Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Editoryal:
Biguin ang malulupit na anti-mamamayang hagupit ng rehimeng US-Arroyo

 Read this article in English

Puspusang nilalabanan ng mga organisasyong masa, mga pwersang pampulitika at maging ng sektor ng simbahan ang plano ng rehimeng Arroyo na itaas mula 10% tungong 12% ang sinisingil na value added tax (VAT) at ipataw na rin ito sa mga produktong petrolyo, kuryente at serbisyong medikal at ligal. Puspusan din nilang tinututulan ang muling pagbubukas ng likas na yaman ng bansa sa pandarambong ng mga dayuhang korporasyon sa pagmimina sa pamamagitan ng pinal na pagpapatibay sa Mining Act of 1995. Abot-abot ang galit ng mamamayan sa dalawang pinakahuling mga patakarang sagad-sagarang makadayuhan at anti-mamamayan na itinutulak ng gubyernong Arroyo sa desperasyon nitong palutangin ang bulok na naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal.

Nagbibingi-bingihan ang rehimeng US-Arroyo sa malawak na hinaing laban sa pagtataas ng VAT. Wala itong pakialam kung sa pagtataas ng VAT ay papaimbulog sa langit ang presyo ng mga bilihin at lalagpak sa lupa ang kabuhayan ng mamamayan. Wala si Arroyo ni pakitang-taong pagmamalasakit sa mamamayan. Habang puspusan nitong itinutulak ang pagtataas ng VAT, puspusan din nitong hinahadlangan ang mga hakbangin para sa pagtataas ng sahod ng mga manggagawa.

Mas masama pa sa pagtataas ng VAT, todo-larga ngayon ang rehimeng US-Arroyo sa pagbabaklas ng mga prontera ng pambansang patrimonya ng Pilipinas at pagbibigay ng buong laya sa mga dayuhang monopolyong kapitalista na dambungin ang likas na yamang mineral ng bansa.

Inilalantad ni Arroyo at ng kanyang mga upisyal na sila'y dili iba kundi mga administrador ng neokolonyal na estado na ang katapatan ay sa mga dayuhang negosyo. Hindi nila itinatago ang kanilang labis na galak sa plano ng mga dayuhang kapitalista na kamkamin at pakinabangan ang natitirang yaman ng Pilipinas. Walang pakialam ang rehimeng Arroyo kahit pa hatid ng mga dayuhang monopolyong kapitalista sa pagmimina ang wala pang katulad na pagkawasak sa mga bundok, ilog at lupang agrikultural, pananalanta sa buhay ng masang anakpawis at lalong pagkabansot ng lokal na ekonomya.

Iniaalok ng rehimeng US-Arroyo ang lahat ng insentibo sa mga dayuhang kapitalista, kabilang na ang kalayaan mula sa buwis at kalayaang iuwi ang lahat ng tubo. Hindi rin sila ipaiilalim sa mga inspeksyon kaugnay ng pagsunod sa mga pamantayan sa pangangalaga sa kalikasan. Ang mga ito at marami pang iba ay pawang ginagarantiya sa kanila ng Mining Act of 1995 na pinal na pinagtibay ng Korte Suprema nitong Pebrero.

Pilit na pinalalabas ng rehimeng US-Arroyo na ang malakihang pagpasok ng mga dayuhang kapitalista sa pagmimina ay maghahatid ng pagsulong ng ekonomya. Nagbubulag-bulagan ito sa katotohanan na sa nakaraang 60 taon, ang patakarang ito ay nagresulta lamang sa malawakang disempleyo, pagkawasak ng mga pwersa sa produksyon, pagkasaid ng kapital at palagiang krisis.

Kailangang-kailangang puspusang kumilos ang mamamayang Pilipino upang pigilan ang rehimeng US-Arroyo sa pagsasakatuparan ng dagdag sa VAT at ang walang awat na pag-akit sa mga dayuhang kapitalista na mamuhunan sa pagmimina. Dapat isagawa ang lahat ng posibleng paraan upang biguin ang maiitim na balaking ito. Sa gayon lamang mapipigilan ng mamamayan ang lalong pagbagsak ng kanilang kabuhayan at ang ibayong pang-aapi at pagpapahirap sa kanila.

