Mensahe ni Ka Roger para kay Jenina Buan
Narito ang tugon ni Kasamang Gregorio �Ka Roger� Rosal, tagapagsalita ng Partido, sa ipinaabot na kahilingan ni Jenina, anak ng bihag ng digma na si Philippine Army Major Noel Buan, para sa pagpapalaya ng kanyang ama. Si Buan, hepe ng paniktik ng Southern Luzon Command (SOLCOM) ay inaresto noong Hulyo 7, 1999 ng isang espesyal na yunit ng Melito Glor Command (MGC) sa lunsod ng Lucena.
Unang-una, ikinalulungkot nating lahat na mayroong mga anak na katulad ni Jenina na napawalay sa kanyang ama na nagkataong bihag ng digma ng MGC. Pero kailangang ipaunawa kay Jenina na ito yung bunga ng digmang inilulunsad ng rehimeng US-Estrada laban sa mga rebolusyonaryo at laban sa mamamayang Pilipino. Kung may labanan, kung mayroong gera sibil, mayroong mga bihag. Nagkataong si Maj. Noel Buan ay nabihag ng BHB at ito namang rehimeng Estrada ay matigas ang loob, matigas ang ulo, ayaw makipagnegosasyon sa NDFP. Kaya bagamat nalulungkot tayo sa katulad ng nadadama ng pamilya ni Major Buan ay wala tayong magagawa kundi humanap ng paraan para mabawasan, kundi mapabilis itong proseso ng negosasyon na siya namang ayaw mangyari ng rehimeng Estrada.
Isa pa, gusto kong ipaabot na maswerte pa nga si Jenina sapagkat ang kanyang ama, kahit na bihag ng MGC ay nagtatamasa ng mga karapatan ng isang bihag ng digma. Kahit si Buan ay kilalang intelligence officer ng SOLCOM, mahusay siyang tinatrato ng mga mandirigma ng BHB na nangangalaga sa kanya. Malayung-malayo ito sa ginagawang pagtrato ng reaksyunaryo at mersenaryong Sandatahang Lakas ng Pilipinas sa mga kasamahan naming mga mandirigma ng Hukbo at pinagbibintangang rebolusyonaryo, na kapag hinuhuli ng militar at PNP ay siguradong kung hindi masalbeyds ay matotortyur at dumaranas ng iba�t ibang paglabag sa kanilang mga karapatan.
Nababanggit ko lamang ito para kung nakikinig o kung mababasa ito ni Jenina at ng kanyang ina na si Mrs. Buan, nais kong ipaabot na ang nararamdaman nila ay katulad din ng kalungkutan na nararamdaman ng napakaraming mga batang anak o kamag-anak ng mga rebolusyonaryo at pinagbibintangang rebolusyonaryo at ganoon din ng mga anak ng napakaraming mamamayang Pilipino na ngayon ay nagiging biktima ng malawakang karahasang militar ng AFP at PNP hindi lamang sa Mindanao, hindi lamang sa Timog Katagalugan kundi sa buong bansang Pilipinas.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|