Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Mga kasinungalingan ng mga "testigo" nina Marcos, Gregg Jones at Salonga kaugnay ng pagbomba sa Plaza Miranda

 Read this article in English

Ang mga "testigo" nina Marcos, Gregg Jones at Salonga kaugnay ng pagbomba sa Plaza Miranda ay pinalalabas na saksi sa mga bagay na sa katunayan ay hindi saklaw ng kanilang kaalaman at pawang gawa-gawa lamang upang siraan ang tumataas na prestihiyo ng PKP at ng rebolusyonaryong kilusan. Ang mga pinalalabas na "testimonya" nila, sa katunayan, ay kinatha rin lamang at pinalalabas na sinabi ng kung sinu-sino. Puno ng mga kontradiksyon sa isa't isa ang mga sinasabi nitong mga "testigo". Kaduda-duda rin ang mga "testimonya" ng mga taksil sa rebolusyon at may mabibigat na pananagutan, at sa gayon may motibong makapanira at makapangwasak sa Partido at rebolusyonaryong kilusan. Mula sa lahat ng mga ito, walang makukuha ni isang hibla ng tunay na ebidensya para sa makatotohanang pagsusuri.

Col. Victor Corpus. Purong kasinungalingan ang sinabi ni Corpus na ang sentral na pamunuan ng Partido ang nagplano ng masaker sa Plaza Miranda at na naroon siya. Hindi siya myembro noon ng anumang sentral na organo ng Partido. Kagagaling pa lamang niya noon sa hukbo ng kaaway at katatapos pa lamang ng reyd sa armori ng Philippine Military Academy, kung saan sinikap niyang patunayan ang sarili. Kaya imposibleng may nasaksihan siyang anumang pag-uusap sa sentral na pamunuan ng Partido.

Sa panahong nagsalita siya ng ganito, malinaw na nasa panig na siya ng kaaway, lubusan na siya muling tinanggap sa AFP at biglang tumalon na rin sa ranggong lieutenant colonel, nagkaroon ng bahay at lote, kotse at iba pang bagong ari-arian sa New Alabang Hills. Isinusulat na rin niya noon ang kanyang Silent War na nagpapanukala ng mga estratehiya at taktika ng Oplan Lambat Bitag para sa paglaban sa Bagong Hukbong Bayan at rebolusyonaryong kilusan at nang-iintriga na rin laban sa Partido at rebolusyonaryong kilusan. Di na rin kataka-takang lubos na pinagkakatiwalaan siya ng gubyerno at ng sandatahang lakas ng reaksyunaryong estado upang maging hepe sa paniktik ng AFP.

Ariel Almendral. Para maibaling sa Partido at kay Kasamang Sison ang responsibilidad sa masaker sa Plaza Miranda, ginamit ni Almendal ang kaso ng isang Danilo Cordero. Si Cordero ay isang Pulang mandirigma na nilitis ng hukumang militar ng Bagong Hukbong Bayan sa kasong mutiny (pag-aalsa sa loob ng hukbo) noong 1972. Kasama sa mga nilitis ang dalawa pang Pulang mandigirma na napagkamalang kasabwat niya sa mutiny. Sa kanyang desperasyon noong nililitis siya, sinikap ni Cordero na palabasin sa mga hurado na katapatang-loob siya ng sentral na pamunuan. Sinakyan niya ang linya ni Marcos at sinabi niyang silang tatlo ang inatasan na bombahin ang Plaza Miranda. Di nagtagal ay iniurong din niya ang mga pahayag na ito at di na ito pinansin. Gayunman, napatunayan pa rin siyang maysala ng mutiny at pinarusahan. Ang dalawa pang nakasama niya sa kasong mutiny at inosenteng isinangkot din niya sa nilubid niyang istorya tungkol sa Plaza Miranda, ay napatunayang walang-sala at nagpatuloy bilang mahuhusay na mga kasama at Pulang mandirigma. Naging martir sila ng rebolusyon sa pakikipaglaban sa kaaway.

