Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Editoryal:
Ang rebolusyunaryong dalawahang taktika sa reaksyunaryong eleksyon

Ang eleksyong 1998 ay gaganapin sa gitna ng mabilis na lumalalang krisis sa ekonomya at pulitika ng naghaharing sistema at ng tumitinding ribalan at hidwaan ng mga paksyon sa pulitika ng mga nagsasamantalang uri.

Ang grabeng krisis pampinansya na sumambulat sa kalagitnaan ng taong nakaraan ay direktang ibinunga ng pangangayupapa ng rehimeng Ramos sa mga dikta ng IMF-World Bank, APEC at WTO, ng pagsasailalim ng Pilipinas sa balangkas ng imperyalistang globalisasyon.

Nagbunsod ito ng ibayong pagdausdos ng halaga ng piso, abot-langit na pagtaas sa presyo ng mga bilihin at tantos ng interes sa pautang at ng mas malawak na disempleyo. Habang nakikinabang ang iilang malaking burgesya kumprador, panginoong maylupa at bulok na burukrata dahil sa limpak-limpak na salaping kanilang tinutubo at kinukurakot, nagdudulot naman ito ng mas matinding paghihirap sa mayorya ng mamamayan.

Ibayong pinaiigting ng krisis ang mga batayang kontradiksyon ng mga uri sa lipunang Pilipino. Mula rin nitong nakaraang taon, sumulong ang mga aksyong masa sa mga sentrong urban at dumalas ang mga taktikal na opensiba ng armadong rebolusyon.

Samantala, tumitindi ang ribalan at hidwaan ng mga paksyon sa pulitika ng mga nagsasamantalang uri.

Disgustado ang sambayanan at ligalig ang buong naghaharing sistema.

Walang ibang ugat ang kasalukuyang krisis kundi ang sukdulang pagkapapet, pagiging anti-mamamayan at pagkabulok ng reaksyunaryong gubyernong Ramos.

Pansamantalang mapagtatakpan ang katotohanang ito ng halalang naghahatid ng hangal na pag-asa ng pagbabago.

Ngunit malinaw na hindi mapapawi ng eleksyong ito ang diskuntento ng mamamayan: monopolisado ito ng mga tradisyunal na pulitiko ng mga nagsasamantalang uri.

Dominado ang halalang ito ng mga kandidatong papet, reaksyunaryo at anti-mamamayan na siyang may kontrol sa ekonomya, burukrasya, masmidya at pwersang militar. Dahil malaki ang kanilang pakinabang sa kasalukuyang sistema, kailanman ay hindi nila maaaring salaminin ang kapasyahan ng mamamayan at tugunan ang kanilang mga batayang kahilingan.

Kung mayroon mang ilang makabayan at progresibong kandidatong tatakbo sa eleksyong ito, magiging biktima sila ng marahas na pananalakay, panggigipit at pandaraya. Mahahadlangan at mababaluktot lamang ang kapasyahan ng mamamayan sa pamamagitan ng dahas, salapi, pamimilit, panlilinlang at pandaraya.

Samantala, hindi rin mareresolba ang ribalan ng mga reaksyunaryong paksyon. Bagkus, mas lalo pang titindi ang kanilang mga banggaan dahil ayaw makipag-aregluhan sa poder ng naghaharing paksyong Ramos at lumiliit na rin ang palayok na kanilang kinukurakutan.

Sa gitna ng nagaganap na lokohang halalan, wasto at kinakailangangang tuluy-tuloy na maglunsad ang mamamayan ng nagsasariling mga pakikibaka. Higit sa lahat, ibayong pinatitingkad ng pagdaraos ng hungkag na eleksyon ang kawastuan ng paglulunsad ng demokratikong rebolusyong bayan sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan.

"Sa isang banda, kinukundena ng Partido ang eleksyon bilang reaksyunaryo at hungkag sa esensya at itinataguyod nito ang pagsulong sa armadong rebolusyon."

Gayumpaman, hindi rin maaaring basta-basta na lamang palampasin ng Partido Komunista ng Pilipinas at ng rebolusyunaryong kilusan ang eleksyong ito.

