Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

SONA 2003, pantasya ni Arroyo

 Read this article in English

"Puros pantasya�" "Parang ibang bansa�" Tulad ng mga ito ang reaksyon ng nakararaming mamamayan sa paraisong ipininta ni Gloria Arroyo sa kanyang State of the Nation Address (SONA) nitong Hulyo 28. Malayong-malayo sa katotohanan ang kanyang ipinagyabang na kaunlaran, istabilidad at kapayapaan ng bayan.

Sa loob ng dalawa at kalahating taong panunungkulan ni Arroyo, tuluy-tuloy na dumausdos ang kabuhayan ng mamamayan. Hindi lamang inutil ang rehimen sa pagbibigay kahit ng pinakabatayang pangangailangan ng nakararami. Nangunguna pa ito sa pagsasamantala at pandarambong sa kaban ng bayan para sa kapakinabangan ng pamilyang Arroyo at mga pinapaborang burukrata-kapitalista at burges-kumprador.

Hindi binanggit ni Arroyo sa kanyang SONA ang pinakahuling leading economic indicators (LEI) sa pagpasok ng ikatlong kwarto ng 2003 na inilabas ng National Statistical Coordination Board. Nagsisilbing pangkalahatang panukat ang LEI sa takbo ng ekonomya batay sa kalakalan, presyo at konsumo ng kuryente, mga bilihin, mga sapi, halaga ng piso at iba pa. Ibayong bumagsak ang LEI mula negatibong .079 noong ikalawang kwarto tungong negatibong .096 nitong ikatlong kwarto. Ginawa ito bago pa naganap ang pag-aalsa sa Makati kaya hindi pa nasasalamin ang mga negatibong epekto nito sa ekonomya.

Hindi rin binanggit ni Arroyo na umaabot sa 80% ng populasyon ng bansa ang naghihirap. Tatlumpu't limang milyong Pilipino o mahigit 40% ng populasyon ay nabubuhay sa kulang pa sa P32 kada araw. Sa United Nations Human Development Index para sa taong 2003, lalo pang bumagsak ang katayuan ng Pilipinas mula ika-77 tungo ika-85. Kabilang sa pinagbatayan ng naturang panukat ay ang kalidad ng kabuhayan, kalusugan, antas ng literasiya at edukasyon, pagrespeto sa karapatang-tao at iba pang kagalingan ng mamamayan.

Paliit nang paliit ang inilalaang badyet para sa edukasyon, kalusugan at iba pang batayang serbisyo. Kasabay nito, pinag-iibayo ng rehimen ang pribatisasyon ng mga pampublikong institusyon sa kapinsalaan ng mamamayang umaasa rito.

Pinakamataas sa buong Asia ang tantos ng disempleyo ng bansa. Mahigit kalahati ng pwersa ng paggawa ang walang trabaho o di kaya'y kulang ang trabaho. Mahigit kalahati ng mga may trabaho ay hindi tumatanggap ng regular na sahod at mga benepisyo. Lumiliit din ang bilang ng mga may regular na trabaho habang pinapalitan ang mga regular ng papalaking bilang ng kontraktwal at di-regular na trabaho. Paparaming Pilipino ang napipilitang makipagsapalaran na lamang sa ibang bansa upang maghanap ng mapagkakakitaan. Mahigit 10 milyong Pilipino na ang nagtatrabaho sa labas ng bansa at nadaragdagan pa ito ng 3,000 araw-araw.

Mula 2001, tumanggi na ang rehimeng Arroyo na itaas ang sahod ng mga manggagawa at ang sweldo ng mga sibilyang empleyado ng gubyerno. Nakapako sa P280 ang pinakamataas na minimum na arawang sahod gayong umaabot na sa P558 ang kinakailangan ng isang karaniwang anim-kataong pamilya upang mabuhay nang disente. Pilit pinagaganda lamang ng rehimeng Arroyo ang sariling mga estadistika ng kahirapan sa pamamagitan ng pagtatakda nitong sapat na ang P162/araw para sa isang lima-kataong pamilya. Taliwas sa ipinagmayabang ni Arroyo, nagtataasan ang presyo ng mga batayang produkto at serbisyo nitong nakaraang tatlong taon habang lalong bumagsak ang tunay na halaga ng sahod. Ayon mismo sa estadistika ng gubyerno, kumpara noong 1994, ang halaga ng piso ngayon ay P0.58 na lamang.

