Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  
Mga Rekisito ng Rebolusyonaryong Nagkakaisang Prente



Read in English
Mga Pangungusap ni Armando Liwanag
Tagapangulo, Komite Sentral
Partido Komunista ng Pilipinas

Sa okasyon ng ika-25 anibersaryo ng Pambansa-Demokratikong Prente ng Pilipinas (PDPP), mahalaga at karapat-dapat na balik-aralan ang mga rekisito ng rebolusyonaryong nagkakaisang prente.

Isinasaalang-alang ng mga rekisitong ito ang malakolonyal at malapyudal na kalagayan ng Pilipinas at ang pangangailangan para sa isang pambansa-demokratikong rebolusyon na bagong tipo sa pamamagitan ng digmang bayan sa pandaigdigang kapanahunan ng imperyalismo at proletaryong rebolusyon.

Ang linya sa uri ng rebolusyonaryong nagkakaisang prente sa bagong demokratikong rebolusyon ay itaguyod ang makauring pamumuno ng proletaryado, sumalig sa uring magsasaka bilang pangunahing alyado ng proletaryado, kabigin ang petiburgesyang lunsod bilang isang progresibong pwersa, kabigin din ang panggitnang burgesya bilang isang positibong pwersa at samantalahin ang mga isplit sa hanay ng mga reaksyunaryo na malalaking kumprador burges at panginoong maylupa para ihiwalay at durugin ang kapangyarihan ng kaaway.

Sa bawat takdang panahon sa gera sibil, ang kaaaway ay ang pinakasagadsarin sa mga reaksyunaryo at ang pinakasunud-sunuran sa mga imperyalista. Sa isang pambansang digmang pagpapalaya laban sa dayuhang agresyon, ang dayuhang mananakop ang siyang kaaway. Sa ngayon, ang naghaharing reaksyunaryong pangkatin ang kaaway na sinusuhayan ng mga imperyalista.

Ang rebolusyonaryong nagkakaisang prente ay may layuning pukawin at pakilusin ang milyun-milyong masa ng mamamayan at ang pinakamalawak na saklaw ng mga organisadong pwersa laban sa pinakamakitid na target, ang kaaway sa bawat takdang panahon. Sa pagtaguyod at paggamit ng patakaran at mga taktika ng nagkakaisang prente, napag-iibayo ng rebolusyonaryong partido ng proletaryado ang lakas ng rebolusyonaryong kilusan habang paisa-isa nitong nilalabanan ang kaaway.

Kapwa opensibo at depensibong sandata ang rebolusyonaryong nagkakaisang prente at nag-aanyong kapwa iligal at ligal. Kaugnay ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka, nilalayon nitong ihiwalay ang kaaway para maging mas epektibo ang mga bira ng hukbong bayan, na siyang pangunahing sandata para ibagsak ang kaaway at agawin ang kapangyarihang pampulitika. Kaugnay nito, masasabing ang PDPP ay isang nagkakaisang prente para sa armadong pakikibaka, para sa pag-agaw ng kapangyarihang pampulitika.

Unang Rekisito

Ang makauring pamumuno ng proletaryado ay itinataguyod sa rebolusyonaryong nagkakaisang prente. Ang proletaryado ang pinakaproduktibo at pinakaprogresibong pwersang sa pulitika ngayon at sa hinaharap. Sa panahon ng imperyalismo at proletaryong rebolusyon, wala nang ibang uring makakapamuno sa rebolusyonaryong nagkakaisang prente.

Ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang abanteng destakamento ng proletaryado. Ito ang materyalisasyon ng makauring pamumuno ng proletaryado. Hindi magkakaroon ng rebolusyonaryong nagkakaisang prente sa Pilipinas kung wala ang pamumuno ng proletaryado at ng PKP.

Lipas na ang panahon para mamuno ang anumang saray ng burgesya sa rebolusyong Pilipino. Pinararangalan natin ang mga rebolusyonaryong burges-liberal ng 1896 sa paglulunsad ng demokratikong rebolusyon na lumang tipo. Ngunit ang pagpapanumbalik ng linya sa uri ng rebolusyong ito sa ilalim ng kasalukuyang kalagayan ay paurong at reaksyunaryo. Maling-mali ang mga Kanang oportunista nang kanilang tangkain sa maagang bahagi ng dekada 1980 na gawing isa diumanong Bagong Katipunan angPDPP. Layon nilang ulitin ang lumang demokratikong rebolusyon, at itakwil at likidahin ang makauring pamumuno ng proletaryado sa pagdadahilang makakaakit ito ng mas maraming tao.

