![]() | |||||||||||||||||||||||
|
|
Higit na pinasisidhi ng rehimeng Arroyo ang pang-aapi sa mamamayang Moro. Matinding takot ang bumabalot ngayon sa mamamayang Moro bunsod ng mga pagsosona sa kanilang mga komunidad, pagreyd sa kanilang mga bahay, arbitraryong pag-aaresto at pangtortyur sa umano'y mga terorista sa hanay nila. Ang balak ng Philippine National Police na ipatupad na sistema ng "Muslim ID" ay sisikil lamang sa kanilang mga kalayaang sibil. Lubos na kinukundena ng Partido Komunista ng Pilipinas at buong rebolusyonaryong kilusan ang walang habas na mga atake ng rehimeng Arroyo laban sa mga karapatang-tao ng mamamayang Moro. Ang mga hakbangin ng reaksyunaryong rehimen ay nagpapalubha sa pambansang pang-aapi at prehudisyal na pagtrato sa mga Moro at naglalarawan sa kanila bilang mga kriminal, bandido at elementong anti-sosyal. Dulot ng mga hakbangin ng rehimeng Arroyo, ngayo'y kaagad na tinatatakan na rin silang mga "terorista." Sinasamantala at lalong pinasasama ng rehimeng Arroyo ang mga umiiral na maling anti-Morong kaisipan at kultura sa hangaring maipatupad ang mga patakarang anti-Moro. Isinasakripisyo ng rehimeng Arroyo ang interes at kapakanan ng mamamayang Moro sa ngalan ng anti-terorismo. Paulit-ulit na ikinakatwiran ng rehimeng Arroyo na mayroon umanong mga "intelligence report" na balak ng Abu Sayyaf na sundan ang teroristang pambobomba sa Madrid, Spain noong Marso 11 ng katulad rin na pambobomba sa Kamaynilaan. Tusong layunin ng rehimeng Arroyo na pairalin ang takot at isterya sa mamamayang Pilipino, magbigay-katwiran at kumuha ng simpatya sa isinasagawa nitong mga pasistang hakbangin laban sa mga Moro. Sa pamamagitan ng mga ito, umaasa ang pangkating Arroyo na makakuha ng dagdag na mga boto na desperadong kinakailangan nito sa darating na eleksyon. Lalong pinatitindi ng rehimeng Arroyo ang pambansang pang-aapi sa mamamayang Moro. Kailangang-kailangang labanan ng mamamayang Moro ang mga hakbanging ito ng rehimeng Arroyo at ipagtanggol ang kanilang mga demokratiko at pambansang karapatan at kapakanan. Kailangang ipadama ng mamamayang Moro sa rehimeng Arroyo ang galit ng isang mamamayang dumaranas ng pambansang pang-aapi at igiit ang pagrespeto sa kanila at sa kanilang mga karapatan. Sa kanilang paglaban, kailangang-kailangan din ng mamamayang Moro na tamasain ang suporta ng buong sambayanang Pilipino. Ang pagtatangka ng rehimeng Arroyo na higpitan at pagmalupitan ang mga Moro ay paunang hakbangin ng reaksyunaryong estado para ipataw sa kalaunan ang pasistang paghihigpit sa buong sambayanang Pilipino. Kailangang bantayan din ang mga maitim na balak ng rehimeng Arroyo na gamitin ang sinasabi nitong mga "teroristang banta" bilang sangkalan sa mga hakbanging maaaring isagawa nito sa harap ng maaaring pagkatalo nito sa darating na halalan o, kung "magkamilagro" at manalo man ito, sa harap ng nakikinikinitang matinding paglaban ng mamamayan sa isasagawa nitong malakihan at malawakang pandaraya. Kailangang buuin ang malawak na pagkakaisa ng sambayanang Pilipino upang biguin ang imbing mga balaking ito ng rehimeng Arroyo laban di lamang sa mamamayang Moro kundi sa buong sambayanang Pilipino. Malalim ang kabuluhan ng mga kaisahan at pagtutulungan ng mga organisasyong Moro at ng iba't ibang mga progresibo at demokratikong organisasyon ng mamamayang Pilipino. Ang Partido Komunista at rebolusyonaryong kilusan ay buung-buong sumusuporta sa pagpapanday ng pagkakaisa ng mamamayang Moro at di Moro. Buong-buo nitong sinusuportahan ang paglaban ng mamamayang Moro laban sa mga atake ng rehimeng Arroyo. ![]()
| |||||||||
|
[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info] [Publications | Specials | Kultura | Photos] The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau of the Communist Party of the Philippines. Click here to send your feedback. |
|