Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Balita

 Read this article in English

Mga sundalong Amerikano, kinasuhan

Kinasuhan ng taumbaryo ng Umapoy Island, Sipangkot ng Sitangkai, Tawi-tawi ang mga pwersa ng AFP, PNP at ilang sundalong Amerikano ng kasong pagpatay at paglabag sa karapatang-tao noong Hulyo.

Ayon sa mga tagabaryo, sinalakay noong Mayo 25 ng pinagsanib na pwersa ng US Army, Philippine Army at pulis ang isla. Ang mga sundalong Amerikano ay armado ng mga masinggan at aktibong lumahok sa walang pakundangang pamumutok ng AFP at PNP. Labing-isang magsasaka ang inakusang mga myembro ng Abu Sayyaf at iligal na dinampot at idinitine. Pinahirapan ang 11 at pinatay ang tatlo sa kanila.

Apat na sundalong Amerikano at mga elemento ng AFP at PNP ang kinasuhan sa Commission on Human Rights-Western Mindanao. Pinaiimbestigahan na rin ang kaso sa kongreso.

32 militar, kinasuhan ng pagpatay at pang-aabuso

Isang sarhento at 31 pang sundalo ng 44th IB ang sinampahan ng kasong murder dahil sa pagkamatay ng mag-asawang Bacar at Carmelita Japalali sa isang operasyong militar nitong Setyembre. Ang kaso ay isinampa nitong Setyembre 10 sa Prosecutor's Office ng Tagum City.

Ayon kay Talib Japalali, kapatid ni Bacar, natutulog sa kanilang bahay sa Sityo Talaba, Barangay Bingcungan noong gabi ng Setyembre 8 ang mag-asawa nang paputukan ng militar ang kanilang bahay. Tinamaan at namatay ang mag-asawa. Pinaputukan din ng militar ang katabing bahay nina Osmalic Ladia at Rosalim Padama. Ang lahat ng ito�y nasaksihan ni Japalali.

Upang pagtakpan ang kanilang pang-aabuso, ibinalita ng militar sa Southeastern Mindanao na nagkakanlong umano ang mag-asawang Japalali ng mga mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan. Nauna rito, ipinahayag nila na ang mag-asawa ay napatay sa 10 minutong sagupaan sa pagitan ng AFP at mga pwersa ng Moro Islamic Liberation Front.

Panibagong panggigipit kay Kasamang Sison, kinundena

KINUNDENA ng mga demokratiko at rebolusyonaryong kilusan sa buong mundo ang panibagong panggigipit ng gubyernong US kay Jose Maria Sison (Kasamang Joema). Alinsunod sa pasistang patakarang Patriot Act USA, hinarang nitong Agosto ang kanyang royalty mula sa bagong librong kolaborasyon nila ng premyadong makabayang nobelista at peryodistang si Ninotchka Rosca, ang Jose Maria Sison: At Home in the World�A Portrait of a Revolutionary.

Produkto ang librong ito ng mga pakikipanayam ni Rosca kay Ka Joema at asawa niyang si Julie de Lima sa Utrecht, The Netherlands. Sinimulan ni Rosca ang pagsusulat nito pagkatapos mabigo ang planong asasinasyon noong Hunyo 2001 kay Ka Joema. Nabalam ang pagsusulat nito nang isama ng US noong Agosto 2002 sa listahan ng mga �terorista� ang PKP, Bagong Hukbong Bayan at si Ka Joema.

Nilalaman ng libro ang mga pananaw at pagsusuri ni Ka Joema di lamang hinggil sa kasaysayan ng lipunan at rebolusyong Pilipino, kundi sa perspektiba ng pandaigdigang kilusang anti-imperyalista. Ang libro ay nagsisilbi ring talambuhay ni Ka Joema, na sa edad na 65 anyos ay gumugol na ng 45 taon sa pagsisilbi sa rebolusyon. Kabilang din sa nilalaman ng libro ang piling mga tula ni Ka Joema. Isa rin siyang premyadong makata na nanalo ng Southeast Asia WRITE Award noong 1986.

Si Rosca ay dating kasapi ng Kabataang Makabayan at isa sa mga tagapagtatag ng Gabriela Solidarity Network USA.

"Baker Piston" kinundena ng NDF-Southern Mindanao

Kinundena ng National Democratic Front-Southern Mindanao Region (NDF-SMR) ang paglulunsad ng "Baker Piston," isang pagsasanay militar ng mga tropang Amerikano at Pilipino laban umano sa "narkoterorismo" na ilulunsad sa Davao City at iba pang bahagi ng Mindanao. "Narkoterorismo" ang bansag sa pagkakasangkot ng umano'y mga teroristang organisasyon sa pangangalakal ng iligal na droga para makalikom ng pondo.

Sa isang pahayag nitong Setyembre 15, sinabi ni Rubi del Mundo, tagapagsalita ng NDF-SMR, na ginagamit lamang ng US ang kampanya laban sa droga para pag-ibayuhin ang panghihimasok sa Pilipinas, laluna sa Mindanao. Sa partikular, ani del Mundo, nais ng US na palakasin ang presensyang militar nito sa Mindanao para makontrol nito ang mga rekursong langis at iba pang likas na yaman sa Brunei, Indonesia, Malaysia at Pilipinas. Nais din ng US na mabigyang-daan ang paglaban nito sa mga armadong rebolusyonaryong kilusan na isinusulong ng Bagong Hukbong Bayan at ng Bangsamoro Islamic Armed Forces.

