Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  
Hinggil sa Pag-Aasawa

Mga Tuntunin sa Pag-aasawa sa Loob ng Partido



<Prev   1  2   Next>



April 1983


Sa Partido Komunista ng Pilipinas, nananaig sa pag-aasawa at lahat ng bagay kaugnay nito ang rebolusyonaryong interes ng mamamayan. Ipinapalagay na may pag-ibig (sex love), at ito ay may batayang personal. Ngunit bilang mga kasapi o kandidatong kasapi ng Partido, nagkukusa tayong ipailalim ito sa pagmamahal sa kauri (class love) na ang ibig sabihi'y pananalig sa rebolusyonaryong mithiin ng Partido at ng proletaryado.

A. Ligawan

  1. Ang panliligaw ay isang karapatan ng mga kasapi o kandidatong kasapi na walang asawa o kasintahan. Gayunman, kusang ipinapailalim natin ang karapatang ito sa pamamatnubay at disiplina ng Partido.
  2. Para makapanligaw, kailangang kumuha muna ang kasapi o kandidatong kasapi ng tahasang pahintulot ng yunit ng Partido na namamahala sa kanyang gawain. Kung ang liligawan ay kabilang sa ibang yunit ng Partido, ang yunit ng manliligaw ang magpapaabot sa kabilang yunit o hihingi ng pahintulot nito sa panliligaw basta't payag ang liligawan. Kung tumanggi ang nais ligawan, mabuting linawin niya ang batayan ng pagtanggi.
  3. Kung ang isang kasapi o kandidatong kasapi ay nais manligaw sa isang di kasapi, minamabuting may sapat na batayang ang liligawan ay maaaring maging kandidatong kasapi man lang sa loob ng anim na buwan matapos ibigay ang pahintulot.
  4. Kung ang isang kasapi o kandidatong kasapi ay nililigawan sa loob o labas ng Partido, ipaaalam niya ang bagay na ito sa kanyang yunit na siyang magbibigay ng pahintulot. Kung ang nais manligaw o nanliligaw ay di kasapi ng Partido, minamabuting may sapat na batayang ang nais manligaw o nanliligaw ay maaaring maging kandidatong kasapi man lamang sa loob ng anim na buwan matapos ibigay ang pahintulot.
  5. Ang kasapi o kandidatong kasapi ay hindi pahihintulutang lumigaw sa o ligawan ng sinumang may balak na ilayo siya sa rebolusyonaryong gawain o ng sinumang itinuturing na traydor o sagadsaring kontra-rebolusyonaryo.
  6. Ang kasapi o kandidatong kasapi ng nakatalaga sa mga panlarangang yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) at iba pang buong-panahong gawain ay hindi pahihintulutang lumigaw o ligawan hanggang matapos ang isang taon sa serbisyo.
  7. Walang pahihintulutang manligaw o magpaligaw sa higit sa isa sa isang panahon. Kung may dalawang magkasabay na nagpaalam sa panliligaw, ang liligawan ang magpapasya sa kung sino ang mauna. Kung may nais manligaw sa isang nililigawan na, pwedeng ipaabot sa nais ligawan, at sa nanliligaw na, ang gayong intensyon sa pamamagitan ng kinauukulang mga organo; pero di pa siya pwedeng manligaw hangga't di pa nagpapasya ang nais ligawan.
  8. Ang panahon ng pagkakasintahan ay hindi dapat umigsi sa isang taon bago pahintulutan ang pagpapakasal. Gayunman, maaaring bigyan ng konsiderasyon ang mga magkasintahang matagal nang magkakilala o may edad na.
  9. Walang pahihintulutang manligaw o magpaligaw sa sinumang hindi pa itinuturing ng Partido na lusaw na ang kasal sa iba.
  10. Hindi dapat magtalik ang magkasintahan. Responsibilidad ng kinauukulang yunit na alisin ang mga kondisyong nakaeengganyo rito.

