Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Pasistang dahas at panlilinlang, katambal ng imperyalistang pagmimina sa Samar

 Read this article in English

Mula noong Hulyo, nag-ibayo ang militarisasyon sa mga bayan ng San Jose de Buan, San Jorge, Matuguinao, Oras, Paranas, Can-avid, Motiong, Jiabong, Dolores at Maslog sa isla ng Samar. Ang huling apat na bayan ang may pinakamarami ring kaso ng paglabag sa karapatang-tao ng mga magsasaka. Dito rin ang konsentrasyon ng mga pinaplanong operasyong pagmimina sa isla.

Mismong ang Armed Forces of the Philippines ang umaamin na ang matitinding operasyong militar ay clearing operations para sa mga binabalak na "proyektong pangkaunlaran" na walang iba kundi ang malawakang pagmimina sa isla na pangungunahan ng mga imperyalistang korporasyon.

Nagsimula na ang aktibong ekplorasyon sa pagmimina ng Bauxite Resources, Inc., (BRI) at Alumina Mining of the Phil., Inc. (AMPI). Samantala, may 16 pang kumpanyang naghihintay na lamang na maaprubahan ang kanilang aplikasyong magsagawa rin ng ekplorasyon. Oras na maaprubahan ang lahat ng ito, sasaklaw ng 86,700 ektarya ang kanilang operasyon.

Noong 2003, mayroon ding 30 kumpanyang naghapag ng aplikasyon para magmina sa 97,256 ektarya sa Leyte.

Saklaw ng BRI ang San Jose de Buan, Matuguinao, San Jorge at Gandara samantalang saklaw naman ng AMPI ang mga bayan ng Motiong, Hinabangan at Paranas, lahat sa Western Samar. Labindalawang libong ektarya ang kabuuang erya ng kanilang mga konsesyon.

Pinag-iinteresan ng BRI, AMPI at iba pang aplikante ang bauxite na pinagmumulan ng mineral na aluminum. Nasa Samar ang pinakamayamang deposito ng bauxite di lamang sa Pilipinas kundi sa buong Asia. Mayroon ditong 242 milyong tonelada at konsentrado ito sa kagubatan at kaigangan (lugar ng matatalas na batong limestone) na nasa pusod ng Samar. Noong 2002, di bababa sa $21 bilyon ang kabuuang halaga ng mga depositong ito, ayon sa konserbatibong pagtaya ng World Metal Statistics. Ginagamit ang aluminum sa paggawa ng mga eroplano, tren, kotse, barko, tangke at iba pang sasakyan, sa mga gamit sa pagluluto, mga pyesa ng makina, kable ng kuryente at iba pa.

Ngayon pa lamang ay nakikinita na ang pinsalang idudulot ng malawakang pagmimina sa isla. Una, isa sa karaniwang paraan ng pagmimina ng bauxite ay strip mining o paghuhukay ng lupa (sa halip na paggawa ng tunnel) para abutin ang mineral na relatibong mababaw lang ang pagkakabaon. Wawasakin nito ang anumang nasa ibabaw tulad ng kaigangan, na hindi na kailanman maibabalik. Mahirap na ring tubuan ng halaman ang anumang lugar na dinaanan na ng strip mining dahil nadadala sa paghuhukay ang pinakamasustansyang bahagi ng lupa.

Saklaw din ng 86,700 ektaryang tinatarget ng mga aplikante sa pagmimina ang headwaters o pinagmumulan ng 25 mayor na ilog sa Samar. Kapag nagkaproblema sa polusyon ang mga ito bunga ng mga itatapong nakalalasong basura ng mga minahan, apektado hindi lamang ang mga ilog kundi ang mga lagusan nito -- ang baybayin sa Pacific Ocean sa silangang bahagi ng isla, ang Samar Sea sa hilagang-silangan at ang Maqueda Bay sa timog-kanluran. Ang lahat ng ito ay mayor na mga pangisdaan sa Pilipinas at buong Asia.

Bukod sa dahas ng militarisasyon, ginagamit ng mga imperyalista at reaksyunaryong estado ang mga grupo at programang umano'y nagmamalasakit at nagtatanggol sa kapaligiran, tulad ng Samar Island Biodiversity Project (SIBP) para ilihis ang atensyon ng mamamayan ng Samar sa mahahalagang isyu kaugnay ng imperyalistang pagmimina.

Ang SIBP ay programang itinatag noong Hulyo 2001 ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa tulong ng iba't ibang dayuhang ahensya tulad ng USAID at Rockefeller Group of Companies. Layunin umano ng SIBP na ipreserba ang 470,000 ektaryang kagubatan sa pinakasentro ng Samar na tinagurian nitong Samar Island National Park (SINP). Kapag naipatupad na ang SINP, palalayasin ang mamamayang nakatira at naghahanapbuhay sa naturang lugar, na sumasaklaw sa baha-bahagi ng 28 munisipalidad sa tatlong prubinsya ng Samar. Ni walang programa o pondo ang SIBP para punuan ang pangangailangan sa kabuhayan ng daan-daang libo kataong mapalilikas ng proyekto. Subalit nang maghapag ng aplikasyon para sa Mineral Production Sharing Agreement (MPSA) ang BRI at AMPI noong Mayo 2002, inaprubahan ito ng DENR noong taon ding iyon at walang kaabug-abog na ipinwera sa ipepreserbang kagubatan ang mga lugar na may pinakamatataas na konsentrasyon ng bauxite, kabilang na ang mga konsesyon ng BRI at AMPI.

Walang ngipin ang SIBP na tutulan ang mga planong pagmimina at tahasan na rin itong inutusan ng reaksyunaryong gubyerno na huwag pakialaman ang naturang mga plano.

Desidido ang bangkrap na rehimeng Arroyo na pag-ibayuhin ang pagmimina ng mga dayuhang korporasyon sa Pilipinas para may dagdag itong pwedeng mapagkunan ng pondo. Kapalit nito ang sarisaring insentibo tulad ng mga tax holiday kung saan minimal lamang ang babayarang buwis ng mga kumpanya sa pagmimina sa loob ng hanggang 10 taon; karapatang magluwas ng 100% ng kanilang tubo at kapital; karapatan sa anumang tubig o trosong matatagpuan sa saklaw ng kanilang kunsesyon (water and timber rights); at karapatang magpalayas sa sinumang naninirahan dito (easement rights).

Dahas at panlilinlang ang magkatuwang na sandata ng rehimeng Arroyo laban sa mamamayan sa imbing pakana nitong isubasta ang pambansang patrimonya sa mga dayuhan. Sa Samar at iba pang bahagi ng bansa na kasalukuyan nang sinasalanta o napipinto ang pananalasa ng mga imperyalistang kumpanya sa pagmimina, walang ibang masusulingan ang mamamayan kundi ang mahigpit nilang pagkakaisa at puspusang paglaban.

 


Previous articleBack to topNext article

07 Oktubre 2004
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Paiigtingin ng Bagong Hukbong Bayan ang mga armadong opensiba

Matatagumpay na Opensiba ng BHB
Arturo Tabara, pusakal na kriminal at kontra-rebolusyonaryo
Ang tambalan ni Tabara at ng reaksyunaryong rehimen
Pasistang dahas at panlilinlang, katambal ng imperyalistang pagmimina sa Samar
Tanggalan sa Hacienda Luisita, nilalabanan
Laganap na kagutuman at karalitaan sa bansa
Sigaw ng mga taga-GSIS:
Patalsikin si Garcia!

Pagbabayaran ng rehimeng Bush ang pananalakay at pananakop nito sa Iraq
Patung-patong na kaswalti ng US sa Iraq
Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.