Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Balita

 Read this article in English


PKP, nagdeklara ng tigil-putukan sa kapaskuhan

Bilang pagbibigay-galang sa tradisyunal na pagdiriwang ng kapaskuhan, nag-atas ang Komite Sentral (KS) ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa lahat ng kumand at yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) at mga milisyang bayan na pansamantalang itigil ang paglulunsad ng mga opensiba laban sa mga pwersang militar, pulis at paramilitar ng reaksyunaryong gubyerno.

Sa deklarasyong inilabas sa pamamagitan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) nitong Disyembre 8, ipinahayag ng KS na magkakabisa ang tigil-putukan kagyat pagkadeklara ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) ng sariling tigil-putukan sa pagitan ng Disyembre 15, 2001 at Enero 15, 2002.

Gayunman, ayon pa sa deklarasyon, mananatiling alerto ang BHB at aktibong magtatanggol laban sa paniniktik at opensibong aksyon ng kaaway sa panahon ng tigil-putukan.

Matapos ang ideklara ng GRP na hanggang Enero 6 lamang ang tigil-putukan nito, naglinaw ang NDFP na ang pagtigil ng mga opensiba ng BHB ay magtatapos din sa nasabing petsa.


"Ipagbunyi natin ang mga sumusulong na mga rebolusyonaryong pwersa" -- ARMANDO LIWANAG

"Ipinagbubunyi natin ang sumusulong na mga rebolusyonaryong pwersa at ang pagdaluyong ng kilusang masa."

Ito ang ipinahayag ni Kasamang Armando Liwanag, tagapangulo ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa kanyang mensahe sa ika-33 anibersaryo ng Partido nitong Disyembre 26. Aniya, "nagtamo tayo ng mga makabuluhang pagsulong sa pagtatayo ng Partido bilang abanteng destakamento ng uring manggagawa, ng Bagong Hukbong Bayan bilang pangunahing instrumento sa pag-agaw sa kapangyarihang pampulitika at ng nagkakaisang prente bilang paraan sa pagpapakilos sa pinaka- malawak na hanay ng mamamayan sa rebolusyonaryong adhikain" dulot ng pagtangan sa wastong linya sa ideolohiya, pulitika at organisasyon.

Partikular niyang tinukoy na nitong nakaraang taon ay "nagkamit tayo ng dramatikong tagumpay sa pagbabagsak sa naghaharing pangkating US-Estrada sa pamamagitan ng mga taktika ng malawak na nagkakaisang prente."

Kaugnay nito, aniya, malinaw na naisulong ang linya na alinmang naghaharing pangkatin ay maaaring maibagsak ng Partido at ng masa alinsunod sa linya ng malawak na nagkakaisang prente at kung gayo'y makapag-iipon ang kilusan ng lakas at karanasan hanggang maaari nang ibagsak ang buong naghaharing sistema ng malalaking kumprador at panginoong maylupa.

Tinukoy din ni Kasamang Liwanag ang krisis ng lokal na naghaharing sistema at ng pandaigdigang sistemang kapitalista bilang napakapaborableng kalagayan para sa rebolusyon.

"Tiwala tayong sa susunod na sampung taon ay magkakamit tayo ng malalaking pagsulong sa bagong-demokratikong rebolusyon, at susulong sa paraang walang kapantay sa nakaraan ang mga kilusang anti-imperyalista at sosyalista sa gitna ng lumalalang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista at ng malaking kaguluhang dulot ng mga digmang agresyon at kampanya sa panunupil," dagdag pa ni Kasamang Liwanag.

*Ang kabuuan ng mensahe ni Tagapangulong Armando Liwanag ay inilabas bilang espesyal na isyu ng Ang Bayan


Kumpanya ng bus, pinarusahan ng BHB sa Cebu

Sinunog ng mga Pulang mandirigma ng Vicente Padayao Brigade ang isang pampasaherong bus ng Philtranco Bus Liner nitong Disyembre 11 sa Barangay Panalipan, Catmon, Cebu.

Ayon kay Silvino "Ka Bino" Clamucha, tagapagsalita ng BHB sa rehiyong Sentral Bisayas, pinarusahan ang kumpanya dahil sa pagtanggi nitong magbayad ng buwis sa rebolusyonaryong kilusan.

Sumakay ang tatlong Pulang mandirigma sa isang bus ng Philtranco na byaheng Cebu-Bogo-Tacloban City. Pinahinto nila ang bus sa Barangay Panalipan kung saan nakapwesto ang iba pang Pulang mandirigma.

Naglagay ng mga tsekpoynt ang ibang kasapi ng BHB upang mapigilan ang paglapit ng iba pang mga sasakyan sa lugar kung saan sinunog ang bus. Tinatayang P3 milyon ang halaga ng nasunog na bus.


