Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Ang digmang agresyon ng US sa Afghanistan

 Read this article in English

Saklot ng kadiliman, sinimulang bombahin ng mga eroplanong pandigma ng US at United Kingdom (UK) ang mga pangunahing syudad ng Afghanistan nitong Oktubre 7. Sinundan ito ng ibayo pang pambobomba sa sumunod na mga araw.

Ayon sa propaganda ng US, layunin nitong "durugin ang depensang panghimpapawid at mga sentro ng kumand ng Taliban". Alinsunod rito, walang patumanggang binomba ang mga "target-militar" na sa katunaya�y mga sibilyang paliparan at mga daanan at iba pang imprastruktura.

Binomba ng US ang village o baryo ng Karam, dahil imbakan umano ito ng mga baril at bala ng Taliban. Nitong Oktubre 16, tinamaan ng bombang US ang mga gusaling imbakan ng Red Cross. Dalawang bodegang puno ng kailangang-kailangang suplay ng mamamayang Afghani ang natupok at isang gwardya ang nasugatan. Isa pa uling imbakan ng Red Cross ang nabomba ng US sa ikaapat na linggo ng Oktubre.

Sa paglulunsad ng digmaang ito, ipinakikita ng US ang kawalang pagkilala nito sa mga batayang karapatan sa soberanya at pagsasarili ng isang mamamayan laban sa dayuhang pakikialam at pananalakay. Kasuklam-suklam na ginagamit nito ang islogang "Enduring Freedom" o "matagalang kalayaan" gayong nilalapastangan nito ang kabuhayan at mga karapatan ng mamamayang Afghani, kabilang sa pinakamahirap at pinakadusta sa daigdig. Bago nito, buong kahambugang ginamit ang islogang "Infinite Justice" o "walang hanggang katarungan" subalit iniatras ito pagkatapos umani ng negatibong reaksyon.

Aroganteng layunin ng US na pangibabawin ang imperyalistang kapangyarihan nito sa Afghanistan at sa rehiyon ng Central Asia.

Malawakan at lahatang-panig na pinsala ang idinulot ng kampanyang pambobomba sa natitirang imprastruktura sa Afghanistan. Ibayong dumapa ang dati nang atrasadong kalagayan ng mga syudad nito. Pangalawang araw pa lamang ng pambobomba ay nagsimula nang maubusan ng target ang mga eroplanong pandigma ng US at UK.


Sibilyang target. Taliwas sa pinalalabas ng US na presiso ang target ng kanilang mga bomba, sa aktwal ay marami rito ang hindi tumatama sa mga target. Sa ikalawang linggo pa lamang, 400 sibilyan na ang kumpirmadong napatay, kabilang ang mga bata at kababaihan at apat na manggagawa ng United Nations. Ngunit ayon sa mga nakasaksi, aabot na sa 800 o mas malaki pa ang bilang ng mga nasawi.

Pagpasok ng ikalawang linggo ng kampanyang pambobomba, idineploy ng US ang mga B-52 bomber upang maghanap ng mga makilos na target (katulad ng mga "tropa" ng Taliban at al Qaeda) at maghulog ng mga cluster bomb, o bombang nagsasaboy ng 150 maliliit na bomba sa pagputok nito. Kinukundena at ipinagbabawal ng Red Cross at iba pang makataong organisasyon ang paggamit ng mga cluster bomb dahil sa lawak ng erya na sinasaklaw nito at dahil marami sa maliliit na bomba ay hindi agad na sumasabog. Sumasabog na lamang ang mga ito kapag natitisod ng tao o hayop. Kumpara sa mga landmine, mas marami ang napapatay ng mga ito dahil mas malawak ang naaabot ng pagsabog nito.

Dahil sa kabiguan ng US na patayin si bin Laden sa kabila ng isinagawa nang todo-todong kampanyang militar, inirekomenda na ng Pentagon ang paggamit ng armas nukleyar upang bombahin ang mga lungga ng al Qaeda. Iginigiit ng US na magiging "taktikal" lamang ang paggamit nito laban sa mga "ispesipikong" target. Pinakahuling gumamit ang US ng armas nukleyar nang bombahin nito ang Hiroshima at Nagasaki sa Japan noong 1945 na nagresulta sa pagkamatay ng mahigit 100,000 mamamayan.


Panggugutom at "pagpapakain". Ipinagmamayabang ng US na ang kanilang paghuhulog ng mga nirasyong pagkain (food drops) at gamot ay "tulong" sa mga sibilyang sinasalanta ng kanilang gera. Sa loob ng isang linggo, naghulog ng 110,000 pakete ng nirasyong pagkain ang mga eroplanong militar (abereyds ng 16,000 kada araw). Kung tutuusin, isa itong walang katuturang hakbang na malayong makatutugon sa arawang pangangailangan ng walong milyong Afghani na magugutom dahil sa digmang agresyon. May peligro pa dahil maraming pakete ang babagsak sa mga eryang tadtad ng landmines. Nakakalat ang aabot sa 10 milyong landmines sa kalupaan ng Afghanistan.

