Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Rebyu:
Buhay Barya

 Read this article in English

Isang bidyo dokumentaryo ang inilabas ng Tudla Productions na pinamagatang Buhay-Barya. Nagpapakita ito ng iba't ibang mukha ng kahirapan sa Metro Manila. Mga totoong tao at kanilang mga problema sa harap ng totoong mga pangyayari ang isinalarawan sa bidyo. Una itong ipinalabas sa publiko noong Disyembre 10, 2003.

Nahahati sa iba't ibang kwento ang bidyo na umabot sa 57 minuto. Itinampok dito ang kwento ng isang

manggagawang kontraktwal sa pabrika, ng isang batilyo na nagtatrabaho sa Navotas, ng isang basurero, na pawang nagtitiis sa kakarampot na sahod at ng isang makabayang negosyanteng bumagsak ang negosyo at muling nagsisikap na makaahon sa kabila ng kawalan ng suporta ng gubyerno.

Sa unang kwento, sinubaybayan ang buhay ng mag-asawang Rosalie at Bong. Si Rosalie ay isang kontraktwal sa pagawaan ng damit. Ilang beses na siyang palipat-lipat ng pabrika at kahit ano ang kanyang gawin at gaano man siya magtagal sa isang pagawaan, hindi siya kailanman ginagawang regular. Sa maraming kaso, nagpapalit ng pangalan ang pabrika upang iwasan ang pagreregular sa mga manggagawang katulad ni Rosalie.

Si Bong naman ay sinisante sa kanyang trabaho sa isang pabrika dahil nangahas siyang magbuo at mamuno ng unyon.

Kapwa silang nag-aalala para sa kinabukasan ng kanilang kaisa-isang anak na si Bianca na noo'y malapit na magdiwang ng kanyang ikalawang kaarawan. Maghapon man silang magbanat ng buto, wala silang nakikitang katiyakan para sa hinaharap. Ni hindi sila tiyak kung kakayanin ng kanilang bulsa ang simpleng handaan para sa kaarawan ng kanilang anak.

Bilang pantawid, isinanla ni Rosalie ang kanyang ATM card sa kanyang superbisor para lamang makautang ng malaki-laking halaga. Kapalit nito, tatapyas ng 10% sa kanyang sweldo ang naturang superbisor hanggang mabayaran nang buo ang kanyang utang at interes nito.

Sa pangalawang kwento, sinubaybayan ang araw ng mag-asawang Nonoy at Jeng. Anim ang anak ng mag-asawa at dalawa rito ay nasa kolehiyo na. Dating regular na manggagawa si Nonoy ngunit sinipa siya sa trabaho matapos sumali sa unyon. Nagtatrabaho si Nonoy bilang batilyo o tagahakot ng banye-banyerang isda mula sa daungan. Ineempleyo ang mga batilyo ayon sa makaluma at mapang-aping sistemang kabo. Karaniwa'y aabot lamang sa P150 ang natatanggap ni Nonoy para sa magdamag na pagbabanat ng buto.

Samantala, buong araw na nagtatrabaho si Jeng bilang tagalinis ng isda sa daungan. Karaniwang nasa P100-P200 lamang ang abereyds niyang kinikita maghapon. Kulang na kulang ang magkasanib na kita nilang mag-asawa para itaguyod ang kanilang mga anak. Dahil dito, tinitipid na lamang nila ang kanilang pagkain at iba pang gastusin. Upang punan ang kanilang kita, nangutang si Jeng sa kanyang mga kamag-anak para makapagtayo ng maliit na tindahan habang nagsasaydlayn si Nonoy sa barangay.

Ang pangatlong kwento ay tungkol kay Mang Crispin, isang basurerong nawalan ng trabaho dahil sa paghina ng kumpanyang pinapasukan niya. Umaangkas na lamang siya sa mga byahe ng kanyang mga kapwa basurero para itawid sa gutom ang kanyang pamilya. Upang magkaroon ng kita sa mga araw na walang byahe, nag-iipon at nagbebenta na lamang siya ng mga basurang mapakikinabangan pa. Sa ibang mga araw, nagiging tagakubra siya ng ending, isang uri ng sugal.

Sa kabila ng lahat ng kahirapan at kaapihang dinaranas ng mga mag-asawa sa tatlong kwento, patuloy nilang hinahangad ang magandang kinabukasan para sa kanilang mga anak at para sa kanilang mga sarili. Bahagi sila sa tuluy-tuloy na sumusulong at lumalakas na kilusang manggagawa na nakikipaglaban para sa makatarungang pagtaas ng sahod, sapat na trabaho at iba pang karapatang pangmanggagawa.

Sa panghuling kwento, ipinakita ang pagbagsak ng Sarao Motors, isang lokal na kumpanyang pag-aari ng pambansang burges. Ibinahagi ng may-ari na hindi na makayanan ng kumpanya na ituloy ang operasyon nito dahil sa kamahalan ng mga inaangkat na materyales at paglipana ng mga segunda-manong sasakyang pampasahero na itinambak mula sa Korea at Japan.

Ang mga kwentong isinalarawan sa Buhay-Barya ay saksi ng tindi ng pagkabusabos at kaapihang dinaranas ng mga nasa pinakamababa hanggang gitnang saray ng lipunan sa kamay ng mga naghaharing uri at umiiral na gubyerno. Sa kanilang mga inilalahad at sa mismong buhay at mga karanasan nila, kitang-kita ang kawalang-pag-asa sa ilalim ng umiiral na reaksyunaryo at bulok na sistema ng masang anakpawis at buong sambayanan.

 


Previous articleBack to topNext article

21 Enero 2004
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Patakaran sa pangangampanya sa mga rebolusyonaryong teritoryo, matagumpay na ipinatutupad

Mga kagyat at pangmatagalang hinaharap ng usapang pangkapayapaan
Matatagumpay na opensiba ng BHB:
Dalawang kampo ng PAF sa Batangas, magkasabay na sinalakay ng BHB

Matatagumpay na Opensiba ng BHB
Pulitiko, dinisarmahan ng BHB

Mga Ulat Koresponsal:
"Peace zones"�panloloko sa mamamayan

Mga Ulat Koresponsal:
Parola Development Plan:
Huwad na pabahay

Rebyu:
Buhay Barya
Sa Ibayong Dagat:
Mga tagumpay ng Cuba sa pangangalaga sa kalusugan ng mamamayan: Kalusugan para sa lahat

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.