Army captain, inambus ng BHB sa Aurora

Agad namatay ang isang upisyal ng Philippine Army nang tambangan siya ng mga Pulang mandirigma sa Barangay Suklayin, Baler, Aurora nitong Disyembre 12. Pabalik si Capt. Eufronio Villaluz, personnel officer ng 17th IB, sa kanyang yunit nang siya ay ambusin.


Impormer ng pulisya sa Compostela Valley, pinarusahan

Si Roger Valdez, isang impormer ng pulisya, ay pinatawan ng BHB ng parusang kamatayan sa Barangay Bucana Banlag, Monkayo, Compostela Valley nitong Disyembre 6.


Bayad sa pagsapi OWWA, iniatas ni Macapagal-Arroyo

Sa gitna ng mga pakikibaka ng mga overseas Filipino workers (OFW) para sa makatarungang sahod, dinagdagan ni Macapagal-Arroyo ang mga bayarin nila. Inutusan niya ang Department of Labor and Employment (DoLE) na ipatupad ang Memorandum of Instruction No. 8. Inoobliga ng memorandum na ito ang mga OFW na magbayad sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ng US$25 bilang butaw sa pagsapi sa Overseas Workers Welfare Administration (iowwa).

Upang matiyak ang pagsunod ng mga OFW, pagkakaitan ng overseas employment certificate ang sinumang hindi magbayad nito.

Ayon sa Migrante, militanteng organisasyon ng mga OFW, mahigit P1,275 ang ibabawas ng bayaring ito sa sahod ng mga OFW.


Hidwaan sa kampo ni Macapagal-Arroyo, nalalantad

Nahayag sa publiko ang hidwaan sa kampo ng naghaharing reaksyunaryong pangkatin nang magpahiwatig si dating presidente Fidel Ramos ng balak na muling tumakbo sa pagkapangulo sa 2004 gayong may katulad ring plano si Macapagal-Arroyo.

Muling binubuhay ni Ramos ang naudlot na ambisyon niya noong palawigin ang kanyang panunungkulan. Aniya, tanging sa pagtakbo muli ng isang dating presidente masusubok at maililinaw ang malabong konstitusyunal na probisyon kaugnay ng reeleksyon ng isang dating presidente.

Pormal itong itinatanggi ni Ramos, ngunit hindi mapalagay si Macapagal-Arroyo dahil sa rekord ng pagsisinungaling ng dating presidente hinggil sa kanyang mga plano sa pulitika.

Mga personaheng maka-Ramos din ang nasa likod ng matitinding pagbatikos ng People's Consultative Assembly (PCA) kay Macapagal-Arroyo, sa kanyang asawang si Miguel at sa mga upisyal ng gubyerno na pinakamalalapit sa kanya, kaugnay ng mga anomalyang kinasasangkutan ng bilyun-bilyong piso.


Kabiguang makipagkasundo sa rebolusyonaryong kilusan, isang sanhi ng pagbaba ng popularidad ni Macapagal-Arroyo - SWS

"Ang kabiguan ng gubyernong makipagkasundo sa mga rebeldeng komunista" ay isa sa tatlong pangunahing sanhi ng pagbaba ng popularidad ni Gloria Macapagal-Arroyo.

Ayon ito sa pinakahuling sarbey na ginawa ng burges na Social Weather Station noong Nobyembre 3-21. Ang dalawa pang tinukoy na dahilan ay ang kabiguan ng kampanya laban sa droga at kabiguang sumingil ng buwis mula sa malalaking negosyante.

Lumabas din sa sarbey na may pagtingin ang nakararami na walang sapat na nagawa ang gubyerno para pawiin ang korapsyon, ibaba ang presyo ng mga batayang bilihin, sugpuin ang krimen laban sa mga karaniwang mamamayan, lutasin ang problema sa Abu Sayyaf at itaguyod ang tunay na awtonomya ng mga Moro sa Mindanao.


Nagbunyag sa planong kudeta, pinatay

Pinaslang nitong Disyembre 31 si Capt. Baron Cervantes, tagapagsalita ng isang paksyon ng Young Officers Union (YOU), matapos niyang ibunyag na may planong kudeta ang YOU at ang Rebolusyonaryong Alyansang Makabansa (RAM) laban sa rehimeng Macapagal-Arroyo.

Ayon kay Cervantes, nagkaroon ng lihim na pulong ang YOU at RAM noong Disyembre 24 sa Puerto Azul sa Cavite upang planuhin ang Oplan Noche Buena laban sa gubyerno.

