![]() | |||||||||||||||||||||||
|
|
Hindi pagbawi kundi ibayong pagtindi ng krisis sa loob ng US ang matingkad na inilalarawan ng ipinamamaraling "paglago" sa ekonomya nito sa ngayon. Tampok sa "paglagong" ito ang pagpapaigting ng produksyon at ng kaakibat na pagsahol ng pagsasamantala, pagpapahirap at pang-aapi sa mga manggagawa. Noong Oktubre, inianunsyo ng rehimeng Bush ang paglago ng GDP ng US nang 8.2% para sa ikatlong kwarto ng taon. Mula ito sa halos 2% lamang na paglago nito sa unang anim na buwan ng 2003. Dahil dito, tinatayang aabot sa 4% ang kabuuang paglago ng GDP para sa buong taon, mas mataas sa unang tantyang 2-3%. Ayon sa estadistika ng US, itinulak ng mas malaking konsumo (6.6%) at pamumuhunan (11.1%) ang naturang paglago. Ang pangunahing tumaas ay ang pana-panahong demand para sa mga produktong pangkonsumo tulad ng mga kotse at iba pang kagamitan. Lumaki rin ang demand para sa pabahay (housing) at iba pang kagamitang pangtransportasyon, sa partikular, mga bagong eroplano. Matatandaang dumausdos sa resesyon ang ekonomya ng US noong Marso 2001 matapos pumutok ang bula ng high-tech. Nagbagsakan sa stock market (pamilihan ng mga sapi) ang pinalobong halaga ng mga sapi (overvalued stocks) ng mga kumpanya sa internet at high-tech. Noong Nobyembre 2001, idineklara ng rehimeng Bush na tapos na ang resesyon dahil sa paglago ng GDP nang 2.6%. Ngunit lumalabas na hindi ito sapat upang tuluy-tuloy na lumago at lubusang makawala sa resesyon ang ekonomya. Gumapang at hindi lamang bumagal ang paglago ng ekonomya sa sumunod na mga buwan. Hindi naging signipikante ang paglago sa mga saligang industriya ng US. Nanatiling matamlay ang industriyal na produksyon. Tumaas lamang nang 1% ang produksyon ng sektor ng manupaktura, sa partikular, mga produktong pangkonsumo at high-tech katulad ng mga kompyuter, semiconductor at kagamitang pangkomunikasyon. Sa abereyds, mas mababa pa rin ang bilang ng mga pabrikang gumagana ngayon kumpara sa nakaraang 30 taon. Lalong pinatingkad ng matamlay na produksyon ang papalaking depisit sa kalakalan ng US. Nitong Nobyembre, habang lumaki ang eksport nang $1.7 bilyon, ibayong lumaki ang import nang $2.5 bilyon�bagay na nagpalobo sa depisit sa kalakalan tungong $47.4 bilyon. Kalakhan ng mga inangkat na produkto ay mga produktong pangkonsumo at mga pyesang pangsasakyan.
Sa gitna ng ipinangangalandakang "rekoberi," walang nalilikhang bago o dagdag na mga trabaho kung kaya tinagurian ito ng mga ekonomista na "jobless recovery". Sa katunayan, nagaganap ang malawakang pagmasaker ng mga trabaho at lalo pang lumalala ang disempleyo sa US. Sanhi nito ang pagkasangkapan ng malalaking kapitalista sa US sa ibayong pagtaas ng pangkalahatang produktibidad ng mga manggagawa at pagpapahaba ng kanilang oras ng paggawa upang lalong patindihin ang pagsasamantala sa higit na pinaliliit na bilang ng mga regular na manggagawa. Mula Nobyembre 2001, umaabot sa abereyds na 400,000 ang nawawalan ng trabaho kada linggo�mas mataas sa abereyds na 305,000 kada linggo sa panahon ng resesyon. Sa loob lamang ng nakaraang dalawang taon, mahigit tatlong milyong Amerikano ang nawalan ng trabaho. Nitong Agosto, umabot sa 6.1% ang tantos ng disempleyo�pinakamataas sa nakaraang 20 taon. Hindi rin nakinabang sa "pagbawi" ng ekonomya kahit ang mga may trabaho. Nakapako kundi man bumagsak ang tunay na halaga ng sahod. Mula Nobyembre 2001, tumaas lamang nang 0.8% ang sahod at sweldo. Nitong nakaraang mga buwan kung kailan sumirit nang 40% ang netong kita ng mga korporasyon (pinakamatarik sa loob ng 60 taon), bumagsak naman tungong 0.65% ang tunay na halaga ng sahod. ![]()
| |||||||||
|
[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info] [Publications | Specials | Kultura | Photos] The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau of the Communist Party of the Philippines. Click here to send your feedback. |
|