Upang mapwersa ang mamamayang Afghani na umasa sa ayudang militar ng US, kriminal na ipinatigil ng huli ang pamamahagi ng pagkain at iba pang ayuda ng mga internasyunal na makataong organisasyon at mga karatig bansa sa Afghanistan. Dulot nito, tinatayang isang milyong Afghani ang mamamatay sa kagutuman at kahirapan sa darating na taglamig. Bago pa man ang digmang agresyon, mayroon nang 3.8 milyong Afghani na nakaasa sa ayudang pagkain. Sa pagpigil ng mga bagong suplay, 320,000 Afghani ang mawawalan ng pagkain sa loob ng isang linggo. Pagdating ng Disyembre, mauubusan ng pagkain ang 1.6 milyong mamamayan. Itinaas na ng United Nations ang taya nitong 7.5 milyong mamamayan (mula sa 5.5 milyon) o sangkatlo sa populasyon ng Afghanistan ang mangangailangan ng ayuda sa loob ng taong ito. Ang "unang gera" ng milenyo laban sa "terorismo" ay mabilis na naghuhugis pambansang henosidyo.

Malinaw na propaganda-militar lamang ang limitadong food drops. Isinasagawa lamang ito ng US upang bigyan-matwid ang pambobomba ("kailangang durugin muna ang depensang panghimpapawid ng Taliban upang maaliwalas na maisasagawa ang food drops") at pagtakpan ang karahasan ng digmang agresyon laban sa mga sibilyan. Ginagamit din ito bilang panunuyo sa mamamayang Afghani. Sa mga nakapaketeng pagkain ay nakatatak ang mga salitang "regalo ng mamamayang Amerikano sa mamamayang Afghani". Kasabay ng mga pagkain, naghuhulog ang US ng mga polyeto at radyong de susi.

Nakalarawan sa mga polyeto ang isang Afghani na kinakamayan ang isang sundalong Amerikano. Ang mga radyo naman ay nakapirmi sa isang istasyon lamang (na pinatatakbo ng militar ng US) para hindi magamit sa mga brodkas ng Taliban.


Pwersahang pagpapalikas. Tinatayang aabot sa 1.1 milyong Afghani ang agad na nagsilikas sa kanilang mga tahanan matapos magdeklara ng gera ang US sa Afghanistan. Karamihan dito ay tumulak papunta sa mga hangganan ng mga karatig bansa upang takasan ang atake ng US at UK. Pero karamihan sa kanila ay tinatanggihang makapasok at napipilitang bumalik na lamang sa masisikip na refugee camps sa loob ng Afghanistan. Bago pa man masimulan ang pambobomba, nakapwesto na ang mgaarmadong pwersa ng Uzbekistan, Tajikistan at Turkmenistan sa mga hangganan nito upang pigilin ang pagpasok ng mga refugee. Iniutos ng US sa gubyernong Pakistan na isara ang mga hangganan nito sa katwirang maaaring sumama sa daloy ang mga tauhan ni bin Laden. Dagdag dito, pinresyur ng US ang Iran upang isara rin ang sarili nitong hangganan sa Afghanistan.

 


Previous articleBack to topNext article

Oktubre 2001
Edisyong Pilipino


Editoryal: Pag-ibayuhin ang mga rebolusyonaryong pagkilos sa harap ng gerang agresyon ng US at ng tumitinding reaksyon
Ang digmang agresyon ng US sa Afghanistan
Ano ang Northern Alliance?
Tuluy-tuloy ang protesta sa Pilipinas laban sa digmang agresyon at reaksyon
Nagngingitngit na galit laban sa gubyernong US at UK
Mga Ulat Koresponsal: Mga suliranin ng mga magsasaka�t manggagawang bukid sa mga niyugan sa Kabikulan
Mga Ulat Koresponsal: Mga pakikibaka ng mamamayan laban sa Lepanto Mines
Mga Ulat Koresponsal: Rebolusyong agraryo sumusulong sa Cagayan Valley
Mga Ulat Koresponsal: Paglalabas ng Kalatas habang nasa gawaing masa
Sagot sa tuluy-tuloy na atake ng kaaway sa Gitnang Luzon: Puspusang pagtangan at pagpapakahusay sa pakikidigmang gerilya
Pagpaparami at pagpapalaganap ng Ang Bayan: Kumbinasyon ng kilusang masa at paggamit ng modernong teknolohiya
Pananalanta ng pasistang estado: Mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao (Hulyo-Oktubre 2001)
Naghuhuramentado ang mga terorista at mersenaryong AFP at PNP ni Macapagal-Arroyo sa kanayunan:
Pahayag ni Gregorio "Ka Roger" Rosal, Tagapagsalita, Partido Komunista ng Pilipinas

Mga Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.