Patunay ng direktang pakikialam
Patunay ng direktang pakikialam ng imperyalismong US sa mga operasyon laban sa rebolusyonaryong kilusan, napag-alaman kamakailan ng Bagong Hukbong Bayan sa Southern Tagalog ang pagdating ng kinatawan ng US Army na si Lt. Col. Jano Weintraub at ng kanyang asistant na si Maj. Joe Fletaer sa bayan ng Mamburao, Oriental Mindoro.
Dumating noong Mayo 30 ang dalawang kinatawan sa paliparan ng Mamburao sakay ng isang eroplanong C-12. Agad na iniutos ng mga nakatataas na upisyal ng PNP na bigyan sila ng oryentasyon sa sitwasyon ng "katiwasayan at kaayusan" sa eryang saklaw ng pulisya roon. Gayundin, iniutos sa pulisya rito na bigyan ang dalawa ng lahat ng kinakailangang tulong-transportasyon at serbisyong panseguridad.
Para maipakita sa mga bisitang upisyal ng US Army, kasabay na iniutos din sa mga pulis ang sumusunod:
1. pagpapalawak ng lambat-paniktik sa pamamagitan ng Barangay Information Network at pagtatalaga ng kahit dalawang ahente sa sumusunod na lugar: eryang kinikilusan ng Bagong Hukbong Bayan, sa paligid ng istasyon ng pulisya ng munisipalidad at ng Provincial Mobile Group (PMG) at sa lahat ng kalyeng pambansa, prubinsyal at munisipal; at
2. paglulunsad ng edukasyon at oryentasyong pangseguridad sa hanay ng mga pulis.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|