Pagtindi ng militarisasyon at mga paglabag sa karapatang-tao
Bahagi ng operasyon ng AFP upang tugisin ang mga kasapi ng BHB ang pagtambak ng malaking bilang ng mga pasistang tropa at mabibigat na kagamitang militar sa Paluan at hangganan nito sa mga bayan ng Abra de Ilog at Mamburao. Pinaniwalaan nilang nakakampo sa lugar na ito ang malaking bilang ng tropa ng BHB ngunit wala silang inabutan dito. Dahil sa kanilang kabiguang abutan ang mga Pulang mandirigma, itinuon ng mga pasistang tropa ang kanilang desperasyon at karahasan sa mga katutubong Mangyan na nakatira sa lugar.
Iniulat na mahigit 2,000 tropang militar mula sa Philippine Army, Navy at Air Force ang lumusob sa lugar. Limang helicopter gunship, tatlong spy plane (eroplanong pang-espiya), limang howitzer at dalawang tangke ang ipinwesto rito at dalawang barko ng Philippine Navy ang pinagpapatrulya ngayon sa kalapit na baybayin. Nagbanta si Maj. Jose Broso, Public Information Officer ng AFP Southern Luzon Unified Command, na hindi nila tatantanan ang Mindoro hanggat hindi ito "ganap na mapalaya mula sa kontrol ng mga komunistang terorista."
Walang habas ang operasyon sa paglabag sa karapatang-tao. Pinakaapektado rito ang mga residente ng mga sityo ng Aglimasan at Talahib sa Barangay Harrison, Paluan kung saan unang nagpakawala ng pasistang teror ang AFP. Mahaba ang listahan ng walang pakundangang panununog at paninira ng kabahayan, pagnanakaw ng mga ari-arian, pagpapaputok, harasment, pambubugbog at pananakit.
Di bababa sa pitong sibilyan ang dinukot ng mga elemento ng 16th IB. Tatlo sa kanila ay hindi pa inililitaw hanggang ngayon. Tinakot, binantaan, hiniya at tinortyur ng mga sundalo ang mga katutubong Mangyan. Binastos ang kababaihan.
Nagsilikas ang mga katutubong Mangyan upang makaiwas sa panggigipit at pang-aabuso ng mga militar. Ngunit sinugsog din sila ng mga militar hanggang sa mga pinaglikasan nila sa sentrong baryo at karatig-baryo at patuloy silang ginipit at binantaan.
Pinagbawalan silang lumayo pa at hinarang ng mga militar ang mga daanan nila. Kasama ang 500 pang residente mula sa mga karatig-baryo, binagtas ng mga taga-Barangay Harrison ang iba't ibang mahahaba at tagong daan para makatakas patungo sa sentro ng Paluan.
Ilang beses ipinagbawal ng militar ang pagpasok sa Occidental Mindoro ng mga organisasyong nagtatanggol sa karapatang-tao. Matagumpay lamang na nakapasok ang mga grupo bunga ng katapangan at pagpupursige ng kanilang mga myembro. Ngunit kahit ang mga ito ay hindi ligtas sa pang-aabuso ng AFP. Noong Enero 22, hinarang ng mga lalaking nakabonet at nakapatig ang siyam-kataong tim ng KARAPATAN-Southern Tagalog, dalawang kilometro mula sa tsekpoynt ng 16th IB. Sinamsam ang kanilang mga kagamitan at mga hawak na dokumentasyon ng paglabag sa karapatang-tao sa Paluan at mga karatig-bayan. Kinulata ng armalayt ang dalawang lalaking myembro ng tim.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|