Si Cervantes ay malapit sa buhaghag na paksyong maka-Macapagal-Arroyo ng naghaharing uri. Muling pinatatampok ng pagpatay sa kanya ang matinding ribalan ng iba't ibang paksyon ng naghaharing uri at ng kani-kanyang mga hawak na grupo sa loob ng reaksyunaryong militar.


Alyansa laban sa kumpanyang Agrokemikal, itinatag

Sa pangunguna ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), itinatag nitong Disyembre 3 ang International Alliance Against Agrochemical Transnational Corporations (IAAATNCs). Ang alyansa, na kinapapalooban ng 25 organisasyon at indibidwal mula sa loob at labas ng bansa, ay naglalayong kumprontahin ang mga kumpanyang agrokemikal kaugnay ng mga usapin ng pestisidyo, genetically modified organisms (GMO), seguridad sa pagkain at karapatan sa lupa.

Kasabay ng pagtatatag sa IAAATNCs, inilunsad ng KMP ang pangangalap ng isang milyong lagda laban sa patuloy na field testing ng Bt Corn at BB Rice at upang muling magpahayag ng pagtutol sa Plant Variety Protection Bill na nagbibigay sa mga kumpanyang agrokemikal ng eksklusibong karapatan sa mga binhing naka-patent sa kanilang pangalan. Tinuligsa rin ng KMP ang mga imperyalistang agrokemikal na kumpanya tulad ng Monsanto dahil sa pagkontrol ng mga ito sa agrikultura sa Pilipinas bunga ng monopolyo nila sa mga kemikal na kailangan sa pagsasaka at sa pagpapalaganap nila ng GMO sa bansa.


80,000 nagmartsa laban sa EU Summit

Umabot sa 80,000 katao ang nagmartsa sa Brussels, Belgium nitong Disyembre 13 upang igiit sa European Union (EU) ang mas malaking papel ng mga manggagawa sa pagbalangkas ng mga patakarang panlipunan at ang pagbaba ng disempleyo. Iginiit ng mga demonstrador ang pagkakaroon ng maayos na mga serbisyong pampubliko, ang pagtaguyod sa mas masaklaw na karapatan ng mga manggagawa, ang mas maayos na kundisyon sa pagawaan at ang pagtutol sa globalisasyon.

Ang pagkilos ay ginawa sa bisperas ng dalawang araw na pagtitipon ng mga lider ng EU. Nanguna sa pagkilos ang European Trade Union Confederation na kumakatawan sa 60 milyong manggagawa sa 25 bansa sa Europe.

 


Previous articleBack to top 

Disyembre 2001
Edisyong Pilipino


Editoryal: Isang taon ng pagpapahirap at pagmamalupit sa mamamayan
National Socio-Economic Summit: Higit pang pasismo at pagtatali ng Pilipinas sa neokolonyalismo [Lumulubhang Krisis sa Ekonomiya]
Special Purpose Assets Vehicle: Pagsagad sa neokolonyal na katayuan ng Pilipinas [Lumulubhang Krisis sa Ekonomiya]
Pambansang badyet para sa 2002: Pondo para sa pasismo at pagpapakatuta [Lumulubhang Krisis sa Ekonomiya]
Krisis sa ekonomya: Ilang mahahalagang datos [Lumulubhang Krisis sa Ekonomiya]
Ang salamangka sa datos sa disempleyo [Lumulubhang Krisis sa Ekonomiya]
Resesyon sa US, Japan at Germany: Krisis sa mga sentro ng kapitalismo [Lumulubhang Krisis sa Ekonomiya]
Danding Cojuangco namamayagpag pa rin: Nakapamamayagpag pa rin si Danding sa ilalim ng rehimeng Macapagal-Arroyo
Kasunduang SMC-Kirin: Maniobra para konsolidahin ang kontrol ni Danding sa SMC
Pinakamalaki sa kasaysayan ng papet na republika: Danding, nangangamkam ng lupa sa Isabela
Mga Ulat Koresponsal: Rebolusyong agraryo, umaani ng tagumpay sa Isabela
Mga Ulat Koresponsal: Ka Haren at Ka Baste: Rebolusyonaryong kagitingan sa harap ng kaaway
Mga Ulat Koresponsal: Paglilinaw hinggil sa kalagayan ng mga bihag ng digma sa Dulong Timog Mindanao
Pananalanta ng pasistang estado: Labing-isang buwang kalbaryo ng militarisasyon sa kanayunan
Sa suporta ng imperyalismong US: Pinaiigting ang pananalakay ng Israel sa mamamayang Palestino
Bunsod ng napakalubhang krisis: Pag-aalsa, sumiklab sa Argentina
Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.