Gumagamit ang Partido ng rebolusyunaryong dalawahang taktika sa pakikitungo sa reaksyunaryong eleksyon. Sa isang banda, kinukundena nito ang eleksyon bilang reaksyunaryo at hungkag sa kabuuan at sa esensya at itinataguyod nito ang panawagan sa pagsusulong ng armadong rebolusyon. Ang Partido at rebolusyunaryong kilusan ay hindi lumalahok nang tuwiran at hayag sa reaksyunaryong eleksyon dahil hindi nararapat (alinsunod sa linya ng demokratikong rebolusyong bayan sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan) at hindi maaari (bunga ng pagbabawal at panunupil ng mga reaksyunaryo).

Tuwing panahon ng eleksyon, higit pang pinatitindi ng mga reaksyunaryo at repormista ang kanilang propaganda para linlangin ang sambayanan at akitin sa pagsuko at parlamentarismo ang mga rebolusyunaryong pwersa. Dapat itong tugunan ng puspusang paglalantad sa reaksyunaryong eleksyon at mga reaksyunaryong kandidato at pwersa. Dapat malawak at masigasig na pukawin sa rebolusyunaryong pakikibaka ang masa ng sambayanan lalo na sa harap ng kasalukuyang napakatinding krisis ng sistemang malakolonyal at malapyudal.

Sa kabilang banda, ipinatutupad ng Partido ang patakarang nagkakaisang prente sa pakikitungo sa reaksyunaryong eleksyon. Hinihikayat at sinusuportahan ng Partido ang mga progresibong alyado na lumahok sa eleksyon. Kung walang progresibong kandidato, maaaring suportahan ang kandidatong hindi lubhang reaksyunaryo laban sa mas reaksyunaryo.

Sa pangkalahatan, layunin ng patakarang nagkakaisang prente sa reaksyunaryong eleksyon ang pagmaksimisa sa iba�t ibang paraan ng pagpapalakas sa mga pwersang rebolusyunaryo at progresibo at pagpapahina sa mga reaksyunaryo at paglansag sa reaksyunaryong kapangyarihan. Sa partikular, layunin nito ang pagmaksimisa sa iba�t ibang posibleng paraan ng pagpapalaganap sa paninindigang makabayan at progresibo; pagpapalawak ng iba�t ibang antas at anyo ng ugnay at pakikipagtulungan sa mga pwersang progresibo at demokratiko; pag-iipon ng impormasyon sa mga reaksyunaryo; at pagsamantala sa mga kontradiksyon sa hanay ng mga reaksyunaryong pwersa at kandidato upang hatiin ang kanilang lakas at puruhan ang mga pinakamasahol at sagadsarin.

Ang paglalapat at pagtatagumpay ng patakarang nagkakaisang prente sa reaksyunaryong eleksyon, tulad sa iba pang usapin, ay pangunahing nakasalalay sa lakas ng rebolusyunaryong kilusan. Iba-iba ang mga posibilidad sa iba�t ibang prubinsya, distrito at munisipalidad, ayon sa aktwal na lakas ng Partido, Hukbong Bayan at baseng masa. Nasa mga kinauukulang namumunong komite ng Partido ang paglalapat ng patakarang nagkakaisang prente sa kani-kanilang saklaw para maksimisahin ang mga pakinabang.

Dahil iilan pa lamang ang mga progresibong kandidatong tumatakbo at naninindigan para sa mga karapatan at interes ng mga manggagawa, magsasaka, petiburgesyang lungsod at panggitnang burgesya, ang paglalapat ng patakarang nagkakaisang prente, pangunahin, at sa kalakhan, ay nangangahulugan ng pagsamantala sa mga kontradiksyon sa hanay ng mga reaksyunaryong pwersa at kandidato. Batay din sa pangkalahatang antas ng pagbawi at pagpapanibagong-sigla ng mga rebolusyunaryong pwersa mula sa mga pinsala sa nakaraan, mas malaking di hamak ang mga posibilidad sa antas ng mga munisipalidad at distrito kaysa sa antas ng mga prubinsya at buong bansa.

Sa mga lokalidad na malakas ang rebolusyunaryong kilusan, maaaring mapagpasyang impluwensyahan ang resulta ng eleksyon maliban kung gamitan ng napakataas na antas ng karahasan ng mas masahol na mga reaksyunaryo. Dapat gamitin ang kakayahang ito upang gapiin ang mas reaksyunaryong kandidato at papanaluhin ang kandidatong progresibo o di kaya'y hindi lubhang reaksyunaryo.