Hanggang 1991, nang sila�y kumprontahin at itakwil ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto, tinangka nilang gawing isang pederasyon ang PDPPkung saan nakapailalim ang PKP sa pangingibabaw sa bilang ng mga petiburgesyang lunsod. Iginiit nila na ang botohan, at hindi ang konsensus, ang dapat sundin sa hanay ng mga magkakaalyadong organisasyon.

Labis nilang hinangaan ang diumano�y talibang nagkakaisang prente at ipinagmalaki bilang kanilang mga modelo ang mga prente sa pagpapalaya sa Gitnang Amerika at Aprika. Ikinalat nila ang kasinungalingang hindi karapat-dapat ang PKP sa namumunong papel nito sa rebolusyong Pilipino at kahuliha�y inilantad ang kanilang nag-uulol na antikomunistang katangian.

Ang PKP ay hindi isa lamang sa maraming organisasyon sa loob ng nagkakaisang prente. Ito ang partido ng proletaryado na may istorikong misyon na pamunuan ang demokratikong rebolusyon at ang susunod na sosyalistang rebolusyon. Sa prinsipyo at sa praktika, ang PKP ang pinakamataas na anyo ng organisasyon ng uring manggagawa sa Pilipinas. Ito ang Partido na tuwirang namumuno sa Bagong Hukbong Bayan at siyang naghaharing partido saanman naitayo na ang Pulang kapangyarihang pampulitika.

Gumagamit ito ng pakikipagkonsultasyon para umabot sa konsensus sa hanay ng mga kaalyado nito. Isang mahalaga at kinakailangang instrumento ang nagkakaisang prente para pagtugma-tugmain ang mga lehitimong interes ng mga alyado sa antas ng patakaran. Hindi ito instrumento para obligahin ang PKP na bitiwan ang prinsipyo ng pamumuno ng uring proletaryado sa rebolusyon, bitiwan ang kanyang istorikong misyon, at ang kanyang kasarinlan at inisyatiba.

Naunang lumitaw ang muling tatag na PKP bago ang anumang pormal na organisasyon ng nagkakaisang prente gaya ng PDPP. Sa katunayan, sa pagganap sa rebolusyonaryong pamumuno, ibinunsod nito ang pagbubuo ng Komite sa Paghahanda ng PDP noong 1971 at kasunod nito, ang paglalatag ng sampung-puntong programa ng PDPP noong Abril 24, 1973, na siya ngayong itinuturing na araw ng pagtatatag ng NDFP.

Tapat sa katangian nito bilang rebolusyonaryong partido ng proletaryado, pinamunuan ng PKP ang masang manggagawa sa makauring pakikibaka laban sa mga nang-aapi at nagsasamantala sa kanila, at nakapagrekluta mula sa kanilang hanay ng mga proletaryong rebolusyonaryo para sa komprehensibong pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya. Namumuno ang mga kadre ng PKP sa makabuluhang bilang ng mga unyon ng mga manggagawa. Kasabay nito ay iniuugnay nila ang pinamumunuang mga unyon sa iba pang unyon na may iba�t ibang antas ng komitment sa rebolusyonaryong adhikain ng uring manggagawa. Nagsasagawa ng rebolusyonaryong gawain maging sa loob ng reaksyunaryong mga unyon ng mga manggagawa.

Ikalawang Rekisito

Ang pundasyon ng rebolusyonaryong nagkakaisang prente ay ang saligang alyansa ng uring manggagawa at magsasaka. Sa ganitong batayang alyansa, ang lakas ng proletaryado ay pinag-iibayo ng lakas ng mga magsasakang bumubuo ng mayorya ng mamamayan. Hindi magkakaroon ng rebolusyonaryong nagkakaisang prente kung wala ang saligang alyansa ng manggagawa at magsasaka.

Sa pamamagitan ng pamumuno at pagsalig pangunahin sa uring magsasaka, maisusulong ng proletaryado at ng rebolusyonaryong partido nito ang pangkalahatang linya ng bagong demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan. Ang pangunahing nilalaman ng rebolusyong ito ay ang pagtugon sa kahilingan ng mga magsasaka para sa lupa.

Ipinatutupad ng PKP ang antipyudal na linya sa uri sa kanayunan. Pangunahing sumasalig ang proletaryado sa mga maralitang magsasaka at manggagawang bukid, kinakabig ang mga panggitnang magsasaka, ninunyutralisa at kinakabig din ang mayayamang magsasaka, at sinasamantala ang mga kontradiksyon sa pagitan ng mga naliliwanagan at despotikong panginoong maylupa para ihiwalay at wasakin ang kapangyarihan ng mga despotikong panginoong maylupa.

