![]() | |||||||||||||||||||||||
|
|
Ang sumusunod ay una sa serye ng mga artikulo tungkol sa mga tagumpay sa rebolusyong agraryo sa Samar. Tinatamasa ngayon ng masang magsasaka ang mga benepisyo ng hakbang-hakbang na pagpapatupad ng tunay na reporma sa lupa sa mga sona at baseng gerilya sa Samar. Sa isang bahagi ng baseng gerilya nito na kumbinasyon ng malawak na palayan at niyugan, pursigido at sustinidong isinusulong ng mga magsasaka ang antipyudal na pakikibaka sa antas baryo at interbaryo. Bunga ng mga benepisyong nakamit ng mga magsasaka sa paglulunsad ng rebolusyonaryong reporma sa lupa, ang kalagayan nila ngayon ay malayo na kumpara noong bago dumating ang unang yunit ng BHB sa lugar noong huling bahagi ng 1977. Noon, sa kabila ng yaman ng lupa, dumaranas ng sukdulang kahirapan ang masang magsasaka dulot ng pyudal na pagsasamantala. Laging sagana ang ani kahit simple lamang ang kagamitan sa produksyon. Halimbawa, nakaaani ng 40-50 sakong palay sa bawat ektarya kahit walang patubig o pataba. Karamihan sa mga baryo ay nakaaani ng 3,000 hanggang 10,000 sako ng palay bawat anihan. Subalit 30-40% lamang nito ang natitira sa baryo.
Monopolisado noon ng siyam na pamilyang panginoong maylupa ang mga prinsipal na kagamitan sa produksyon gaya ng lupa at kalabaw. Pag-aari nila ang 40-50% ng mga palayan at niyugan at 80% ng mga kalabaw sa lugar. Itinatakda ng mga panginoong maylupa ang mataas na upa sa lupa at kagamitan sa produksyon, mababang pasahod at mahabang oras ng paggawa, mataas na interes sa pautang at sobrang ganansya sa mga paninda. Tatlong yugto. Dumaan sa tatlong yugto ang masalimuot at sa ilang pagkakataon ay madugong pakikibaka ng mga magsasaka sa lugar upang baguhin ang kaayusang ito.
Sumusunod ang ilan sa mga tagumpay na nakamit nila: Napababa ang upa sa lupa. Noon, 50-50 ang karaniwang hatian sa palayan. Ang tanging sinasagot ng panginoong maylupa ay kalahati ng pasahod sa mga manggagawang bukid samantalang sa kasamá nakaatang ang lahat ng trabaho, kalahati ng pasahod at ang pakain. Sinimulan ang pagpapababa ng upa sa lupa nang 30% sa paraang lihim noong 1978, at umabot sa 50% nang gawin nang hayag ang pakikibaka noong 1985. Sa ngayon, naibaba pa ang upa sa lupa tungong 10% na lamang sa mga palayan. Sa niyugan, binaligtad ang dating hatiang tersyo (1/3 sa kasamá, 2/3 sa panginoong maylupa). Lubhang mapagsamantala ang hatian noon dahil lahat ng gastos at trabaho ay pinasan ng kasamá. Sinisikap ding masistematisa ang pangangasiwa ng organisasyong masa sa mga kumpiskadong lupain na di kukulangin sa 500 ektaryang palayan at niyugan. Dahil dito, malaking bahagi ng kita mula sa mga lupaing ito ang napupunta na sa masang magsasaka. Napataas ang sahod. Ang sahod sa pagtatrabaho sa palayan, niyugan, pag-aabaka, pagtitistis ng kahoy at pagkakarpintero ay napataas nang 33% sa minimum mula sa dating P50 hanggang P100 kada araw na karaniwa'y walang pakain. Halimbawa, sa pagtatanim ng palay, napataas tungong P50 mula sa dating P5 ang bayad sa bawat 100 metro kwadrado. Ang paghahakot ng isang sakong palay sa katamtamang layo ay binabayaran na ngayon ng P20 mula sa dating P2 lamang. Ang bayad naman sa paghahakot nang por kilo ay naitaas mula P0.50 tungong P1.00. Ang paggusi hanggang pagbubunot ng niyog ay binabayaran na ng P30 bawat isandaang piraso mula sa dating P5. Napataas din ang sahod para sa walong oras na trabaho ng mga manggagawang bukid mula P50 tungong P200 ngayon. Kontra usura. Unti-unti na ring napapawi ang mataas na interes sa pautang at sobrang laki ng ganansya sa komersyal na paninda. Dati, tatlong buwan pagkatapos ng anihan, napipilitan nang umutang ang masang magsasaka sa mga komersyanteng usurero dahil nauubos na ang kanilang parteng palay at kailangan nila ng panggastos sa pangaraw-araw na pangangailangan. Inuutang din nila ang gagastusin sa susunod na taniman. Ang isang sakong palay na inutang bago ang anihan ay binabayaran noon ng dalawa (100% interes) hanggang tatlong sako (200%). Ngayon, isa't kalahating sako (50% tubo) na lamang ang ibinabayad dito. Ang dating sistemang 5-6 o 20% buwanang patubo sa utang na salapi ay naibaba na tungong 10% interes na lamang. Sa mga mas masahol na kaso kung saan ang utang na P50 ay binabayaran ng isang sakong palay (P350 o 600% na interes), kalahating sako o P175 na lamang ang ibinabayad.
