Ipagtanggol si Ka Joema!
Naglunsad ng piket-protesta ang mga progresibong kabataan, sa pangunguna ng Anakbayan, sa harap ng embahada ng The Netherlands sa Makati noong Setyembre 24. Sa isang sulat-petisyon, iginiit ng mga nagpuprotesta sa gubyernong Dutch na ibalik ang mga karampatang benepisyo bilang political refugee ni Kasamang Jose Ma. Sison, Senior Political Consultant ng negotiating panel ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Bilang tulong, nagpadala sila ng isang simbolikong "care package" na naglalaman ng mga delata, bigas, gamot, tubig na maiinom at iba pa.
Bilang pagsuporta kay Kasamang Sison, inilunsad rin ng Anakbayan ang kampanyang "Piso para kay Prof. Joema" na itinuturing nilang "isang mahusay na guro, tunay na tagapagtanggol ng kalayaan, mahusay na kaibigan, ama at kasama".
Noong Agosto 25, nagtipun-tipon ang mga pamilya, kasama at kaibigan ng pamilyang Sison at iba pang myembro ng peace panel ng NDFP sa Quezon City. Pinabulaanan nila ang "teroristang" bansag ng gubyernong US at Macapagal-Arroyo sa mga ito at iginiit ang kagyat na pagtigil ng rehimeng Macapagal-Arroyo sa kampanyang paninira laban sa NDFP. Ang pagtitipon ay dinaluhan din ng mga myembro ng peace panel ng GRP tulad nina Atty. Rene Sarmiento at Rep. Jose "Apeng" Yap. Nagpadala rin ng mensahe ng pakikiisa si Sen. Loren Legarda kung saan tinawag niyang "mga espesyal na klaseng Pilipino" sina Ka Joema at mga kasama.
Noong Setyembre 25, nagprotesta sa tapat ng embahada ng The Netherlands ang mga kasapi ng Philippine Solidarity Groups-Belgium. Natulog sila sa kalsada upang tuligsain ang kriminalisasyon sa kilusang masa sa Pilipinas at laban sa panggigipit ng gubyernong Dutch kay Prof. Jose Maria Sison. Inilunsad rin nila ang "1 euro para kay Sison" para sa mga batayang pangangailangan at pondong pandepensa (legal funds). (Ang isang euro ay katumbas ng P55.)
Dalampu't tatlong kinatawan naman ng European Parliament ang nagpahayag ng pagsuporta kay Ka Joema noong Setyembre 21. Sa pamamagitan ng isang petisyong ihinapag sa gubyerno ng The Netherlands, ipinanawagan nilang tanggalin na nito ang Partido Komunista ng Pilipinas at ang Bagong Hukbong Bayan sa ginawang listahan ng mga "teroristang orga� nisasyon". Anila, inilalagay nito sa peligro ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at Gubyerno ng Republika ng Pilipinas na malaon nang sinusuportahan at itinataguyod ng European Parliament. Ang 22 pumirmang mambababatas ay mula sa Denmark, France, Germany, Greece, Italy, The Netherlands, Portugal, Spain at Sweden.
Noong Setyembre 18, nanawagan sa isang press conference sina Archbishop Joris Vercammen ng Old Catholic Church ng Utrecht at Dominee Hans Visser ng Paulus Kerk ng Rotterdam na suportahan ang pakikibaka ni Ka Joema. Tinawag ni Visser na "estupido" ang desisyon ng gubyernong Dutch na ihinto ang pagbibigay ng mga benepisyo. Tinawag din nitong "katawa-tawa" ang paghahambing nito kay Ka Joema kay Osama bin Laden.
Samantala, naglunsad ng demonstrasyon sa harap ng embahada ng The Netherlands sa Chanakyapuri sa New Delhi, India nitong Setyembre 26. Inaresto ng pulisya ang mahigit 100 aktibista na may dalang liham-petisyon para sa gubyernong Dutch na humihiling na ibalik ang mga karapatan ni Kasamang Joema bilang political refugee.
Sa Vancouver, Canada, naglunsad ng piket sa harap ng embahada ng The Netherlands ang mga Pilipinong migrante bilang suporta kay Ka Joema at upang tuligsain ang terorismo ng US. Nagbigay din sila ng sulat-petisyon para sa pagtatanggol kay Ka Joema.
Ang mga aktibidad para sa pagtatanggol kay Ka Joema ay ikinokoordina ng Committee DEFEND. Sa internet, ang impormasyon tungkol sa kanyang kaso at paglaban ay matatagpuan sa www.defendsison.be.
Kaugnay nito, naglabas ng espesyal na isyu ang AB nitong Setyembre 22.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|