Para maitayo ang alyansa ng manggagawa-magsasaka, itinatag ng PKP ang Bagong Hukbong Bayan at ang rebolusyonaryong kilusang magsasaka. Sa gayon, naitayo ang mga organo ng demokratikong kapangyarihang pampulitika. Kapag pinag-uusapan natin ang Pulang kapangyarihang pampulitika, ang tinutukoy natin ay ang gubyerno ng mamamayan na nakabatay sa alyansa ng manggagawa at magsasaka sa ilalim ng pamumuno ng proletaryado at ng partido nito.

Makakairal ang rebolusyonaryong nagkakaisang prente dahil unang-una�y may saligang alyansa ng manggagawa at magsasaka, naipatutupad ang antipyudal na linya sa uri sa kilusang magsasaka, naitatayo ang hukbong bayan bilang pangunahing sangkap ng Pulang kapangyarihang pampulitika at naitatayo ang mga organo ng kapangyarihang pampulitika.

Ang pagtatayo ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika mula sa isang antas tungo sa mas mataas na antas ay nakabatay sa pag-unlad ng alyansang manggagawa at magsasaka, ng hukbong bayan at ng digmang bayan. Dahil sa ganitong pangyayari, ang mga alyado mula sa iba pang uri at saray ng lipunan ay makakabig sa pamamagitan ng pagkilala nila sa papaibayong lakas ng armadong rebolusyon at unti-unting pagkagapi ng kaaway.

Matagal na bago pa itatag ang PDPP noong 1973, nagbigay na ang PKP ng prayoridad sa pagbubuo ng alyansang manggagawa at magsasaka. Sa gayon, nailatag ng PKP ang matibay na batayan para buuin ang PDPP at makapagbigay ng balangkas para akitin at pag-isahin ang malawak na saklaw ng mga demokratikong pwersang ipinaiilalim sa papatinding panunupil sa panahon at pagkatapos ng pasistang diktadurang Marcos.

Bilang isang organisasyon ng nagkakaisang prente, tumutulong ang PDPP sa paghawan ng landas para sa paglitaw ng gubyernong bayan sa antas na mas mataas kaysa baryo. Ngunit hindi gubyernong bayan ang PDPP, salungat sa pagtingin ng mga Kanang oportunista. Hindi rin nito pinapalitan ang pampulitikang pamumuno ng PKP sa gubyernong bayan.

Ikatlong Rekisito

Kapag nakatitiyak na sa alyansang manggagawa at magsasaka, sumasaklaw ang rebolusyonaryong nagkakaisang prente sa pagpapaunlad ng alyansa ng mga saligang pwersang rebolusyonaryo o ng mga progresibong pwersa. Ang mga pwersang ito ay ang uring manggagawa, magsasaka at ang petiburgesyang lunsod.

Ang petiburgesyang lunsod ay isang mahalagang saray sa lipunan. Hindi makapaghahari ang mga nagsasamantalang uri kung wala ang kanilang suporta. Kung maramihang pumanig ang petiburgesyang lunsod sa rebolusyonaryong adhikain, ang naghaharing sistema ay mabilis na nalalantad at nanghihina. Higit na lumalakas ang rebolusyonaryong kilusan kapwa sa positibong mga ambag ng petiburgesyang lunsodat sa pagbaka at paghiwalay sa kaaway.

Kapag napapanig sa rebolusyonaryong adhikain, ang petiburgesyang lunsod ay mahusay sa pagpapalaganap ng rebolusyonaryong mensahe, pagsasagawa ng aktibismong masa at pagbibigay ng malawak na saklaw ng mga kasanayan at galing. Ang abanteng seksyon ng petiburgesyang lunsod ay naging isang mayamang balon ng edukadong mga aktibista para sa pambansa-demokratikong kilusan. Ang pinakaabanteng mga aktibista sa hanay nila ay sumulong pa at nagpanibagong hubog para maging mga komunista at naging mga kadre sa armadong rebolusyonaryong kilusan at sa ligal na demokratikong kilusan.

Napakahalaga ng petiburgesyang lunsod kung kaya�t hindi magwawagi ang bagong demokratikong rebolusyon kung hindi nito matatamo ang suporta ng mga pinakaabante sa saray na ito. Ito ang dahilan kung bakit sinasakyan ng kaaway ang mga makasariling tendensya nito at ginagawa ang lahat para pigilin o ibaling ang rebolusyonaryong tendensya nito upang hindi pumanig sa masang anakpawis ng mamamayan. Nagrerekluta ang kaaway sa hanay ng mga petiburgesyang lunsod ng ilang elementong nagpapanggap na progresibo o rebolusyonaryo pa nga at umaaktong mga espesyal na ahente para atakihin ang PKP at guluhin o idiskaril ang rebolusyonaryong nagkakaisang prente.