Maraming lupa ng mga magsasaka ang napasakamay noon ng mga panginoong maylupa-usurero dahil sa pangangamkam at napakataas na interes sa pautang sa anyo ng prenda na 50% ang tubo. Sa ngayon, unti-unti nang nababawi ng mga magsasaka ang mga naisanlang lupa. Ang ganansya ng mga komersyante sa mga paninda ay napababa mula 50% tungong 10% na lamang. Nang wala pa ang rebolusyonaryong kilusan, 30-300% ang ipinapatong nila. Sa kabilang banda, napataas naman ang presyo ng produkto ng masa. Ang dating P15 kada kilong karne ay ibenebenta na ngayon sa presyong P70 kada kilo. Mga kooperatiba. Mahalaga sa pagsusulong at pagkonsolida ng mga tagumpay sa antipyudal na pakikibaka ang naitayo nilang mga kooperatiba sa pautang, sa hayupan, sa pagbebenta ng kanilang produkto at pangkonsyumer. May komunal na sakahan din sila. Ganito ang pagtingin nila: "Pinauunlad nito ang pangekonomyang aktibidad para sa kagalingan� ng kasapian ng organisasyong masa at masang magsasaka. Nagsisilbi itong katuwang na paraan sa hakbang-hakbang na pagpawi ng pyudal at malapyudal na pagsasamantala sa lugar. Nagsisilbi itong binhi ng kooperatibisasyon ng agrikultura at dahandahang pagbabago sa lumang sistema ng produksyon." Bunga ng mga tagumpay na ito sa rebolusyong agraryo, nailatag ang paborableng kundisyon sa pagsusulong ng armadong pakikibaka, pagbubuo ng Partido at gawain sa nagkakaisang prente sa kanayunan hanggang sentrong bayan. Makikita ang malawak at malalim na suportang masa sa armadong pakikibaka pangunahin na sa pagpapalitaw ng mga Pulang mandirigma para sa BHB. Sa katunayan, ang maraming rekrut ng BHB ay nanggagaling sa mga baryong may mga kongkretong benepisyo sa rebolusyonaryong reporma sa lupa. Masigla silang sumusuporta at sa ilang pagkakataon ay tuwirang lumalahok sa mga taktikal na opensiba ng BHB. Makikita rin ang pagtulong ng masa sa pang-araw-araw na mga pangangailangan ng hukbong bayan. Inaasikaso rin nila ang pagtulong sa mga pamilya ng mga Pulang mandirigma. Pinangangalagaan din ng masa ang kaligtasan ng malakihang mga pagtitipon ng mga kasama na idinaraos sa mga sulong na baryo, tulad ng mga pag-aaral, pulong at pagsasanay ng mga kadre at mandirigma. Dahil sa kanilang tuluy-tuloy na pakikibaka, maraming magsasaka at manggagawang bukid ang narerekrut sa Partido at mabilis ang pagbubuo ng mga sangay ng Partido sa lokalidad. Nakapagpapalitaw at nakapagsasanay din ng mga lokal na kadre at sa gayon, nabuo ang komiteng seksyon. Ang mga magsasaka at manggagawang bukid ay hindi lamang kumikilos bilang mga pwersa sa pakikibakang antipyudal kundi lumalahok din sa mga antipasista at anti-imperyalistang pakikibaka. Halimbawa nito ang mga kampanya laban sa umiigting na militarisasyon at pagsuporta sa mga hayag na pakikibaka sa mga sentrong bayan at lunsod. ![]()
| ||||||||||
|
[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info] [Publications | Specials | Kultura | Photos] The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau of the Communist Party of the Philippines. Click here to send your feedback. |
|