Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Bulnerabilidad ng imperialistang ekonomya, tumambad sa pag-atake sa US

 Read this article in English

Ang pagdedeklara ng "digma laban sa terorismo" ay isinagawa ng imperyalismong US sa konteksto ng pagkalugmok nito sa isang krisis sa ekonomya matapos na pumutok ang bula ng "bagong ekonomya". Bago pa man naganap ang mga atake noong Setyembre 11, nagsimula nang pumasok ang US sa resesyon na kinatatangian ng pagkupis ng pamilihan, papalaking pagkalugi ng malalaking negosyo, papalalang disempleyo at iba pang negatibong indikasyon sa ekonomya. Imbing pakana rin ng US na ilihis ang atensyon ng mamamayang Amerikanong ligalig sa patuloy na paglubog sa resesyon ng ekonomya ng kanilang bansa. Ang digmang agresyon sa anyo ng ay "gerang anti-terorismo" ay desperado subalit dati nang paraan ng imperyalismong US para pasiglahing muli ang naghihingalo nitong ekonomya.

Maagang bahagi pa nitong taon, patungo na sa panibagong yugto ang siklikong resesyon o pagbagsak ng ekonomya ng US at ng internasyunal na sistemang kapitalista. Pinatindi ito ng krisis ng sobrang produksyon dulot ng pagbilis ng pagtataas ng antas ng teknolohiya at kumpas ng produksyon samantalang wala namang kakayahang makonsumo ng pamihilan ang mga sobrang produktong iniluluwal ng mga ito. Humahantong ito ngayon sa pandaigdigang pagbagsak ng kapitalistang produksyon.

Sa kauna-unahang pagkakataon makaraan ang 20 taon, tumungo na sa negatibo ang tantos ng paglaki ng pandaigdigang kapitalistang ekonomya nitong ikalawang kwarto ng taon. Lumiit nang 6% ang pandaigdigang produksyong industriyal. Sa loob ng nakaraang 10 buwan, tuluy-tuloy nang papababa ang tantos ng pag-unlad ng produksyong industriyal sa US. Pinakamatagalang pagdausdos na ito mula pa 1983. Nitong ikalawang kwarto, ang taunang tantos ng pag-unlad ng kabuuang produksyon sa US ay 0.2% na lamang-pinakamababa mula 1983. Sa parehong panahon, 15% ang kabuuang ibinagsak ng pamumuhunan, 67% ang nawala sa tubo ng mga kumpanya at 271,000 ang naidagdag sa bilang ng mga walang trabaho sa US. Mula sa mas mataas na tantos, bumaba na rin sa 0.2% ang tantos ng pag-unlad ng kabuuang produksyon sa Europe. Higit na matarik ang 15% pagbagsak ng produksyong industriyal at 18% pagbagsak ng pamumuhunan sa Japan. Nauna nang nagsibagsak sa resesyon ang nakabatay-sa-eksport na ekonomya ng mga "umuusbong na pamilihan", tulad ng Brazil, Argentina, Mexico, Singapore, Taiwan at Malaysia. Ang ganito nang panloob na tunguhin ng ekonomya ng US at ng internasyunal na sistemang kapitalista ay inabutan at higit pang pinalala ng naganap na atake sa New York at Washington DC noong Setyembre 11.

Dahil sa takot at instabilidad na dala ng mga teroristang atake at ng militaristang kasagutan dito ng gubyernong Bush, ibayong nagbagsakan ang mga industriya sa pagbibiyahe, laluna na ang mga airline at mga kaakibat na serbisyo. Sa dalawang araw lamang na tumigil ang paglipad ng mga eroplano makaraan ang pangyayari, $550 milyon na ang nalugi sa mga airline. Magpahanggang ngayon ay nakasara pa rin ang pangunahing paliparan sa Washington DC at kanugnog nitong maliliit na airport.

Bilang ng mga manggagawa na tinanggal o
itinakdang tatanggalin sa ilang industriya sa US
(Setyembre 11-26)
Industriya sa US Pangkalahatang bilang
Airline 106,290*
Aerospace/ Kontrata sa depensa 38,900
Pinansya 1,300*
Manupaktura 4,300
Teknolohiya 3,790
Turismo 1,200
Kabuuan 155,780
* May anunsyo ng dagdag pang pagtatanggal ngunit wala pang kumpirmadong bilang. (Datos mula sa Washington Post).

