Minimum na 18 edad ng mga Pulang mandirigma, mahigpit na ipinatutupad
Taliwas sa mga bulaang akusasyon ng reaksyunaryong gubyerno at ng militar nito, mahigpit na ipinatutupad ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang patakaran sa edad sa pagrerekluta nito ng mga kasapi.
Mahigpit na tumatalima at gumagalang ang BHB sa internasyunal na makataong batas at mga alituntunin sa digma hinggil sa hindi pagpapalahok sa mga bata sa armadong tunggalian.
Malinaw na nakasaad sa Mga Saligang Alituntunin ng BHB na "Sinumang di bababa sa edad 18, may mahusay na pangangatawan at pag-iisip, anuman ang kasarian, lipi, nasyunalidad o relihiyon, may kakayahang lumaban at handang lumahok sa armadong pakikibaka laban sa reaksyunaryong kapangyarihang estado ay maaaring maging kombatant o kasapi ng isang panlabang yunit ng BHB."
Ang mga nagnanais na pumaloob sa BHB na wala pang 18 ay hinihikayat na pumaloob sa mga lihim na mga organisasyon ng mga bata o kabataan, lumahok sa mga gawaing pamproduksyon, pangkultura at pang-edukasyon at iba pang katulad na mga gawain. Sinumang hindi bababa ang edad sa 15 ay maaaring maging treyni o aprentis. Maaari rin silang italaga sa yunit depensa ng mga organisasyong masa, sa milisya o sa mga yunit at gawaing hindi pang-kombat.
Noon pa mang 1988, naglabas na ang Kawanihang Pampulitika ng Komite Sentral (KPKS) ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ng patakarang nagbabawal sa pag-rerekluta ng kabataang wala pa sa 18 ang edad "bilang mga regular na kaanib o armadong mandirigma ng mga yunit pang-kombat ng BHB."
Bumuo rin noon ang PKP at ang National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ng isang espesyal na grupong nag-aral sa Geneva Conventions at mga protokol nito na may kaugnayan sa karapatang-tao at internasyunal na makataong batas at sa pagtutugma rin noon rito ng mga batayang prinsipyo, patakaran at praktika ng PKP, BHB at NDFP.
Ang patakarang inilabas ng KPKS noong 1988 ay sinundan pa ng Komiteng Tagapagpaganap ng Komite Sentral (KTKS) ng PKP ng memorandum para sa lahat ng mga organo ng Partido at mga kumand ng BHB.
Idiniin ng KTKS sa memorandum na ito ang pagsang-ayon at pagtalima ng PKP sa pamamagitan ng NDFP sa Geneva Conventions at mga protokol nito. Nakasaad rin sa memo ang pagsuporta ng PKP sa Optional Protocol on the Convention on the Rights of the Child na nagbabawal sa pagrerekluta sa mga wala pang 18 ang edad kahit pa panukala pa lamang ito noon ng International Committee of the Red Cross at ng Red Crescent Movement.
Sa harap ng patuloy na kampanyang saywar ng reaksyunaryong gubyerno, muling pinagtibay noong 2002 sa ika-11 plenum ng Komite Sentral ng PKP ang patakarang inilabas ng KPKS noong 1988 at ang memo ng KTKS noong 1999. Muling idiniin ng KTKS ang pangangailangang pag-aralan ang mga dokumentong ito at tiyaking naipatutupad.
Kasabay ng mahigpit na pagpapatupad ng PKP at BHB hinggil sa edad ng mga Pulang mandirigma, kinikilala rin ng rebolusyonaryong kilusan ang karapatan ng mamamayan sa buo-buong mga komunidad na ipagtanggol ang sarili sa harap ng matinding brutalidad ng kaaway na bumibiktima sa lahat, anuman ang edad o kasarian.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|