Pagpapatalsik sa mga base militar, ginunita
Ginunita nitong Setyembre 16 ang ika-11 anibersaryo ng pagbabasura ng senado sa tratado para sa mga base militar ng US sa Pilipinas. Ang pagtitipong ginanap sa University of the Philippines at tinawag na "Reliving September 16, 1991" (Muling pagsasabuhay sa Setyembre 16, 1991) ay inorganisa ng Bayan Muna at nina Bise Pres. Teofisto Guingona at dating Sen. Wigberto Ta�ada.
Labindalawang senador, kabilang sina Ta�ada at Guingona, ang bumoto laban sa panukalang "RP-US Treaty of Friendship, Cooperation and Security" na naghudyat sa pagwawakas sa 50 taong pananatili ng mga base militar ng US sa Pilipinas.
Dinaluhan ang aktibidad ng mga lider at myembro ng mga organisasyong masa. Nakiisa rin dito sina Pastor "Boy" Saycon ng Council for Philippine Affairs at Linda Montayre ng People�s Consultative Assembly (kapwa mga dating alyado ni Macapagal-Arroyo).
Iginiit ng mga dumalo sa pagtitipon na dapat isapubliko ni Macapagal-Arroyo ang nilalaman ng Mutual Logistics Support Agreement at obligahin siyang ihapag ito para sa deliberasyon ng Senado.
Noong araw ding iyon, daan-daang demonstrador ang nagrali sa tapat ng US Embassy upang tutulan ang interbensyong militar ng US sa Pilipinas at ang bantang pag-atake nito sa Iraq. Ang kilos protestang pinamunuan ng BAYAN, Bayan Muna at iba pang progresibong organisasyon ay dinaluhan din ng mga myembro ng International League of Peoples� Struggle.
Kasabay nito, inorganisa ng Liberal Party (LP) ang pagpapasinaya sa monumentong tinawag na "Inang Laya". Tinanghal ng monumento ang kawastuan ng pagpapatalsik sa mga base militar. Kahit pa ang LP ay bahagi ng naghaharing koalisyon, mapangahas nitong sinalungat ang sagad-sagarang maka-imperyalistang tindig ng tagapangulong pandangal nitong si Macapagal-Arroyo.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|