![]() | |||||||||||||||||||||||
|
|
Di dahil namatayan, uurong na kami. Katarungan para sa mga martir ng Hacienda Luisita. Ibasura ang stock distribution option (SDO), lupa para sa mga nagbubungkal.
Abot-langit ang kanilang sigaw para sa katarungan para sa 14 na biktima ng masaker, kabilang ang dalawang paslit na edad 2 at 5. Mula sa pangunahing lansangan ng Tarlac City, nagmartsa ang 3,000 manggagawa, magsasaka, mga kamag-anak ng mga biktima at mga kasapi ng mga militanteng organisasyon at ng partidong Bayan Muna, Anakpawis at Gabriela. Nagmartsa sila sa harap ng himpilan ng Northern Luzon Command (Nolcom) sa Barangay San Vicente bago tumuloy sa tarangkahan ng asukarera at bawiin ang piketlayn doon. Welga sa CAT Ang masaker sa Hacienda Luisita ay desperadong pagtatangkang buwagin ang welga ng mga manggagawang pinangunahan ng CAT Labor Union (CATLU) at ng United Luisita Workers Union (ULWU). Nagsimula ang welga noong Nobyembre 6. Makatarungan ang kahilingan ng mga manggagawa ng CAT. Kabilang dito ang kanilang kahilingang itaas ang sahod ng mga manggagawa at manggagawang bukid. Mas mababa pa sa minimum na sahod ang kinikita ng mga manggagawa sa CAT. Ipinaglalaban din nila ang pagbabalik sa trabaho ng 327 kasapi at upisyal ng ULWU na iligal na tinanggal sa trabaho nitong Nobyembre. Isinisigaw din ng mga manggagawa ang pagbabasura sa mapanlinlang na stock distribution option at ang pagpapatupad sa tunay na reporma sa lupa. Bumagsak ang negosasyon sa pagitan ng mga manggagawa at ng maneydsment dahil sa pagbibingi-bingihan ng mga Cojuangco sa kahilingan ng mga manggagawa. Ito ang dahilan kung bakit puspusan ang determinasyon ng mga manggagawa na ipagpatuloy ang welga. Desperado ang mga Cojuangco na buwagin ang welga sa harap ng P5 milyon araw-araw na pagkalugi ng CAT dahil sa pagtigil o pagbagal ng operasyon nito. Gamit ang mga pulis, sundalo at mga bayarang maton ng mga Cojuangco, apat na beses nang sinalakay ang piketlayn ng mga manggagawa mula nang magsimula ang welga. Noong Nobyembre 10, sa kahilingan ng mga Cojuangco, naglabas ang rehimeng Arroyo sa pamamagitan ng Department of Labor and Employment ng kautusan para itigil ang welga. Masaker sa Hacienda Luisita Pagsapit ng Nobyembre 16, aabot sa isang libong armadong pulis at sundalo, dalawang armored personnel carrier (APC) at ilang trak ng bombero ang sumalakay sa barikada ng 6,000 manggagawa, manggawang bukid at kanilang mga tagasuporta sa compound ng Central Azucarera de Tarlac bandang 3:30 ng hapon. Ginamit ang dalawang APC upang wasakin ang Gate 1 ng asukarera. Subalit nakapanindigan ang mga welgista at demonstrador. Sa pamamagitan ng mga sigaw at kapit-bisig na pagmamartsa, naitaboy nila ang mga pulis at sundalo. Tinirgas sila ng mga pasistang pulis at sundalo at binomba ng tubig. Inagaw ng mga pulis at militar ang kontrol sa tarangkahan. Sa hangaring muling itindig ang kanilang piketlayn, muling nag-organisa ang mga manggagawa at nagmartsa. Upang ganap na wasakin hindi lamang ang welga kundi ang paninindigan ng mga manggagawa, walang pakundangang pinagbababaril ng mga sundalo at pulis ang di-armadong mga welgista. Ayon sa mga manggagawa, may mga isnayper na nakapwesto sa mga bubong ng pabrika at sa tubuhan. Pito sa mga welgista at demonstrador ang kaagad tumimbuwang. Matapos ang isang araw, umabot na sa 14 ang bilang ng namatay. Posibleng madagdagan pa ang bilang ng mga nasawi dahil marami ang malubhang nasugatan. Tinugis ng mga pulis at sundalo ang mga nagpoprotesta hanggang sa mga barungbarong ng mga manggagawang bukid sa loob ng plantasyon. Aabot sa 200 katao ang ginagamot ngayon sa mga ospital ng lunsod. Bukod sa mga ito, may naiulat pang mga nawawala. Umabot sa 111 welgista at tagasuporta nila ang inaresto at nakakulong sa Camp Macabulos, San Vicente, Tarlac. Kabilang dito ang dalawang menor de edad. Sila pa ang kinasuhan ng asolt, iligal na pagtitipon, sedisyon at panggugulo. Malamang na madagdagan pa ang mga makukulong dahil hindi pa tapos ang operasyong militar, ayon sa Bayan Muna-Tarlac. Nagpapatuloy ang pagsosona ng mga militar sa mga barangay ng Mortico at La Paz kung saan kinakaladkad mula sa kanilang bahay ang mga lalaki at pinapalinya para arestuhin. Pagtuligsa ng mamamayan, paghuhugas-kamay ng rehimeng Arroyo Mariing tinutuligsa ng mamamayang Pilipino ang Hacienda Luisita Massacre. Iba't ibang mga sektor ang nagpahayag ng kanilang nag-uumapaw na galit laban sa sabwatang Cojuangco-Arroyo. Sa gitna ng pagdadalamhati, libu-libong mamamayan ang nagmartsa sa Tarlac. Sunud-sunod rin ang mga isinagawang demonstrasyon sa upisina ng mga Cojuangco sa Makati at sa bahay ni dating Pres. Corazon Cojuangco-Aquino, na kabilang sa mga may-ari ng asyenda. Sa tangkang maghugas ng kanilang mga duguang kamay at pagaanin ang kanilang responsibilidad sa Masaker sa Hacienda Luisita, nagkokoro ngayon ang pamilyang Cojuangco, ang Malakanyang, Department of Labor at ang PNP at AFP. Sabay-sabay silang naghahabi ng mga kasinungalingan para palabasing armado ang mga demonstrador at sadyang may layuning magsimula ng kaguluhan. Malisyoso nilang pinalalaganap ang kasinungalingan na may mga mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan na sumama sa demonstrasyon upang mang-upat sa mga manggagawa. Pinalalabas nilang may masamang intensyon ang libu-libong demonstrador mula sa iba't ibang prubinsya na nagtungo roon sa Tarlac upang magbigay ng suporta sa welga ng mga manggagawa ng CAT. Subalit mabibigo ang lahat ng pagtatangka nilang maghugas ng kamay. Sinlinaw ng sikat ng araw kung sino ang mga berdugong kumitil sa buhay ng mga manggagawa at kung sino ang nag-utos sa kanila. Sisingilin sila't pagbabayarin ng sambayanang Pilipino. ![]()
| ||||||||
|
[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info] [Publications | Specials | Kultura | Photos] The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau of the Communist Party of the Philippines. Click here to send your feedback. |
|