|
|
Parami nang parami ang palatandaang naghahanda na si Gloria Macapagal-Arroyo na tumakbo sa halalan sa 2004. Nagmamadali ngayon ang kanyang mga tauhan sa Malakanyang at mga kaalyadong pulitiko sa paghahanda sa posibleng pagkandidato niya sa pagkapresidente. Lalong lumalaki ang posibilidad nito laluna ngayong nauubos na ang panahon bago ang eleksyon para maihabol ang mga pagbabago sa konstitusyon na siyang pangunahing inaasahan sana ni Arroyo para makapanatili pa sa poder.
Pinalilitaw ng Malakanyang na may lumalakas na kahilingan para magpatuloy si Arroyo bilang presidente. Tuwirang kinokoordina ng asawa niyang si Mike Arroyo ang iba't ibang mga kampanya at pakana para sa kanyang pagtakbo. Isa na rito ang pagpapapirma ng petisyong tumakbo si Arroyo. Ginagamit niya ang makinarya at pondo ng Malakanyang upang makuha ang suporta ng mga pulitiko at lokal na upisyal at mapakilos sila sa kampanya. Maging ang negatibong pagtaya sa ekonomya ng isang dayong ahensya (ang Fitch Ratings ng UK) ay pinalalabas na nasa pangambang hindi magpatuloy ang mga patakarang pang-ekonomya kung hindi tumakbo si Arroyo. Kabilang din sa mga pakana ng kanyang mga propagandista ang labis na pagpapalaki sa umano'y pagpabor ng mga pinuno ng iba't ibang bansa at ng malalaking komprador na magpatuloy bilang presidente si Arroyo. Ipinagmamayabang din ng Malakanyang na magandang bagay ang magarbong pagsalubong ni US President George W. Bush sa pagdalaw ni Arroyo sa White House noong Mayo, ang pagturing ng US sa Pilipinas bilang "mayor na alyadong militar sa labas ng NATO," ang malaking dagdag na ayudang militar ng US at ang pag-eendorso ni Bush sa pagkandidato ni Arroyo sa darating na eleksyon. Malinaw na para sa rehimeng Arroyo, ang pinakamalaking salik para sa pagkandidato ni Arroyo sa darating na eleksyon ay ang pinalalaking pag-endorso sa kanya ni Bush. Sadyang paborable para sa imperyalismong US na manatili sa poder si Arroyo. Ang ipinamamalas ni Arroyo na lantaran at walang patumanggang militarismo ay umaayon sa ultra-Kanang mga patakaran ng militaristang gubyernong Bush. Titiyakin ni Arroyo ang tuluy-tuloy na pagpapaigting ng armadong panghihimasok ng US sa Pilipinas hanggang sa puntong maging kalakaran na ang tuwirang paglahok ng mga armadong tropang Amerikano sa gera sibil sa bansa. Ang pananatili ni Arroyo sa poder ay paborable laluna para sa pagpapalakas ng presensyang militar ng US sa rehiyon. Maaasahan ng US na bibigyang-daan ni Arroyo ang pagtatayo nito sa Pilipinas ng mga "forward military base" na gagamitin nitong lunsaran para sa mabilisang pagpapakat ng mga tropa sa rehiyon. Sa pamamagitan ni Arroyo, tuluy-tuloy na maipatutupad ang mga patakarang pang-ekonomyang idinidikta ng imperyalismong US. Pinatunayan na niya ang kanyang di nahahangganang pagsamba sa "globalisasyon" at neoliberalismo. Handang-handa si Arroyo na lubusang baklasin ang mga hangganan ng patrimonya ng pambansang ekonomya at pahintulutan ang pagbabalik ng mga kolonyal na karapatan sa dayuhang malalaking kapitalista. Ang pagbibigay ng gubyernong Bush ng suporta kay Arroyo ay suhol sa kanyang todo-buhos na pagsuporta sa pandaigdigang "gera kontra-terorismo" ng US, at sa partikular, sa pananalakay nito sa Afghanistan at Iraq. Nakatitiyak ang US na susuportahan ni Arroyo ang iba pang pinaplano nitong armadong panghihimasok kabilang ang posibleng pagsalakay sa Iran. Sa pagpapanatili ng kanilang neokolonyal na kapangyarihan sa Pilipinas, mahalaga para sa US na sinumang maging presidente ay magiging tapat nitong papet. Ang presidente ng neokolonyal na republika ang pangunahing nagpapatupad sa bansa ng mga patakaran ng imperyalismong US. Sa kasaysayan ng eleksyon sa Pilipinas, laging minamanok ng US ang kandidatong ipinagpapalagay na pinakaepektibong makapagsisilbi sa interes nito. Gayunman, hindi nagsasara ng pinto ang US sa iba pang mga kandidatong paborable para sa mga interes nito. Sa katunayan, nagkakaisa ang lahat ng mga reaksyunaryong partidong pulitikal sa mga pundamental na patakaran kaugnay ng relasyong papet-amo sa pagitan ng neokolonyal na republika at ng imperyalistang US. Bagamat pabor sa US na manatili sa poder si Arroyo, inihahanda pa rin nito bilang reserbang kabayo si Gen. Angelo Reyes, kasalukuyang kalihim sa depensa. Si Reyes, na tuwirang kumukuha ng mga atas mula sa Pentagon, ay kasalukuyang nagsisilbing "handler" ni Arroyo. Si Reyes din ang pangunahing upisyal sa gubyerno ni Arroyo na nagtutulak ng militarismo ng rehimen sa pagharap sa rebolusyonaryong kilusan. Napakalaking pahirap at pinsala ang idinudulot sa mamamayang Pilipino ng militarismo at sukdulang pangangayupapa ng reaksyunaryong rehimeng Arroyo sa imperyalismong US. Kaya naman hiwalay na hiwalay na ito sa mamamayan. Hirap na hirap na makakuha si Arroyo ng tunay na suporta ng mamamayan para sa kanyang pagtakbo sa darating na halalan. Tiyak na kung magkakabotohan lamang ngayon ay lalampasuhin siya ng iba pang mga kandidato. Upang manalo, kakailanganin ni Arroyo ng napakalaking milagro � malawakang pandaraya, pandarahas at malakihang panghihimasok ng US sa eleksyon. Kung ipagpipilitan pa rin ni Arroyo na tumakbo sa darating na halalan, mabibigyan ang mamamayang Pilipino ng pagkakataon na pagbayarin siya nang mahal sa lahat ng mga mabibigat na kasalanan niya sa bayan.
| |||||||||
|
[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info] [Publications | Specials | Kultura | Photos] The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau of the Communist Party of the Philippines. Click here to send your feedback. |
|