Mga milyunaryo sa gubyerno: Lantarang pandarambong sa kaban ng bayan
Patuloy na ipinagkakait ng gubyerno ang mahigpit na hinihingi ng mga manggagawa na P125 karagdagan sa kanilang arawang sahod.
Patuloy na tinatanggihan din ng gubyerno ang P3,000 umentong mahigpit na hinihingi ng mabababang kawani ng gubyerno. Ang pinakamababang kawani ay tumatanggap lamang ng P4,000-P5,000 kada buwan. Ito ay katumbas ng P133-P167 lamang bawat araw. Isang malaking insulto ang kakarampot na 5% na pagtaas ng kanilang sweldo na isinabatas kamakailan ng rehimeng Macapagal-Arroyo. Wala pang P7 araw-araw ang katumbas nito�ni hindi sapat para sa isang lata ng sardinas.
Sa kabilang banda, iskandalosong nagpapakasasa naman ang matataas na upisyal ng gubyerno sa daan-daang libo hanggang milyun-milyong kinikita nila bawat taon sa anyo pa lamang ng sweldo. Huwag nang banggitin pa rito ang samutsaring iba pang tinatanggap nilang karagdagang benepisyo, tulad ng mga alawans para sa gasolina at representasyon, per diem tuwing bumibyahe at kung anu-ano pa. Huwag na ring banggitin pa ang mga ninanakaw nila sa kabang-bayan sa iba�t iba pang pamamaraan.
Tampok ang kaso ni Winston Garcia, general manager ng GSIS, ahensya para sa seguro ng mga kawani ng gubyerno. Tumatanggap siya ng P6.5 milyon bawat taon. Ang kanyang batayang sweldo ay P4,283,748 at ang kabuuang kumpensasyon at benepisyo ay nagkakahalaga ng P2.3 milyon. Kabilang sa mga benepisyong ito ang bonus na P723,958; RATA (representation allowance) na P382,444; isang milyon bilang provident fund; P21,000 para sa alawans sa pagkain at P15,000 na benepisyong medikal.
Ang nagtala ng pinakamataas na iniuuwing kita (P10.9 milyon/taon) bilang tagapangulo ng Philippine Charity Sweepstakes Office ay si Ma. Livia "Honey Girl" Singson-de Leon. Ang kanyang taunang batayang sweldo ay umaabot sa P440,000 at bahagi rin ng kanyang "kumpensasyon at benepisyo" ang P5 milyon na intelligence fund (pondong paniktik) at P4.7 milyon na discretionary fund. Ang huling dalawang pondo ay hindi inaawdit. Bukod sa mga ito, may balato pa siyang P90,000 tuwing may bola sa sweepstakes. Regalo ang mga ito ng rehimeng Macapagal-Arroyo kay Luis "Chavit" Singson, kapatid ni de Leon. Kapalit ito ng pagsiwalat ni Singson sa mga katiwalian at kaugnayan sa hweteng ng rehimeng Estrada at ang nasimulan nitong proseso tungo sa paghalili ni Macapagal-Arroyo kay Estrada.
Ilan pa sa nagtala ng pinakamatataas na sweldo ay ang pangulo ng Philippine National Oil Company-Energy Development Corp. (P7.3 milyon) at ang mga bise-presidente ng GSIS (P5.8 milyon) at SSS (P4.9 milyon).
Bilang reaksyon sa pagtampok ng usaping mga "milyunaryo" ang mga namumuno sa gubyerno, isinapubliko kamakailan ang listahan ng naturang mga "milyunaryo" sa loob ng burukrasya. Pinalalabas ng rehimeng Macapagal-Arroyo na binabago na ang kalakarang ito. Binalaan ng rehimen ang nasabing mga upisyal na magbawas ng sweldo at kung hindi�y dapat na silang magbitiw. Nasa listahan ang mga pinuno ng pampublikong korporasyon at institusyon na tumatanggap nang mula P691,670 hanggang P10 milyon kada taon.
Pero pagpapakitang-gilas lamang ni Macapagal-Arroyo ang lahat ng mga ito para magpabango sa publiko at ikubli ang pananatili ng naglalakihang sweldo, higit pang mga pribilehiyo at di nawawalang kurakot ng mga upisyal ng pamahalaan, laluna ang mga nasa mas matataas na pusisyon.
Kunwa�y kinukundena ng gubyerno ang napakataas na sweldong tinatanggap ng mga upisyal na ito. Animo�y nagpapaawa pa nga si Macapagal-Arroyo sa pagsasabing mas maliit ang kanyang batayang sweldo kaysa sa tinatabo ng ibang ehekutibo ng gubyerno. Pero ang reaksyunaryong batas mismo ang nagbibigay-laya sa mga upisyal ng mga nabanggit na pampublikong korporasyon na magtakda ng matataas na sweldo at mga benepisyo para sa kanilang sarili. Labing-apat sa 72 pampublikong korporasyon ay hindi saklaw ng Salary Standardization Law, ang batas na nagpapako ng sweldo ng lahat ng empleyado sa bawat antas.
Ang mga ito ay ang sumusunod: Bases Conversion Development Authority, Bangko Sentral ng Pilipinas, GSIS, SSS, Home Guaranty Corp., Land Bank of the Philippines, Philippine Deposit Insurance Corp., Philippine Health Insurance Corp. of the Philippines, Development Bank of the Philippines, Philippine Postal Corp., National Manpower Corp., Subic Bay Metropolitan Authority at Philippine Economic Zone Authority.
Bukod sa mga ehekutibo ng mga pampublikong korporasyon, ang mga senador at kongresman ay tumatabo ng malalaking halaga mula sa kanilang pork barrel, kikbak sa mga kontrata at samutsari pang mga paraan. Ang mga myembro ng gabinete, mga political appointee ni Macapagal-Arroyo at iba pang burukrata na itinalaga sa board of directors ng mga pampublikong korporasyon ay tumatanggap ng malalaking alawans at benepisyo na di hamak na mas malaki sa kani-kanilang mga sweldo.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|