Mga pasistang atake laban sa Bayan Muna
MULA NOONG MARSO 2001, umabot na sa 37 ang kabuuang bilang ng mga atake ng reaksyunaryong estado laban sa mga kasapi at tagasuporta ng Bayan Muna, ang partido ng mga patriyotiko at demokratikong pwersa.
Kabilang sa mga kasong ito ang pagpatay kina Peter Dagawin, Ricardo Romero, Roberto Nepa, Wilfredo Mananghaya, Lando Cabagay, Roger Fernando at Philip Lopa, pawang mga lider ng Bayan Muna mula sa iba't ibang prubinsya.
Kabi-kabila rin ang mga kaso ng tortyur, iligal na pag-aresto, pwersahang pagkawala (missing) at iba pang paglabag sa mga karapatang-tao ng mga kasapi at lider ng Bayan Muna.
Mula Pebrero, sunud-sunod na iligal na inaresto at itinangging ilitaw ang mga lider ng Bayan Muna sa Gitnang Luzon. Nawawala pa hanggang ngayon sina Juan Sario Orcino, coordinator ng Bayan Muna at kasama nitong si Honorio Ayroso. Dinukot sila ng limang armadong kalalakihang pinaghihinalaang kabilang sa National Intelligence Coordinating Agency noong Pebrero 7 sa Barangay Sto. Ni�o, San Jose City, Nueva Ecija.
Nawawala pa rin hanggang ngayon sina Edwin Villaruz, drayber ng traysikel, at Rowena Bayani, kapwa kasapi ng Bayan Muna. Dinukot sila noong Pebrero 4 ng mga pinaghihinalaang tropa ng 70th IB sa Barangay Cabiticulan West, Maria Aurora, Aurora.
Noon namang Pebrero 2, sinugod ng mga pulis ang bahay nina Rustico Pamintuan at Luz Patinga, kapwa magsasaka sa Tarlac. Matapos bugbugin at nakawan, iligal silang inaresto at ibinimbin sa Camp Makabulos, Tarlac. Sinampahan sila ng gawa-gawang kasong kidnapping for ransom at robbery.
Sa Kapatagan, Zamboanga del Sur, hinuli at pinatay sa bugbog noong Pebrero 3 si Dante Sumatra Bones, isang karpintero at tagasuporta ng Bayan Muna. Pinagbubugbog at iniuntog ni PO3 Solomon Sanchez sa semento ang ulo ni Bones sa loob mismo ng hedkwarters ng PNP sa Kapatagan.
Naunang nawala at hindi na natagpuan si Camenia Abatan, isang Ata-Manobo na awditor ng Bayan Muna-Talaingod tsapter sa Davao del Norte. Dinukot siya ng mga tropa ng 72nd IB noong Hunyo 23, 2001.
Ayon sa Bayan Muna, ang patuloy na mga atakeng ito laban sa kanila ay patunay na ang rehimeng Macapagal-Arroyo ay di rumerespeto sa karapatang-tao ng mamamayan at mga makataong batas.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|