Palawak nang palawak ang hanay ng mamamayang nagpapahayag ng pagtutol sa dagdag na VAT. Kailangang puspusang patatagin ang pagkakaisa ng mga pwersang ito, palalimin ang maka-mamamayan at anti-imperyalistang batayan ng kanilang paninindigan sa dagdag na VAT, at ituon ang kanilang nagkakaisang lakas sa paglulunsad ng iba't ibang anyo ng pagtutol at mga protesta sa mga pabrika, paaralan, upisina at mga lansangan.

Ang pagpupumilit ni Gloria Arroyo na ipatupad ang pagtataas ng VAT ay nag-uudyok ng malawakang galit sa rehimen. Ang kanyang pagbalewala sa hinaing ng mamamayan at pagkakalat ng kasinungalingang "mamamayan ang makikinabang sa pagtataas ng VAT" ay gumagatong sa apoy ng protesta.

Malawak din ang hanay ng mamamayang tumututol sa pagsasakatuparan ng Mining Act of 1995. Kailangan silang tipunin upang itulak ang pagbabasura nito at pigilan ang pagpasok ng mga dayuhang kapitalista at pandarambong ng mga ito sa yamang mineral ng Pilipinas. Pambansang digmaan ang sagot ng sambayanang Pilipino upang ipaglaban at ipagtanggol ang kasarinlan sa ekonomya at ang pambansang patrimonya ng Pilipinas.

Sa partikular, kailangang gamitin ng mga komite at upisyal ng mga organo ng rebolusyonaryong kapangyarihang pampulitika sa iba't ibang antas sa buong bansa ang kanilang awtoridad upang isakatuparan ang mga partikular na patakaran sa reporma sa lupa, mga batas na nagtatanggol sa karapatan sa lupa ng mga magsasaka at minoryang mamamayan at laban sa pananalanta sa kalikasan. Ang mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan ay may tungkuling tiyakin na naipatutupad ang mga batas at patakarang ito.

Ang mga pagkilos at paglaban ng mamamayang Pilipino laban sa pagtaas ng VAT at pagpapapasok ng mga dayuhang kapitalista sa pagmimina ay pawang nakakawing at naglilingkod sa pakikibaka ng sambayanan laban sa rehimeng US-Arroyo. Katunayan, tumatampok sa mga paglabang ito ang mahigpit na pangangailangang wakasan ang papet, anti-mamamayan, bulok at mapanupil na gubyerno ni Gloria Macapagal-Arroyo.

Sa pagsusulong ng mga pakikibakang ito, responsibilidad ng mga rebolusyonaryong pwersa na itaas ang kamulatan ng sambayanan upang ipakita ang pangangailangan para sa bagong-demokratikong rebolusyon para wakasan ang neokolonyal na estado at ang malakolonyal at malapyudal na sistemang panlipunan sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan.

 


 Back to topNext article

07 Pebrero 2005
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Biguin ang malulupit na anti-mamamayang hagupit ng rehimeng US-Arroyo
Pagtaas ng VAT, inuulan ng batikos
Malakihang pagmimina: Paglapastangan sa pambansang soberanya at patrimonya
Pagmimina sa Central Luzon
Mga Ulat Koresponsal:
General Victor Corpus: Malaking manloloko

Mga Ulat Koresponsal:
Rebolusyonaryong patakaran sa Panay hinggil sa kapaligiran

Pagsasanib ng mga dambuhalang kumpanya:
Mas malaking tubo, mas masahol na pagsasamantala

Sa Ibayong Dagat:
Di masusupil ang Maoismo sa China

Sa Ibayong Dagat:
Pagpapalaya sa Auschwitz, ginunita

Sa Ibayong Dagat:
Pagbubuo ng estadong papet ng US sa Iraq

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.