Ang paglalapat at pagtatagumpay ng patakarang nagkakaisang prente sa eleksyon ay nakasalalay sa lakas ng rebolusyunaryong kilusan.

May mga lokalidad na maaaring walang sapat na batayan para paburan ang sinumang reaksyunaryong kandidato dahil hindi sila handang makipagtulungan sa rebolusyunaryong kilusan at sa halip, aktibo silang lumalaban dito. Dapat ay hayaan silang maglabanan at itulak pa kung kakayanin para higit pang paigtingin ito.

Ang Partido, Hukbong Bayan at mga magkakaalyadong organisasyon sa NDF, dahil sa kanilang rebolusyunaryong paninindigan at iligal na katayuan, ay hindi maaaring tuwiran at hayagang mag-endorso ng kandidato, partido o koalisyon. Responsibilidad ng kandidato na magsalita at umaksyon nang may laman at sa paraang makakakuha ng pagsuporta ng baseng masa ng rebolusyunaryong kilusan.

Tungkulin ng mga rebolusyunaryong pwersa na patindihin ang propaganda para sa pambansang kalayaan at demokrasya laban sa naghaharing sistema at laban sa mga pinakamasahol na reaksyunaryo. Ang mga progresibong kandidato ay hinihikayat at inaasahang magsalita nang nahahawig sa paninindigan ng rebolusyunaryong kilusan. Samantalang ang mga kandidatong hindi lubhang reaksyunaryo ay maaaring magpatindi ng kanilang pagpuna at pagtatakwil sa mga pinakamasahol na bahagi at bunga ng pusisyon ng kanilang mas reaksyunaryong kalaban. Sa gayon, sila at ang mga rebolusyunaryong pwersa ay may isang antas ng pagkakahanay sa pagkundena sa kanilang mga kalaban.

Inaasahan ang mga kandidato na patunayan ang kanilang pakikipag-alyansa sa mga rebolusyunaryong pwersa hindi lamang sa pamamagitan ng kanilang mga talumpati kundi sa pamamagitan ng lihim na pagbibigay ng suportang lohistikal sa mga rebolusyunaryong pwersa.

Lahat ng mga kandidato ay dapat magbayad ng minimum na halaga, alinsunod sa kanilang kakayahang magbayad, para sa ligtas na pagpasok sa saklaw ng mga rebolusyunaryong pwersa at para sa inisyal na pagsaalang-alang sa kanila kung karapat-dapat na suportahan o hindi.

Ang paglahok sa reaksyunaryong eleksyon ay bahagi ng larangan ng pakikibakang ligal, na makabuluhan pero segundaryong bahagi kung ihahambing sa mas mahalagang hayag na kilusan at pakikibakang masa. Gayunman, ang mga ligal na pwersang progresibo ay hindi pa nakakapagtayo ng seryosong partidong pulitikal para sa pakikibakang elektoral. Ang mga pagsisikap dito sa nakaraan ay hinadlangan ng malupit na panunupil ng reaksuyunaryong estado at ng mga "Kaliwa" at Kanang oportunistang pagkakamali ng rebolusyunaryong kilusan bago ang kilusang pagwawasto.

Ang ligal na kilusang demokratiko ay makapagpapaunlad ng mga progresibong kandidato kahit matagal pa ang eleksyon at kahit walang tahasang progresibong ligal na partidong elektoral. Ang pinakamahalaga kaugnay nito ay magpalitaw at magsanay mula sa mga manggagawa, magsasaka at petiburgesyang lungsod sa buong bansa ng maraming hayag na lider masa na may kakayahang magsalita nang may kumpiyansa at awtoridad sa mahahalagang isyung pambansa at pambayan, magsuri at bumatikos sa mga reaksyunaryong patakaran at pananaw mula sa paninindigang pambansang demokratiko, at umimpluwensya at mamuno sa libu-libo at milyun-milyong mamamayan.

Ang mga ligal na progresibong pwersa ay dapat magpatindi ng kanilang propaganda para sa pambansang kalayaan at demokrasya at magtakda ng mga pamantayan sa pamumunong tunay, makabayan at progresibo kaugnay ng mga ispesipikong isyu. Sa gayon, kahit walang ligal na partidong pulitikal, pwede nilang hawakan ang inisyatiba, impluwensyahan ang eleksyon at paburan ang mga kandidatong hindi kailangang tuwiran at hayagan nilang iendorso.

