Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Mga ulat koresponsal:
Umaabante ang rebolusyonaryong kilusan sa Negros

 Read this article in English

Muling umaani ng mga tagumpay ang rebolusyonaryong kilusan sa Negros, ang pang-apat na pinakamalaking isla sa bansa. Natamo ang mga tagumpay na ito sa kabila ng kinakaharap pa ring mga problema, pagkukulang at kahinaan sa ideolohiya, pulitika at organisasyon.

Mula sa tatatlong baryong binalikan at muling pinagsimulan noong 1994, mahigit kalahati ng kabuuang 57 bayan at lunsod sa Negros ang nabalikan na rin at naaabot na ngayon ng rebolusyonaryong kilusan. Matagumpay na naipundar at nailatag ang mga larangang gerilya sa hilaga, sentral at timog na bahagi ng isla. Sumasaklaw ang mga ito ng maraming baryo sa malalawak na kapatagan at sa mabundok na mga erya.

Dumarami ang mga lumalahok sa rebolusyonaryong kilusan at nagboboluntaryong maging organisador sa kanayunan o mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB). Lumaki ang bilang ng mga Pulang mandirigma ng BHB mula sa halos kulang sa 1% ng dating pwersa na natira makaraang malinlang at bakuran ng mga nagtaksil ang mga pwersa sa isla.

Lumalawak, lumalalim. Sa gabay ng mga aral na nahalaw sa Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto at sa paglalagom ng partikular na mga karanasan, determinado at malikhaing inilapat ng Partido sa Negros ang malaganap at masinsing pakikidigmang gerilya batay sa lumalawak at lumalalim na baseng masa. Nitong nagdaang 2003, ilang matitingkad na taktikal na opensiba ang inilunsad ng BHB kasabay ng pagsigla ng kilusang masa.

Matagumpay ding nakapagpreserba ng sarili ang Partido at BHB. Sa harap ng matitinding opensiba ng kaaway, nagagawa ng BHB na makapaglunsad ng mga kontra-opensiba sa kapinsalaan ng kaaway gaya ng mga naganap sa Guihulngan, Negros Oriental at sa Kabankalan City (Agosto 17, 2003).

Naitatag na rin sa ngayon ang mga ganap na samahang magsasaka sa ilang larangang gerilya. Nagsisilbi ang mga ito na tagapag-ani ng lakas ng rebolusyonaryong organisadong masa sa pamumuno ng Partido. Kaalinsabay nito, masiglang naisusulong ang rebolusyong agraryo ng mga magsasaka, manggagawang bukid at mangingisda kasabay ng paglalarga ng mga rebolusyonaryong sosyo-ekonomikong proyekto sa kanayunan. Umaabot na sa 5,000 pamilya ng mga magsasaka, manggagawang bukid at mangingisda ang nakatamasa ng mga benepisyo mula sa mga antipyudal na pakikibaka mula Hulyo hanggang Nobyembre 2003.

Militante at organisadong nilabanan din ng masa ang mga pang-aabuso ng militar, pulis, CAFGU at RPA (isang kontra-rebolusyonaryong pangkatin ng mga taksil na garapal na tinatawag ang sarili bilang rebolus-yonaryo.) Halimbawa nito ang serye ng kilos-protesta ng humigit-kumulang 3,000 mama-mayan ng Guihulngan noong katapusan ng Marso hanggang Abril para tutulan ang militarisasyon ng 303rd Infantry Brigade, Special Action Force ng PNP at espesyal na paramilitar na RPA na pumipinsala sa mamamayan doon.

Inspirasyon ang kanayunan. Ang bawat makamit na tagumpay sa pagsusulong ng armadong pakikibaka sa kanayunan ay nagsisilbing inspirasyon para sa militante, organisado at papalakas na mga hayag, ligal at di-armadong pagkilos sa kalunsuran. Ipinakita ito sa pakikibaka ng mga titser para sa kanilang Emergency Cost of Living Allowance (ECOLA), mga kilos-protesta ng mga konsyumer laban sa mataas na singil sa kuryente at tubig, mobilisasyon ng 5,000 sa pandaigdigang araw ng karapatang-tao noong Disyembre 10 sa Bacolod City at ang welga ng mga tsuper at operator na nagparalisa sa transportasyon sa malaking bahagi ng isla noong Disyembre 8-9, 2003 at nitong Marso 1.

Patuloy ding hinuhubog ang mga kadre at aktibista para sa gawaing pag-oorganisa sa kanayunan at upang maging mga Pulang mandirigma ng BHB. Dumarami rin ang iba't ibang anyo ng suporta mula sa mga organisasyong masa at alyado para sa armadong pakikibaka.

Sa harap ng lumalalang krisis sa industriya ng asukal, walang ginawang anumang makabuluhang hakbangin ang rehimeng Arroyo upang maibsan man lamang ang mga pinsalang dulot ng patuloy na pagbagsak sa presyo ng asukal. Sa halip, binibigyang-pabor at proteksyon pa nito ang mga plantasyon ng mangga, mais at kamoteng-kahoy ni Eduardo Cojuangco at mga negosyo at interes ng magkapatid na Miguel "Mike" at Ignacio "Iggy" Arroyo. (Tingnan ang kaugnay na artikulo sa isyung Pebrero 21, 2004 ng AB.)

Hindi na kataka-taka ang pagbubukas ng mga agrabyadong nagpapatanim at maliliit na negosyante ng asukal sa pakikipag-alyansa sa mga magsasaka at manggagawang bukid laban sa komun nilang mga kaaway. Katunayan, kasama sa mga nagrali noong Pebrero 8 sa Bacolod City ang mga upisyal ng National Federation of Sugarcane Planters at United Sugar Producers of the Philippines.

 


Previous articleBack to topNext article

21 Marso 2004
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Ipagbunyi ang isang taong mga tagumpay ng armadong pakikibaka

Mga larawan ng BHB
Matatagumpay na opensiba ng BHB:
20 armas naagaw sa iba�t ibang opensiba

Rehimeng Arroyo, nagmamatigas sa kaso ng mga POW
Bayan Muna, iba pang progresibong partido, ginigipit
Minimum na 18 edad ng mga Pulang mandirigma, mahigpit na ipinatutupad
Ka Joan: Kakaibang mandirigma
Bakit naninindigan ang Partido sa paggalang at pagkilala sa karapatan sa pagpili sa kasarian ng indibidwal na kasapi ng Partido?
Mga ulat koresponsal:
Umaabante ang rebolusyonaryong kilusan sa Negros
Sa ibayong dagat:
Matinding panghihimasok ng US sa Haiti

Balita:
Serye ng mga welga sa transportasyon, pumutok

Balita:
Maka-US na prime minister ng Spain, inilampaso

Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.