B. Kasal

  1. Ang kasal ay seryosong bagay na dapat mahusay na mapaghandaan ng mga nais magpakasal at ng kinauukulang yunit o mga yunit ng Partido.
  2. Tulad ng mga rekisito sa ligawan ang mga rekisito para ibigay ng kinauukulang mga yunit ng Partido ang pahintulot sa pagpapakasal.
  3. Ang kahilingan sa pagpapakasal ay tatalakayin ng yunit o mga yunit ng Partido na kinabibilangan ng magkasintahan at kung sasang-ayunan ay gagawan ng rekomendasyon sa kagyat na nakatataas na organo ng Partido. Ang seksyon ang pinakamababang organo ng Partido na pwedeng magbigay ng pahintulot sa pagpapakasal.
  4. Matapos ibigay ng kinauukulang namumunong organo ang pahintulot, pipili ang mga magpapakasal ng isang kadreng magkakasal mula sa yunit nila o sa yunit na nakatataas. Ang kadreng magkakasal ang mangangasiwa sa seremonya sa kasal, panunumpa sa kasal at pirmahan ng kontrata sa kasal.
  5. Kailangan ang tatlo o higit pang saksi o isponsor na pipiliin o iimbitahin ng pares na magpapakasal upang dumalo sa seremonya ng kasal. Sa mga saksi o isponsor, di dapat bumaba sa dalawa ang ganap na kasapi ng Partido.
  6. Bago ang kasal, mag-uusap ang mga magpapakasal, isponsor at kadreng magpapakasal at doon ay isasalaysay ng mga magpapakasal ang kasaysayan at katuturang pampulitika ng kanilang relasyon, susuriin nila ang isa't isa at pupunahin ang sarili at ang isa't isa. Maaaring tanungin sila ng mga kaharap nila tungkol sa kanilang relasyon o mga bagay na may kaugnayan doon, at papayuhan sila tungkol sa pagpapaunlad ng kanilang relasyon.
  7. Sa seremonya sa kasal, isasaad at ipaliliwanag ng nagkakasal ang mga karapatan at obligasyon ng mag-asawa tulad ng sumusunod.

    1. Ang katapatan sa isa't isa'y kaalinsunod ng katapatan sa rebolusyonaryong simulain.

    2. Ang rebolusyonaryong pagpapalaki at pagpapaaral sa mga anak; at

    3. Ang paglapit ng mag-asawa o sinuman sa kanila sa mga isponsor sa kasal, mga organo ng Partido o nagkasal tungkol sa anumang problema ng mag-asawa o pamilya.
  8. Habang ang ikinakasal ay pinag-iisa ng pulang bandila ng Partido bilang kapang nag-uugnay sa kanila, bibigkasin nila sa pamumuno ng nagkakasal ang sumusunod na sumpa na nasa Kontrata sa Kasal sa Loob ng Partido:

    "Kami (banggitin ng isa't isa ang pangalan sa pakikibaka) ay kusang loob na nagkakaisang dibdib bilang mag-asawa sa araw na ito.

    "Bilang mga kasapi (o kandidatong kasapi) ng Partido, buong puso kaming nakatalaga sa pagtupad sa aming tungkulin sa rebolusyon at puspusang magsisikap upang ito'y isulong.

    "Nanunumpa kaming tupdin ang mga tungkulin sa isa't isa at igalang ang karapatan ng isa't isa alinsunod sa mga tuntunin ng Partido tungkol sa kasal.

    "Walang sinuman sa amin ang maaaring humiwalay sa aming relasyong mag-asawa nang walang makatarungang dahilan at nang walang pahintulot ng Partido.

    "May karapatan kaming sumangguni sa Partido at humingi ng payo rito kailanma't may suliranin kami. May karapatan din ang bawat isa sa amin na magharap ng anumang kahilingan sa ikatutupad ng aming kasunduan bilang mag-asawa.

    "Kami ay nanunumpa na walang sinuman sa amin ang magiging hadlang sa pangkalahatang kapakanan ng rebolusyon at ng mamamayan.