Maging si Gen. Alfredo Lim, na nag-imbestiga sa nangyari sa Plaza Miranda noong hepe pa siya ng Western Police District, ay nagsabi kaugnay ng pagsasangkot ni Cordero kay Kasamang Sison, na "ang bersyong ito ay hindi mapanghahawakan dahil nakabatay lamang ito sa sabi-sabi. Sa pag-angkin ni Cordero ng responsibilidad sa pagbomba sa Plaza Miranda, sinisikap lamang niyang manuyo sa mga kasamahan niya na naglitis sa kanya..."

Ang "pagtestigo" ni Almendral sa imbestigasyon ng senado tungkol sa usapin ng pagbomba ng Plaza Miranda ay kapalit ng malaking utang na loob ni Almendral kay Salonga at sa anak nitong si Steve. Umaktong padrino at pinansyir si Salonga at ang anak nitong si Steve sa pagtakbo ni Almendral bilang kandidato ng Partido Liberal sa pagkakinatawan ng unang distrito ng Laguna noong 1987.

Liban kay Almendral, walang ibang tuwirang pinagkunan si Salonga ng kanyang mga "ebidensya". Ang mga "datos" mula sa iba pang mga "testigo" ay pawang pinulot lamang ni Salonga mula sa libro ni Jones.

Ruben Guevarra. Si Guevarra, isang dating lider ng Partido, ay nadakip ng kaaway noong 1981. Bago pa siya nadakip, natanggal na siya sa pamunuan ng Partido dulot ng marami niyang kasong pandisiplina. Sa mga unang taon ng pagkakakulong niya, wala siyang anumang sinasabi laban sa Partido at kay Kasamang Sison. Pinoprotesta pa niya ang kanyang iligal na detensyon at mga mapaniil na kundisyon sa pagkabinbin sa kanya.

Sa katagalan ay napaamo siya sa pamamagitan ng iba't ibang pribilehiyo at pampinansyang pabuya sa kanya hanggang sa lubusan na siyang bumaligtad at sumanib na bilang operatiba ng Intelligence Service of the AFP (ISAFP). Mula noon, nagbago ang hangin at sumabay na siya sa mga pagkokoro laban sa Partido at kay Kasamang Sison na kinukumpas ng DND at AFP sa ilalim noon ni Gen. Fidel Ramos. Sinikap na lamang nila ni Almendral na pagtugmain ang istorya nila.

Ibarra Tubianosa. Ginamit din uli ni Salonga ang mga salitang pilit inilagay ni Jones sa bibig ni Ibarra Tubianosa. Pinalalabas ni Jones na itinuro ni Tubianosa si Kasamang Sison bilang utak sa pagbomba ng Plaza Miranda. Ngunit, sa katunayan, walang sinasabing ganito si Tubianosa at inamin mismo ni Jones sa isang footnote sa libro na tumatanggi si Tubianosa na may ganito nga siyang sinabi. Isinaisantabi ni Salonga ang gayong pasubali.

Ricardo Malay. Sa katunayan, ang pangunahing pinagkunan ni Jones ng karamihan ng sabi-sabi, pati na ang maraming pinalalabas niyang sinabi ni Tubianosa, ay si Ricardo Malay. Ngunit sinikap itong ikubli ni Jones. Ikinasama ng loob ni Malay sa Partido ang mga kahirapan at kasawiang-palad sa pagrerebolusyon na di niya nakayanan. Ito ang sanhi ng kanyang paglulubid ng mga istorya at paratang laban sa Partido at mga pinuno nito.

 


Previous articleBack to topNext article

31 Hulyo 2001
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Ang pagbabaligtad ng hatol sa mga pasistang krimen ng diktadurang Marcos

Ang CIA, ang yaman ng mga Marcos at iba pang katiwalian sa likod ng pagbaligtad ni Salonga
Mga Pangyayari noong Agosto 21 at Agosto 23, 1971:
"Tumatahak sa landas ng diktadura-militar" - PKP

Mga kasinungalingan ng mga "testigo" nina Marcos, Gregg Jones at Salonga kaugnay ng pagbomba sa Plaza Miranda
Ilang sipi mula sa sinumpaang salaysay ni Manuel Reyes Bogtong ng Presidential Security Unit (March 14, 1989)
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.