhang kumpanya sa pagmimina: Dagdag sa lahat ng insentibong nakasaad sa Omnibus Investment Code, tatamasain ng mga dayuhang kumpanya sa pagmimina ang paglilibre sa lahat ng pambansang buwis mula sa konstruksyon at pagpapaunlad ng kanilang mga operasyon hanggang sa mabawi na ang ipinuhunan nila.
Sa laki ng nawawalang buwis sa gubyerno dahil sa katakut-takot na mga eksemsyong ito, kanino hinuhuthot ng gubyerno ang malaking bahagi ng kita nito mula sa pagbubuwis? Ayon sa mga pag-aaral, hindi nagbabayad ng karampatang buwis sa kanilang mga kita ang pinakamayayamang burukrata, kumprador at panginoong maylupa. Umabot lamang sa P7 bilyon ang binayaran ng mga negosyante at kumprador noong 2003. Kumpara rito, umabot sa P76 bilyon ang binayarang buwis sa kita ng mga manggagawa at kawani. Aabot sa 18% ng kabuuang kita ng gubyerno na nagmumula sa buwis ay mula sa income tax, at halos 27% nito ay mula sa mga sahurang manggagawa.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|