  9. Magkakabisa ang kasal matapos pirmahan ng ikinakasal, mga isponsor o saksi at ng nagkakasal ang kontrata sa kasal.
  10. Minamabuti na ang mga kasapi ng Partido na unang ikinasal sa labas ng Partido ay muling magpapkasal sa loob ng Partido alinsunod sa seremonyang nakasaad sa Blg. 5 hanggang Blg. 8 sa itaas.

K. Diborsyo

  1. Dahil una'y hinihingi ang pinagisipan at seryosong paghahanda sa kasal, sinisikap ng Partido na pigilan ang pagbaling sa diborsyo sa paglutas sa mga suliranin ng mag-asawa.
  2. Ipagkakaloob ang diborsyo sa isa sa mag-asawa kapag napatunayang tuluy-tuloy na humahadlang sa kanyang rebolusyonaryong gawain o naging traydor o sagadsaring kontra-rebolusyonaryo ang isa pa.
  3. Ipagkakaloob ang diborsyo kapag hinihingi ito ng isa sa mag-asawa at may katibayan na ang pagtataksil sa asawa, pagdadalawang asawa (bigamya), kalupitan o pagtatangka sa buhay ng nagkasal.
  4. Ipagkakaloob ang diborsyo kung pagkakasunduan ng mag-asawa sa mga kasong ang isa sa kanila'y hindi na makatupad sa tungkulin bilang asawa nang higit sa limang taon, dahil sa paghadlang ng kaaway o permanenteng kapansanang pisikal. Kung ang kapansanan ay sa utak at hindi gumagaling, pwedeng ipagkaloob ang diborsyo pagkaraan ng tatlong taon.
  5. Ipagkakaloob ang diborsyo kapag ang isa sa mag-asawa ay kusang lumisan nang dalawang taon sa kanyang pananagutan sa kasal o kaya'y nawala at walang ugnay nang limang taon.
  6. Ipagkakaloob ang diborsyo kapag iginigiit ito ng mag-asawa o ng sinuman sa kanila dahil sa mga personal na di pagkakasundo na nagbunga ng pagkasira ng relasyon, at ang relasyon ay nagiging malaking pabigat na sa mag-asawa at sa mga gawain nila sa Partido. Gayunman, kailangan ang pinakamasusing pagsusuri sa mga kasong ganito, ang pagtiyak na seryoso talaga ang paghingi ng diborsyo at ang mga batayan nito, at ang pagtatakda ng isa hanggang dalawang taon mula ihapag ang aplikasyon sa diborsyo para subuking iligtas ang relasyon. Sa mga kaso na sang-ayon pareho ang mag-asawa, ipagkakaloob ang diborsyo pagkatapos ng anim na buwan hanggang isang taon ng pagsubok at napatunayang hindi na maililigtas ang relasyon.
  7. Kapag may diborsyo, titiyakin ng Partido na mahusay na napangangalagaan ang mga anak.
  8. Kapag ang isa sa mag-asawang pinagkalooban ng diborsyo ay hindi kasapi ni kandidatong kasapi ng Partido, sikaping ilinaw sa kanya ang batayan o mga batayan ng diborsyo. Sa pagsusuri at pagdinig ng aplikasyon sa diborsyo, sikaping kunin ang panig ng asawang nasa labas ng Partido, kung ito'y pinahihintulutan ng kalagayan sa seguridad.
  9. Ang aplikasyon sa diborsyo ay pakikinggan at pagpapasyahan ng komite ng tatlo na lilikhain ng namumunong organo na may sakop sa mag-asawa, subalit ang komite ng tatlo ay hindi maaaring bumaba sa antas ng komite ng Partido sa distrito. Sa mga kasong nasasaklaw ng ikaanim na punto ng seksyong ito, ang komite ng tatlo ay hindi maaaring bumaba sa antas ng komite ng Partido sa probinsya o larangan. Kung may parusang kailangang igawad kaugnay ng kaso sa diborsyo, ang komite ng tatlo ay gagawa ng rekomendasyon tungkol dito sa kinauukulang organo ng Partido.