Mabigat ang epekto ng mga pangyayari laluna sa mga manggagawa sa industriya ng airline at ng paggawa ng mga eroplano. Sa US pa lamang, hanggang Setyembre 26, umabot na sa mahigit 150,000 manggagawa sa industriya ng airline, aerospace at iba pang may kaugnayan sa mga ito ang tinanggal o nakatakdang tatanggalin na sa loob ng mga susunod na buwan. Patuloy pang lumalaki ang bilang ng mga tinatanggal sa trabaho. Ang 4.9% na disempleyo noong Agosto ay pinakamalala mula nang sumambulat ang malawakang krisis pampinansya sa Asia noong 1997. Tinatayang aabot na ito ngayon nang 7.1%. Pinakamalaki ang bilang ng mga manggagawa (30,000) na planong tanggalin ng Boeing, pangunahing kumpanyang gumagawa ng mga sasakyang panghimpapawid para sa militar at komersyal na gamit.

Bukod sa industiya ng airline at paggawa ng eroplano, matinding tinamaan din ang industriya ng paglalakbay at mga kaakibat na industriya sa US, tulad ng mga hotel at resort, mga shopping mall, mga pasugalan sa Las Vegas at iba pang lugar. Pinanawagan na ni Bush sa mamamayan sa US para maglakbay at magpunta sa mga shopping mall bilang umano'y patriyotikong aktibidad nila.

Limang araw matapos muling buksan ang stock market makaraan ang pag-atake sa US, bumagsak din nang 14.3% ang kabuuan ng stock market sa US at $1.4 trilyon ang nawala rito.

Matinding naapektuhan din ang sektor ng insurance o seguro. Tinatayang $30-$40 bilyon o mga 30% ng kabuuang puhunan ang nalugi sa mga kumpanya sa seguro sa buong daigdig. Nanganganib na tuluyan nang bumagsak ang mga may pinakamalalaking sineguro sa mga namatay, nawasak na eroplano at gusali at iba pang napinsala sa pag-atake sa US. Babawiin nila ito sa pamamagitan ng pagtataas ng singil sa seguro na pababayaran sa mga pasahero at kumpanya ng airline. Magreresulta ito sa pagtataas din ng pamasaheng sisingilin ng mga airline.

Dulot ng pagkalugi ng mga industriyang ito, tinatayang $50-$60 bilyon ang tuwirang mawawala sa dating inaasahang kita ng gubyernong US mula sa buwis, taripa at iba pang kabayarang inaasahan ng gubyerno sa loob ng taong ito.

May pagtayang umabot nang mahigit $100 bilyon ang kabuuang naging tuwirang kagyat na pinsala sa ekonomya ng US. Tinatayang $60 bilyon ang kinakailangan para sa pagkumpuni ng mga nawasak sa New York at Pentagon. Aabot naman sa $24 bilyon ang kinakailangang gugulin ng gubyernong US para lamang masalo at mapigilan ang tuluyang pagbagsak ng kabuuang industriya ng airline sa US. Sa pagtaya ng gubyernong US, mga $180 bilyon ang kabuuang kakailanganin para masalo ang pagdausdos ng lahat ng mga industriyang naapektuhan ng nangyaring atake sa US. Ngunit wala pa rin itong magagawa para mapigil ang tiyak na magtutuloy at higit pang lalalang resesyon sa US, kasabay ang nagaganap nang resesyon sa kabuuan ng internasyunal na sistemang kapitalista.

Kumpanyang USTinanggal na manggagawa
Continental Airlines12,000
American Airlines20,000
United Airlines20,000
Delta Airlines13,000
Northwest Airlines10,000
US Airways11,000
America West2,000
American Trans Air1,500
Virgin Atlantic1,200

Ang negatibo nang tunguhin ng internasyunal na kapitalistang ekonomya nitong kalagitnaan ng taon ay higit pa ngayong lumalala bunga ng mga pangyayari sa US. Tinatayang magkakaroon ng 2.2% absolutong pagbagsak sa pandaigdigang kapitalistang ekonomya sa taong ito at sa 2002.

Higit na paglala ng krisis pang-ekonomya ng Pilipinas

Sa harap ng mga pangyayari sa US, inaasahang ibayong malulugmok sa krisis ang ekonomya ng Pilipinas. Tinaya ng IMF na ang paglago ng gross domestic product (kabuuang produksyon sa loob ng bansa) ng Pilipinas para sa 2001 ay hindi na tataas pa sa 2.5%. Ang dating optimistikong inaasahan ng IMF para rito ay 3%. Ang dating pinapangarap pa para rito ng rehimeng Macapagal-Arroyo ay 3.3%.

