Balita
Detatsment ng AFP sa Bukidnon, nireyd, sinunog
Labinsiyam (19) na matataas na kalibreng armas ang nasamsam at dalawang elemento ng Citizens� Armed Forces Geographical Unit ang napatay nang lusubin ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang isang detatsment ng Philippine Army sa Bukidnon. Ang reyd ay inilunsad sa detatsment ng 5th Special Forces Battalion sa Barangay Kagalangan, San Fernando nitong Pebrero 12. Nakumpiska mula sa detatsment ang isang M60, siyam na M14, anim na garan at tatlong M16. Nasamsam din ang isang .38 at isang .357. Bago inilunsad ang reyd, pinutol ng mga gerilya ang mga linya ng kuryente at komunikasyon ng detatsment upang hindi makapagtawag ng reinforcement ang kaaway. Sinunog din nila ang detatsment bago sila umatras.
Kumpanya ng telepono pinarusahan sa North Cotabato
Sinunog ng mga sumalakay na gerilya ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang relay station ng isang kumpanya ng telepono sa Makilala, North Cotabato nitong Pebrero 4. Pinarusahan ang Smart Communications Inc., tagagawa ng mga cellular phone, dahil sa di nito pagtalima sa mga batas at patakaran sa pagbubuwis ng rebolusyonaryong kilusan at demokratikong gubyernong bayan.
3 sundalo patay sa Tarlac
Tatlong sundalo ang napaslang sa isang engkwentro sa pagitan ng mga Pulang mandirigma at mga sundalo ng 69th IB sa Tarlac. Ang labanan ay naganap sa Barangay Cut-cut, Lunsod ng Tarlac nitong Enero 6. Ang barangay na pinangyarihan ng labanan ay bahagi ng 6,000-ektaryang Hacienda Luisita na pagmamay-ari ng pamilya ng dating pangulong Corazon Cojuangco Aquino.
|