D. Aksyong Pandisiplina

  1. Ang pagkakaila sa katayuang may-asawa at ang paggamit ng dahas at pananakot sa panliligaw ay magagawaran ng aksyong pandisiplina na mula sa minimum na mahigit isang taong suspensyon sa pagiging kasapi hanggang sa maksimum na pagtitiwalag sa Partido.
  2. Ang pangangako sa posisyon, paggamit sa posisyon at pagpapanggap na mataas ang posisyon, para mapasagot ang nililigawan, ay magagawaran ng aksyong pandisiplina na mula sa minimum na demosyon sa katungkulan hanggang sa maksimum na isang taong suspensyon sa pagiging kasapi.
  3. Ang malulubhang kaso ng pakikipagtalik nang hindi kasal tulad ng pakikipagtalik sa hindi man lang kasintahan at sa iba't ibang nagiging kasintahan, na malinaw na nagpapakita ng bulok na pananaw sa relasyong sekwal, ay magagawaran ng aksyong pandisiplina na mula sa minimum na isang taong suspensyon sa pagiging kasapi hanggang sa maksimum na pagtitiwalag sa Partido. Kahit ang magkasintahan'y seryoso sa kanilang relasyon, sila ay maaaring magawaran ng aksyong pandisiplina kapag paulit-ulit na nagtatalik sa kabila ng pagpuna at pagpapaalala ng Partido, bagama't ang aksyong pandisiplina ay hindi dapat makaapekto sa katayuan nila bilang kasapi ng Partido at maaari lang umabot sa demosyon sa katungkulan sa mga kaso na may malinaw na may malalang iresponsibilidad sa paghawak sa relasyong sekswal at sa mga desisyo't patakaran ng Partido.
  4. Ang panliligaw sa may asawa o kasintahan na ay magagawaran ng aksyong pandisiplina na mula sa minimum na pangangaral hanggang sa maksimum na isang taong suspensyon sa pagiging kasapi at panibagong pagtatalaga ng gawain sa loob ng isang taon.
  5. Ang panliligaw na walang pahintulot, kapag nasa katayuan ang nanliligaw at nililigawan ay hindi gagawaran ng aksyong pandisiplina bagama't pupunahin. Ang mga kaso ng panliligaw nang walang pahintulo't na hindi saklaw ng mas naunang mga probisyon, kapag wala pa sa katayuan ang nanliligaw o nililigawan at nagbubunga ng malalaking problema sa seguridad at sa pulitika, ay magagawaran ng aksyong pandisiplina na mula sa minimum na pangangaral hanggang sa maksimum na demosyon sa katungkulan at panibagong pagtatalaga ng gawain sa loob ng isang taon.
  6. Ang malulubhang paglabag sa kasal tulad ng sukdulang pagtataksil sa asawa, pagdadalawang-asawa, kalupitan o pagtatangka sa buhay ng asawa ay magagawaran ng aksyong pandisiplina na mula sa minimum na isang taong suspensyon sa pagiging kasapi hanggang sa maksimum na pagtitiwalag sa Partido, bukod sa iba pang aksyong pandisiplina na mapagpapasyahan. Bukod pa'y maaaring maging batayan ng diborsyo ang napatunayang pagkakasala sa ganoong mga kaso.
  7. Dapat na masusing masuri ang bawat kaso bago igawad ang aksyong pandisiplina, kung nararapat ito. Tukuyin ang mga nagsusuri at nagpapasya ang mga sirkunstansyang nagpapabigat sa kaso at mga sirkunstansyang nagpapagaan din, at isaalang-alang ang mga sirkunstansyang ito sa magiging bigat o gaan ng aksyong pandisiplina.

Pinagtibay ng:
Komite Sentral
Partido Komunista ng Pilipinas

Petsa ng Paglathala
Abril 1983


Back to top
<Prev   1  2   Next>
Back to CPP Documents


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.