![]() | |||||||||||||||||||||||
|
|
Noong Mayo Uno, dumagsa sa lansangan ang libu-libong manggagawa sa iba't ibang bahagi ng bansa upang muling igiit ang makatarungang pagtaas sa kanilang sahod at ipagtanggol ang kanilang mga karapatan. Kasabay nito, kinundena nila ang pagpapakatuta ng rehimeng Macapagal-Arroyo sa imperyalismong US at ipinanawagan ang kagyat na pagpapatalsik nito sa poder.
Sa halip na itaas ang sahod, nag-alok ang rehimen ng maliliit na benepisyong malaon nang dapat ibinibigay sa mga manggagawa at mga nakaiinsultong pakonswelo de bobong labis nilang ikinagalit. Isa sa mga "benepisyong" ito ang pangakong pagpapababa sa bayarin sa kuryente. Ang totoo, matagal nang iniutos ng Korte Suprema na isauli ng Meralco ang sobrang siningil nito sa mga konsyumer sa nakaraang siyam na taon. Sa halip na kaagad na ipatupad, nakikipagtawaran pa ang Malakanyang sa pamilyang Lopez na may-ari ng Meralco. Bukod rito, ang matagal nang usapin ng purchased power adjustment (PPA) na siyang nagpapalobo ng singil sa kuryente, ay hindi pa rin ibinabasura ng rehimen. Agad pinalakpakan ng Employers' Confederation of the Philippines (ECOP) ang pagtanggi ni Macapagal-Arroyo na itaas ang sahod. Nais ng ECOP na ipatupad ang mga patakarang lalo pang magpapatindi ng pagsasamantala sa mga manggagawa, sa ngalan ng "produktibidad" at "pagbangon ng ekonomya." Hindi katanggap-tanggap para sa mga manggagawa ang taun-taong pagdadahilan ng rehimen at mga kapitalistang padrino nito na ang mga manggagawa ang dapat magtiis dahil bagsak ang ekonomya. Di hamak na kulang sa kanilang batayang pangangailangan ang tinatanggap nilang P250 arawang sahod. Ayon mismo sa mga ahensya ng gubyerno, aabot sa P530 ang arawang gastos ng isang anim kataong pamilya. Tuluy-tuloy na bumabagsak ang tunay na halaga ng sahod sa harap ng nagtataasang presyo ng mga batayang pangangailangan at serbisyo. Dahil dito, ibayong nagiging kalunus-lunos ang kalagayan ng mga manggagawang Pilipino, kasabay ng pagbagsak ng kabuhayan ng mamamayang Pilipino sa kalahatan. Sa gayon, nananatiling makatarungan, at lalong nagiging kagyat, ang iginigiit ng mga manggagawa na P125 pagtaas sa kanilang arawang sahod. Taong 2000 pa huling nagkaroon ng kakarampot na pagtaas (P12-20 bawat araw) sa arawang sahod ng mga manggagawa. Noong Nobyembre 2001, sa halip na itaas ang sahod, ipinag-utos lamang ng rehimeng Macapagal-Arroyo ang pagbibigay ng P30 bilang emergency cost of living allowance (ecola). Bukod sa insulto ito sa mga manggagawa, sangkapat lamang sa mga manggagawa ang nakatanggap dahil maraming kapitalista ang tumangging magbigay nito.
Hindi lamang pinababayaan ng rehimen ang interes at kapakanan ng uring manggagawa, direkta pa nitong inaatake ang kanilang mga karapatan at inaagaw ang tinatamasang mga benepisyong naipagtagumpay sa mahigit isang siglo na nilang pakikibaka. Laganap ang kontraktwalisasyon, kawalan ng seguridad sa trabaho at pambubuwag ng mga unyon. Walang renda ang pananalakay sa mga piketlayn at pagsagasa sa mga karapatan ng mga nagwewelga. Tinatangka ngayon ng rehimeng ikriminalisa ang militanteng unyonismo. Noong 2001, mismong si Macapagal-Arroyo ang naghanay sa lumalabang mga manggagawa sa listahan ng mga "terorista". Sa pinakabago naman nitong panukalang "kontra-terorismo," maaaring arbitraryong ideklarang mga "teroristang aksyon" ang anumang sama-samang pagkilos ng mga manggagawa sa loob at maging sa labas ng pabrika. Sa pamamagitan nito, layunin ni Macapagal-Arroyo na supilin ang militanteng kilusang unyon na tuluy-tuloy na bumabatikos sa mga patakaran at programa ng kanyang rehimen. Dagdag dito, nais ng rehimen na lalo pang pasahulin ang mga kontra-manggagawang prubisyon ng Labor Code ng Pilipinas upang lalo pa itong umayon sa imperyalistang globalisasyon. Kung mapagtitibay ang mga susog, magiging mas sistematiko ang pagpapatupad ng patakaran ng mura at pleksibleng paggawa. Kabilang sa mga panukalang pagbabago ang sumusunod:
Itinutulak din ng mga kapitalistang padrino ni Macapagal-Arroyo ang sampung taong pagbabawal ng welga. ![]()
| |||||||||
|
[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info] [Publications | Specials | Kultura | Photos] The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau of the Communist Party of the Philippines. Click here to send your feedback. |
|