Nakaamba ring lalong bumaba ang dati nang mababang credit rating (grado sa pangungutang) ng Pilipinas. Sa kasalukuyang paggrado ng mga pangunahing institusyon ng mga imperyalista para sa pagsusuri sa ekonomya at para sa pagrerekomenda ng pamumuhunan sa iba't ibang bansa, nakahanay ang Pilipinas sa mga bansang dapat iwasan ng mga mamumuhunan. Nakikita rin ng ING Barings, isang pandaigdigang kumpanya sa internasyunal na pamumuhunan, na ang ekonomya ng Pilipinas ay isa (pang-apat) sa mga pinakabulnerableng "bagong umuusbong na ekonomya" na mahahatak pababa sa lalong pagdausdos ng ekonomya ng US. Dulot ito ng sobrang pagsandig ng ekonomya ng Pilipinas sa ekonomya ng US at, sa partikular, sa pag-eksport sa US.

Dahil inaasahang lalala pa ang dati nang bagsak na katayuan ng mga industriyang pang-eksport, naglabas na ng babala ang Employers Confederation of the Philippines (ECOP) hinggil sa panibagong tanggalan ng mga manggagawa rito. Reaksyon ito ng mga kapitalista sa mas mababa pa kaysa inaasahang order mula sa US. Nitong nakaraaang 18 buwan, umabot na sa 43,000 manggagawa ang natanggal sa mga sektor ng elektroniks at konstruksyon. Nitong nakaraan, bumagsak na nang 30% ang kabuuang eksport ng mga pyesang elektronik ng bansa.

Kaugnay nito, inaasahang dadami pa ang mga kumpanya sa bansa na magsasara. Bago pa man ang mga atake sa US noong Setyembre 11, umabot na sa 1,300 kumpanya ang nagsara sa harap ng pagtumal ng pandaigdigang produksyon. Mas mataas ito kaysa 1,100 kumpanya na nagsara para sa buong taon ng 2000.

Bago pa man ang mga atake noong Setyembre 11, bukambibig na ng mga negosyante sa bansa na kailangang bawasan ang pagsandig sa ekonomya at pag-eksport sa US. Kahit si Macapagal-Arroyo, sa State of the Nation Address niya, ay umaaming walang pag-asang babangon sa hinaharap ang industriyang pang-eksport ng Pilipinas. Ngunit ang tangi, at tila napakasimple, na paraang nakikita nila para diumano'y maipatupad ito ay ang panghihikayat sa mamamayan na bumili ng mga produktong gawa sa bansa. Ni hindi nasasaling ang pangunahing suliranin ng pagdadagan ng imperyalismo sa bansa.

Bago asahang pagkakaroon ng tunay na paborableng resolusyon sa mga problemang pang-ekonomya sa bansa, kailangan munang sa pamamagitan ng demokratikong rebolusyon ng bayan ay makalaya ang bansa mula sa imperyalistang paghahari at mabago ang kinukubabawan nitong malakolonyal at malapyudal na sistema sa bansa. Anumang pangarap na mareresolbahan ang mga suliraning pang-ekonomya ng bansa nang hindi muna nakakamit ang pambansang pagpapalaya ay magiging kasing-ilap lamang ng isang bula.

 


Previous articleBack to topNext article

Setyembre 2001
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Kundenahin at labanan ang teroristang gerang pananalakay ng imperyalismong US

Mga teroristang krimen ng US at mga pasistang papet nito
Bulnerabilidad ng imperialistang ekonomya, tumambad sa pag-atake sa US
Estratehikong imperyalistang interes sa Afghanistan
Pagsangkalan sa gerang agresyon ng US:
Tumitinding reaksyon sa Pilipinas at ibayong dagat

Mga Ulat Koresponsal:
Kumperensya sa gawing Iloko: Mahalagang breyktru sa pagkakaisa sa pagsusulat at pagsasalin sa Iloko

Mga Ulat Koresponsal:
Masigla, mabilisan at epektibong pagkilos ng masa sa sonang gerilya

Mga Ulat Koresponsal:
Ang pagkilos ng Force Recon Battalion ng Philippine Marines

RHB: kriminal at kontra-rebolusyonaryo
CPLA isinanib na sa AFP
Mga Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.