[Balik-Tanaw: Dantaong pananalanta ng Imperyalismong US] Digmaang Pilipino-Amerikano (1899-1913): Noong unang nanghimasok ang imperyalismong US sa bansa
Mahabang panahon na ang nagdaan mula nang maganap ang digmaang Pilipino-Amerikano sa unang isa't kalahating dekada ng siglong 1900. Ang mga lumang larawan ng gaektaryang tambakan ng mga kalansay ng mga Pilipinong pinaslang ng mga tropang US sa gerang iyon ay palagiang paalaala ng nakaririmarim na kabuktutan ng bagong usbong na imperyalismong US laban sa mga Pilipino. Mahigit kalahating milyong Pilipino, kabilang ang mga inosenteng bata at kababaihan, ang pinagpapatay ng tropang Amerikano na sumalakay sa bansa. Nilusob at sinakop noon ang Pilipinas ng 126,468 tropang Amerikano. Pinakamalaking deployment ito ng mga pwersang militar ng US sa unang yugto ng ekspansyunismo nito.
Magpahanggang ngayon, buong kahambugang tumatanggi ang imperyalismong US na pagbayaran o upisyal na humingi man lamang ng kapatawaran sa laksa-laksang krimen nila nang saklutin ang mamamayang bagong laya mula sa kolonyalismong Espanyol.
Upang takutin at patahimikin ang mamamayang Pilipino, nagpakabihasa ang mga tropang US sa paggamit ng tortyur, masaker, panggagahasa at sarisaring barbaro at brutal na kahayupan. Nag-ispesyalisa sila sa paggamit ng "water cure" at "rope torture". Isang anyo nitong huli ay ang pagbitin sa mga sanggol upang pwersahin ang mga magulang na ituro ang kinaroroonan ng mga gerilya.
Isa sa pinakatampok ay ang walang-habag na paglipol sa mamamayan sa Balangiga, Samar noong 1901. Ito ang iginanti nila sa matagumpay na pagsagupa ng mga gerilya sa kampo ng mga Amerikano. Walang isa mang buhay na itinira ang mga tropang US. Dagdag pang pang-aalipusta hanggang ngayon ang patuloy na pagtangging isauli ang ninakaw nilang mga kampana ng simbahan na ginamit na panghudyat sa pagsalakay sa kampo ng mga tropang Amerikano.
Ginawang patakaran ang pagsosona, paghahamlet, pagsusunog sa buu-buong baryo at pagkakait ng pagkain sa mga lugar kung saan mariing tumututol ang mamamayan sa muling pagsakop ng dayuhang kapangyarihan. Sumiklab sa buong kapuluan ang kalat-kalat at marami pang ispontanyong armadong paglaban sa US. Kabilang dito ang paghihimagsik ang mga Pulahanes sa Kabisayaan, mga Colorum at Lumad sa Mindanao, at mga Sakdalista at mga tropa ni Macario Sakay sa Luzon. Tinawag silang mga "kriminal at bandido" upang maliitin ang kanilang paglaban.
Kasabay ng paghahasik ng US ng malawak at matinding karahasan, ginamit din nito ang mga lokal na burges-liberal at itinayo ang papet na gubyernong Pilipino. Ipinasa nito ang Sedition Law of 1901 (Batas laban sa Sedisyon), Brigandage Act of 1902 (Batas laban sa mga Bandido) at ang Reconcentration Act of 1903 (Batas ng pag-hamlet) upang gawing lehitimo ang patakarang henosidyo (paglipol ng lahi) ng imperyalismong US sa Pilipinas.
Buong bangis ding ginamit laban sa himagsikan ang mga mersenaryong Philippine Constabulary (PC) at Philippine Scouts, na binuo ng US upang tugisin ang mga Katipunero at iba pang lumalaban sa pananakop ng US sa bansa. Noon na lamang 1911 napawi ang pakikidigmang gerilya sa Luzon. Matapos nito, itinuon ng US ang mga pwersa nito laban sa matinding paghihimagsik ng mamamayan at mabagsik na labanan sa Mindanao.
|