Balita
Pagdalaw ni Bush sa Asia, umani ng mga protesta
TALIWAS sa pakay niyang kumuha ng lubos na suporta sa kanyang "gera laban sa terorismo," umani si Pres. George W. Bush ng matitinding protesta sa mabilisan niyang pagdalaw sa anim na bansa ng Asia.
Thailand. Kagaya ng mga nangyari sa pagbisita niya sa Japan at Pilipinas, sinalubong si Bush ng mga batikos ng mga aktibistang Thai sa pagdalo niya sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit noong Oktubre 19- 21 sa Bangkok, kabisera ng bansa. Humigit-kumulang 1,000 katao ang nagmartsa sa mga kalsada upang ipabatid ang kanilang pagtutol sa pagsakop ng mga pwersang Amerikano sa Afghanistan at Iraq at sa globalisasyon. Samantala, may mga 3,000 demonstrador mula sa mga prubinsya ng Thailand ang pinigil ng pulisya na makapasok sa Bangkok.
Indonesia. Noong bisperas ng pagbisita ni Bush sa bansa noong Oktubre 21, daan-daang kasapi ng KAMMI o Indonesian Muslim Students Action Front ang nagrali sa labas ng US embassy sa Jakarta. Sinunog nila ang mga larawan at effigy ni Bush at mga bandila ng Amerika. Nagkaroon din ng mga kilos protesta sa mga bayan ng Yogyakarta, Bali, Jember, Palembang, Makassar, Sola at Semarang.
Australia. Dalawang beses na nagambala ang pagtatalumpati ni Bush sa parlamento nang kantyawan siya nina Sen. Kerry Nettle at isa pang kasapi ng parlamento. Sumigaw sila ng mga islogan laban sa gera ng US sa Iraq. Samantala, hindi napigilan ng mga pulis ang paglulunsad ng protesta ng humigit-kumulang 2,000 katao sa labas ng parlamento.
Panggegera ng gubyerno sa Mindanao, ipinatitigil ng mga lumad
NANAWAGAN ang mga lumad sa gubyernong Arroyo na tigilan na ang panggegera sa Mindanao. Humigit-kumulang 80,000 na mula sa hanay nila ang naging biktima ng gera nitong taon. Ipinahayag nila ito sa isang porum sa Kidapawan City sa pagtatapos ng paggunita sa Tribal Filipino Month noong huling linggo ng Oktubre.
Mahigit 20 organisasyon ng mamamayan ang lumahok sa okasyon. Binatikos ng mga dumalo ang gubyerno dahil bingi ito sa kanilang mga hinaing.
Ayon kay Minda Acat, isang lider ng mga lumad, sila ang pangunahing napinsala ng "gera laban sa terorismo" sa Mindanao. Nawalan ng tirahan ang malaking bilang ng mga lumad at nasira ang kanilang mga taniman at produkto.
Gabriela, nagmartsa laban sa plano ni Arroyo sa 2004
NAGLUNSAD ng Pambansang Araw ng Protesta ng Kababaihan ang daan-daang myembro ng Gabriela noong Oktubre 28. Nagmartsa mula Mabuhay Rotonda hanggang Mendiola ang kababaihan mula sa hanay ng manggagawa, magsasaka, kabataan at iba pang sektor para ipahayag ang kanilang pagtutol sa pananatili ni Pres. Gloria Arroyo sa poder lampas sa 2004.
Bago ito, idinaos ng Gabriela ang ika-9 na kongreso at ipinagdiwang ang ika-20 anibersaryo ng organisasyon. Pinarangalan din nila ang matatapang na kababaihang lumaban sa diktadurang Marcos.
7 patay sa epidemya ng kolera sa Tondo
PITONG residente na ng Tondo, Maynila ang namatay at 576 ang naospital dahil sa epidemya ng kolera na nananalanta sa 11 barangay sa lugar mula pa noong Oktubre 23.
Naghuhugas ngayon ng kamay ang Maynilad Water Services Inc. at ang gubyerno ng Maynila sa responsibilidad nila sa bulok na serbisyo sa tubig na naging sanhi ng epidemya. Sa kabila ng mataas na singil sa tubig, naglipana ang mga tubong luma at may mga tagas, na madaling pasukin ng mikrobyo. Marumi rin ang kapaligiran dahil sa gabundok na basurang hindi hinahakot ng lokal na gubyerno.
Upisyal ng VFA Commission, sinibak
SINIBAK ni Pres. Arroyo sa pwesto si Usec. Amado Valdez, executive director ng Presidential Commission on the Visiting Forces Agreement kamakailan dahil patuloy niyang iginigiit na patawan ng aksyong pandisiplina ang tatlong sundalong Amerikanong nasangkot sa isang aksidente sa trapiko sa Zamboanga City noong Setyembre dahil sa kalasingan.
Ito ang ipinahayag ni Valdez sa mga mamamahayag noong Oktubre 28. Isa pang dahilan ay ang paninindigan ni Valdez sa mga karapatan ng bansa sa implementasyon ng Visiting Forces Agreement.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|