Masahol pa'y halos sangkatlo na ng batayang sahod at sweldo ay napupunta lamang sa pagbabayad ng kuryente. Hindi na nga itinigil ni Arroyo ang paniningil ng power purchasing adjustment (PPA), pinalala pa niya ito sa pamamagitan ng "unbundling of rates" o paghihiwa-hiwalay ng singil upang di mapuruhan ang kainutilan ng kanyang rehimen at ang kasibaan ng kanyang mga padrino sa Meralco. Tumaas maging ang singil sa serbisyo sa tubig. Paulit-ulit ding tumaas ang presyo ng langis.

Nagpalala pa sa kahirapan ng bayan ang kasibaan at korapsyon ng rehimeng Arroyo. Maliit ang tantyang P20 bilyong kinukurakot ng mga nasa poder taun-taon. Ayon sa sarbey, mahigit 57% ng mga pribadong kumpanya ang umaaming nanunuhol para makakuha ng kapakipakinabang na mga kontrata. Nananatiling kalakaran ang maglaan ng minimum na 20% ng gastos ng isang proyekto para panuhol sa mga upisyal ng gubyerno.

Kaliwa't kanan ang pagpasok ni Arroyo at kanyang mga kasapakat sa Malakanyang sa mga maanomalyang kontrata at kasunduan.

Dahil sa sistematikong pandarambong ng rehimen sa kaban ng bayan, papalaking nilalamon ng militar at napakalaking ibinabayad sa mga utang ng gubyerno, lumalala ang pagkabangkarote ng gubyerno. Tinatayang aabot sa P263 bilyon ang depisit sa badyet sa katapusan ng taon. Noong 2002, lumampas ang depisit sa badyet nang P82 bilyon sa itinarget nitong P130 bilyon para sa buong taon.

Baratilyong naisubasta na ang karamihan ng mga pangunahing korporasyon ng gubyerno. Kaya't dagdag na pangungutang ang pangunahing remedyo para masuhayan ang operasyon ng gubyerno. Lumaki na naman ang utang nito nang 14.7% nitong huling 12 buwan at umaabot na ito sa P2.96 bilyon. Umaabot na sa mahigit P5 bilyon ang kabuuang utang ng pampublikong sektor (public sector debts). Mahigit 120% na ito ng GDP (gross domestic product o kabuuang produksyon sa loob ng bansa). Walang tigil pa itong nadaragdagan, laluna't patuloy na lumalaki ang depisit ng gubyerno at ang kailangang bayarang utang.

Sawang-sawa na ang mamamayan sa mga hungkag na pahayag at mga pangako ng rehimeng Arroyo. Hiwalay na hiwalay na ito sa mamamayan. Dahil mahinang-mahina na ang rehimen at papakitid ang pinag-aagawan nilang madarambong sa mamamayan, nagmamadali na ang pangunahing kalaban nitong paksyon na agawin ang poder.

Sa kabila nito, kapit-tuko si Arroyo sa poder at lahat ng mga kaakibat nitong pribilehiyo at suhol. Sa halip na gamitin para sa pamamaalam ang kanyang huling SONA, nakikita ng nakararami na ang kanyang pangunahing pinagtutuunan ay ang pagtakbo sa eleksyong 2004.

 


Previous articleBack to topNext article

07 Agosto 2003
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Samantalahin at patindihin ang hidwaan sa loob ng AFP

Pilit tinatabunan ng rehimen ang ugat ng pag-aalsa sa Makati
SONA 2003, pantasya ni Arroyo
Pananalanta ng pasistang estado:
Mga tala ng paglabag sa karapatang-tao ng rehimeng US-Arroyo

Mga Ulat Koresponsal:
Mga tagumpay sa paglalansag ng mga CAFGU sa Cordillera

Mga Ulat Koresponsal:
Produksyon at pangangalakal ng marijuana sa Cordillera, gawain ng militar at CPLA

Matatagumpay na opensiba ng BHB
Balita:
PKP, nagpugay kay Chairman Salamat Hashim

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.