May iba�t ibang taktikang magagamit ang ligal na kilusang demokratiko para magbigay ng tulong na di tuwiran at di hayag sa mga kandidatong hindi lubhang reaksyunaryo laban sa mas reaksyunaryo. Marami dito ay magagamit din sa pagsuporta sa mga progresibong kandidato. Kabilang dito ang mga impormal na pahiwatig at iba pang disimuladong senyales sa ating organisadong baseng masa; paglalantad at paglaban ng matagal nang nakatayong mga alyansa at organisasyon sa mga kalabang kandidato sa anyo ng mga kampanya, pahayag sa masmidya at iba pang partikular na aktibidad; paglikha ng mga pagkakataon para mapatampok ang kandidato at matabunan ang mga kalaban; pagpaparami ng mga pahayag sa midya, mga materyales na pangkampanya at pagdaraos ng iba pang aktibidad na pabor sa kandidato at laban sa kanyang mga katunggali; pagbubuo ng mga espesyal na pangkat para ilantad at labanan ang mga katunggali ng kandidato sa iba�t ibang isyu; pagtatayo ng mga bagong organisasyon sa batayang sektoral o pang-isyu at ang pagtukoy ng mga ito sa pinakamainam sa pagtiyak sa bisa ng kampanya at botong nakuha hanggang sa aktwal na bilangan; pagpapaunlad o pagpapasok sa tiket o makinarya ng kandidato ng mga taong mapagkakatiwalaan, may-kakayahan at maimpluwensya; pagsisiyasat, paggawa ng mga sarbey at pagsasamapa ng mga kalakasan at kahinaan ng mga kandidato at kanilang mga katunggali batay sa mga pangunahing isyu at sa iba't ibang saklaw; at paglalantad ng mga pandaraya at anomalya sa eleksyon.

Ang patakarang nagkakaisang prente ay nagpapatuloy hanggang pagkatapos ng reaksyunaryong eleksyon. Pinag-iiba-iba ang pakikitungo sa mga kadidatong mananalo ayon sa kanilang aktwal na pusisyon sa mga isyu at pakikitungo sa rebolusyunaryong kilusan at sambayanan.

Sa mga nanalong kandidato na sinuportahan ng rebolusyunaryong kilusan, maaaring may gustong magpatuloy ng pakikipagtulungan at kooperasyon at may bumabaling naman sa paglaban sa kilusan o di kaya nagpoposturang nyutral. Mayrooon na-mang hindi sinuportahan ng rebolusyunaryong kilusan pero gustong pumasok sa pakikipagtulungan at kooperasyon, pumosturang nyutral o di kaya, magpasahol pa ng mga kontrarebolusyunaryong gawa.

Sinuman ang mahalal na mga lokal na upisyal at paanuman sila umakto, pinapakitunguhan sila ng mga rebolusyunaryong pwersa alinsundod sa kanilang mga pusisyon at aksyon. Kahit itinatayo ng mga rebolusyunaryong pwersa ang mga rebolusyunaryong organo ng kapangyarihang pampulitika, pinananatili ang pakikipag-alyansa o pakikipagkaibigan sa mga lokal na opisyal ng reaksyunaryong gubyerno kung nakakatulong sa armadong rebolusyon.

Sinuman ang mahahalal na presidente ay tatayong pangunahing kinatawang pampulitika ng mga nagsasamantalang uri at kikilos alinsunod dito. Sa lehislatura, maaaring may ilang senador at kinatawan na titindig sa progresibong posisyon sa mga isyu.

 


 Back to topNext article

03 Enero 1998
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Ang rebolusyunaryong dalawahang taktika sa reaksyunaryong eleksyon
Ibayong Lumulubog sa Kumunoy ng Pagkaalipin
Total Logging Ban sa Mindanao:
Kilusang Masa Laban sa mga Berdugo ng Kalikasan

Pangayaw Laban sa Alsons
Mga Lumad sa Timog Mindanao
Matatatag na Base ng Rebolusyon

Balita
Latian ng Liguasan
Luntiang Lupain, Nais Angkinin

Paglilinaw Hinggil sa Pagpapalaya kay SPO3 Martillano Magtagad
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.