![]() | |||||||||||||||||||||||
|
|
Matapos ipataw ang kapangyarihan nito sa Iraq, ibayong kapalaluang pinatitindi ng US ang armadong panghihimasok at walang preno itong nagbabanta ng tuwirang armadong pananalakay sa iba't ibang panig ng daigdig. Patuloy ang US sa pagbabanta ng gerang agresyon laban sa mga bayan at rebolusyonaryong kilusang naggigiit ng pambasang soberanya at kalayaan. Alinsunod ito sa "doktrinang Bush", ang doktrina ng marahas na pagpapataw ng hegemonyang US upang pairalin ang "Pax Americana" para sa kapakanan ng monopolyo kapitalistang US. Di pa man naglalaho ang usok sa mga binombang syudad sa Iraq, nagbabanta na ito ng panibagong gera sa Syria, isang karatig-bansa ng Iraq. Inaakusahan ng US ang Syria ng pagtulong sa Iraq. Nang walang mapalitaw ang US na mga weapons of mass destruction (o sandata para sa maramihang pamiminsala) sa panghahalughog sa buong Iraq, inaakusahan ngayon ng US ang Syria na siyang nagtatago ng mga ito. Patuloy na nakaamba ang panggegera ng US sa Iran at North Korea, na bukod sa Iraq, ay ibinilang din ng US sa "sentro ng kasamaan". Habang namamayagpag ang US sa pananalakay at pagsakop sa Iraq, lalong nagiging walang kahihiyan ang pagpapakapapet ng rehimeng Arroyo at pagpapailalim nito sa pandaigdigang hegemonya ng US at sa lahat ng mga kaakibat na hakbangin ng US. Buong pagsambang ipinagbunyi at pinalakpakan ni Arroyo ang pagwasak ng US sa Iraq at pagpapataw doon ng imperyalistang kapangyarihang kolonyal. Paulit-ulit niyang binabanggit ang napabulaanan nang kasinungalingan ng US tungkol sa mga weapons of mass destruction at tungkol sa diumano'y "pagkawala ng banta sa kapayapaan" dulot ng pagbagsak ng rehimeng Hussein. Buong-pangangayupapang kakawag- kawag ang buntot ni Arroyo sa pag-aabang ng gantimpalang mumo mula sa mga monopolyokapitalistang Amerikanong lumalapa ngayon sa Iraq. Pinakapangarap ng rehimen ang pagdami ng mga Pilipinong makapagtatrabaho sa Iraq sa pagdagsa roon ng mga bwitreng monopolyo kapitalistang US na namamakyaw ng mga kontrata para sa "rekonstruksyon" ng Iraq. Ang asal-tutang pagsunod ni Arroyo sa mga pandaigdigang patakaran at hegemonismo ng US ay sinasalamin ng mga patakarang militarista, mapaniil at palaasa sa interbensyong US sa mga panloob na usapin sa Pilipinas. Ngunit walang tigil na itinutulak ni Arroyo ang armadong interbensyon ng US sa Pilipinas. Malawak ang pagtutol ng mamamayan at iba pang sektor sa bansa at pagbabawal dito kahit ng reaksyunaryong konstitusyon. Nakisakay si Arroyo sa pagbubunyi ng imperyalismong US sa pagsakop nito sa Iraq. Kaagad-agad, inanunsyo niya na itutuloy na ang Balikatan 03-3 na magpapapasok ng mga armadong tropang pangkombat ng US sa Sulu. Masunuring pagtupad ito sa utos ni Presidente Bush ng US na ipakat at itutok ang mga pwersang US laban sa mga rebolusyonaryong pwersa ng Bagong Hukbong Bayan at Moro Islamic Liberation Front. Ginagamit nitong pansubok ang pagpapakat ng mga tropang pangkombat ng US laban sa Abu Sayyaf.
Mabilis na kumakalat at lumalagablab ang apoy ng patriyotismo. Makatitiyak tayong puspusan nitong sasagkaan ang armadong panghihimasok at agresyon ng mga tropang Amerikano sa Pilipinas. Tuluy-tuloy din nitong lalabanan ang mga pang-ekonomya, pampulitika at iba pang anyo ng imperyalistang panghihimasok, dominasyon at pang-aapi sa bansa. Lumalawak ang patriyotikong nagkakaisang prente. Pinalalapad nito ang hanay ng mamamayang lumalaban sa tumitinding armadong panghihimasok at papalaking banta ng tuwirang armadong agresyon ng US sa Pilipinas. Hinihikayat nito ang pinakamalawak na suportang internasyunal para sa pakikibaka ng sambayanang Pilipino. Nagaganap ang mga ito sa gitna ng naglalagablab at lumalawak na mga pandaigdigang protesta laban sa kasakiman, militarismo at panggegera ng imperyalismong US. Walang kapantay sa kasaysayan ang mga pandaigdigang protesta laban sa armadong pananalakay ng US sa Iraq. Nagpapatuloy ang iba�t ibang pagtutol ng mamamayan ng daigdig sa lahat ng tangka ng imperyalismong US na ipataw at palawakin pa ang hegemonya nito at higit pang mambusabos, mang-api at maghasik ng kaguluhan sa mundo. Lumalaking bahagi at signipikanteng ambag ang rebolusyonaryong kilusan at mga anti-imperyalistang pakikibaka ng mamamayang Pilipino sa pagsusulong ng pandaigdigang kilusan laban sa imperyalismo. Bukod rito, mulat ding nagpapatupad ang Partido at rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas ng internasyunalistang tungkuling suportahan ang mga pakikibaka ng mga rebolusyonaryong pwersa at ng mga pinagsasamantalahan at inaaping mamamayan sa iba�t ibang bahagi ng daigdig. Sinusuportahan natin ang sigaw ng mamamayang Iraqi na palayasin ang mga mapanakop na armadong tropang Amerikano sa kanilang bansa. Sinusuportahan natin ang mga mamamayan sa Afghanistan, Palestine at iba pang malakolonya at kinokolonya laban sa pananakop ng US at mga kaalyado nito. Tinututulan natin ang pang-uupat at pagbabanta ng US ng gera sa Syria, Iran at North Korea. Kaisa at kasabay natin sa paglaban ang mga rebolusyonaryong kilusan, ang mga bansang naggigiit at nakikipaglaban para sa kanilang pambansang soberanya at ang mga mamamayang nagsusulong ng mga makatarungang pakikibaka. Ang pandaigdigang pagbaka sa kasakiman, militarismo at panggegera ng US ay mainam na kalagayan para sa lalong mabilis na pagsulong ng kilusang anti-imperyalista at rebolusyonaryo sa buong daigdig. Tungkulin ng proletaryado at ng partido nito sa lahat ng dako ng mundo na pagkaisahin ang lahat ng mamamayang busabos at api, itaguyod ang kanilang interes at pamunuan at isulong ang lahat ng kanilang mga pakikibaka laban sa pasismo, imperyalismo at reaksyon at para sa pambansang pagpapalaya, demokrasya at sosyalismo. ![]()
| ||||||||||
|
[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info] [Publications | Specials | Kultura | Photos] The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau of the Communist Party of the Philippines. Click here to send your feedback. |
|