Ayon kay del Mundo, ang totoo ay ang Central Intelligence Agency ng US ang numero unong promotor ng "narkoterorismo" sa mundo. Ibinigay niyang halimbawa ang kaso ng Colombia, kung saan lihim na nakikipagkutsaba ang US sa mga prodyuser ng poppy, ang halamang pinagmumulan ng drogang opyo, morpina at heroin, subalit ang pinararatangan nitong sangkot sa droga ay ang mga rebolusyonaryong armadong grupo sa bansa.

Pres. Arroyo, binatikos sa ika-32 anibersaryo ng batas militar

Mariing binatikos ng mga progresibong organisasyon ang mapanupil na pamamalakad ng rehimeng US-Arroyo sa paggunita sa ika-32 anibersaryo ng deklarasyon ng batas militar nitong Setyembre 21.

Partikular nilang tinuligsa ang planong pagpapataw ng karagdagang mga buwis at ang paglalagay ng mga dating upisyal militar sa mga susing pusisyon sa gubyerno. Anila, ipinagpapatuloy ni Pres. Arroyo ang ilang mapaniil na instrumento ni Marcos noon tulad ng "no permit, no rally policy."

Nagmartsa hanggang sa Mendiola Bridge sa Maynila ang may 1,000 kasapi ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN), Karapatan, Bayan Muna, Anakpawis, Gabriela, Kilusang Mayo Uno at Anakbayan.

Nagdaos din ng mga pagkilos sa mga lunsod ng Baguio, Bacolod, Davao at Gen. Santos.

Gera laban sa Iraq, iligal�Kofi Annan

Walang paliguy-ligoy at pinal nang idineklara ni Kofi Annan, Secretary-General ng United Nations (UN), nitong Setyembre 15 na iligal ang inilunsad na gera ng US sa Iraq. Ayon kay Annan, hindi aprubado ng UN ang ginawang pagsalakay sa Iraq ng koalisyong pinamumunuan ng US. Dadalawa lang, aniya, ang batayan na katanggap-tanggap sa UN para maglunsad ng gera�kapag kailangang magtanggol sa sarili ang isang bansa o kailangan nitong kumilos laban sa napipintong pagsalakay dito. Hindi umiiral ang alinman sa mga dahilang ito sa kaso ng Iraq.

Sa kaugnay na balita, pinal na ring idineklara ng Iraq Survey Group (ISG) na wala ngang weapons of mass destruction sa Iraq. Ang ISG ay kinabibilangan ng 1,200 ekspertong Amerikano at British na inatasan ng "coalition of the willing" na hanapin ang weapons of mass destruction na iniingatan daw ng Iraq at siyang ginawang sangkalan para salakayin ang bansa.

Sa kabila nito, ipinagpipilitan pa rin nina Presidente George W. Bush ng US at Prime Minister Tony Blair ng United Kingdom na lehitimo ang batayan ng panggegera nila sa Iraq.

Pagtutuwid

Sumusunod ang ilang puna hinggil sa pagkakasulat ng balitang "Nominasyon ni Bush, sinalubong ng protesta" na lumabas sa pahina 12 ng isyung Setyembre 7 ng Ang Bayan.

Maling ibinalita na nagpahayag ang United for Peace and Justice (UFPJ) ng pagtutol sa gera at pananakop ng US sa Afghanistan at nanawagan ito para suportahan ang pakikibaka ng mamamayang Palestino. Ang nagdala ng panawagang ito ay ang ANSWER (Act Now to Stop War and End Racism) na naglunsad ng mga pagkilos sa araw ding iyon.

Walang upisyal na pahayag ang pamunuan ng UFPJ laban sa nagpapatuloy na gera at pananakop ng US sa Afghanistan bagamat marami-raming grupo sa loob ng UFPJ, tulad ng Not In Our Name (NION) at Freedom Road Socialist Organization (FRSO) ang may gayong paninindigan.

Ikalawa, ang maramihang pang-aaresto noong 1968 sa Chicago ay naganap sa kombensyon ng Democratic Party at hindi ng Republican Party. Matatandaang ang Democrat na si Lyndon Baines Johnson ang presidente noon ng US, at laganap sa panahong iyon ang disgusto sa isinusulong niyang gera sa Vietnam.

Pangatlo, ang wastong titulo ni Jesse Jackson ng Democratic Party ay "Reverend" at hindi "Attorney."

 


Previous articleBack to top 

21 Setyembre 2004
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Yayanigin ng mamamayan ang rehimeng US-Arroyo

Itaas ang antas ng pakikibaka para sa makabuluhang dagdag na sahod
3,000 dagdag na sweldo, iginigiit ng mga manggagawang pangkalusugan
Rebolusyonaryong patakaran sa enerhiya
Singil sa kuryente itataas na naman
Sa gitna ng matinding pagkakabaon sa utang
Malalang katiwalian at kabulukan sa Napocor

Walang kahihiyang pagpapakasasa
Kumperensya ng tagumpay sa Hilagang-Silangang Luson
BHB, umaani ng tagumpay sa Samar
Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.