Ang PDPP ang tanging lihim at konsolidadong alyansa ng mga saligang pwersang rebolusyonaryo na nagtataguyod ng bagong demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng digmang bayan. Ito ay isang nagkakaisang prente para sa armadong pakikibaka. Ang ikinaiiba ng PDPP sa iba pang pormasyong rebolusyonaryo ay ang pagpokus nito sa alyansa ng mga saligang rebolusyonaryong pwersa.

Sa loob ng PDPP, sa katunayan ay mas nakararami ang mga sektoral na organisasyon na may katangian o tendensyang petiburgesyang lunsod, kahit na pinamumunuan ang gayong mga organisasyon ng mga kadre ng PKP. Ang ganitong malaking bilang nila ay isang konsesyon sa petiburgesyang lunsod bilang isang batayang pwersang rebolusyonaryo para lalo silang akitin sa armadong rebolusyon.

Ngunit ang tuntunin ng konsensus ang siyang dapat ipatupad sa hanay ng magkakaalyadong organisasyon sa loob ng PDPP. Kung hindi, ang PDPP ay magiging isang balangkas para daigin sa bilang at botohan ang mas kaunti ngunit di hamak na mas malalaking organisasyon ng mga manggagawa at magsasaka at likidahin ang makauring pamumuno ng proletaryado at ng partido nito.

Sa katunayan, sinikap ng mga Kanang oportunista mula noong maagang bahagi ng dekada 1980 hanggang maagang bahagi ng dekada 1990 na uk-ukin at wasakin ang rebolusyonaryong katangian ng PDPP at gamitin ang pangalan ng PDPP laban sa PKP. Kung gayon, bilang tugon sa mga Kanang oportunista, kinailangang linawin ng PDPP ang makauring pamumuno ng proletaryado at ng partido nito at ang sosyalistang perspektiba ng rebolusyong Pilipino mula noong 1992 sa takbo ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto.

Kaugnay nito, hindi dapat pumaling sa �Kaliwang� oportunismo at sa sektaryanismo dahil inilinaw na rin ng PDPP na nakikipagkaisa, nakikipagtulungan at nakikipagkoordina ito sa iba pang pwersa sa pagsusulong ng rebolusyonaryong nagkakaisang prente sa pambansa-demokratikong rebolusyon. Kinikilala ng PDPP na sa sarili nito, hindi ito ang siyang ganap na kumakatawan sa rebolusyonaryong nagkakaisang prente. Laging handa ito sa mga pormal at di pormal na pagpapalawak sa nagkakaisang prente.

Mula 1971 nang ibunsod ng PKP ang pormasyon ng Komite sa Paghahanda ng PDPP, sinikap ng mga kadre ng PKP na itinalaga sa gawaing nagkakaisang prente na akitin sa organisasyon ng PDPP hindi lamang ang petiburgesyang lunsod kundi maging ang panggitnang burgesya at kahit pa ang mga reaksyunaryong anti-Marcos.

Ngunit tumanggi ang panggitnang burgesya at ang mga reaksyunaryong anti-Marcos. Sa gayon, PDPP nanatiling isang nagkakaisang prente ng mga batayang pwersang rebolusyonaryo ang PDPP, sa kabila ng anumang pagsulong ng di pormal na pakikipagkaisang prente sa panggitnang burgesya at mga reaksyonaryong anti-Marcos, laluna sa panahong mula 1983 hanggang 1986 nang ang pasistang diktadurang Marcos ay nasa proseso na ng pagbagsak.

Kahit anong pagpapalabnaw sa programa ng PDPP sa mapanlinlang na bandila ng Bagong Katipunan noong dekada 1980 o sa bogus na kongreso ng PDPP noong 1990, hindi pa rin naakit ang panggitnang burgesya at reaksyunaryong anti-Marcos na pumasok sa PDPP. Sa halip, tinangka ng ayaw magwastong mga Kanang oportunista at taksil na likidahin ang PKP, ang PDPP at ang buong rebolusyonaryong kilusan.

Salamat sa Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto, nahawakan ng PKP ang inisyatiba sa paglilinaw ng patakaran nito sa nagkakaisang prente at sa muling pagpapalakas ng PDPP bilang alyansa ng mga batayang pwersang rebolusyonaryo. Laging nakahanda ang PDPP na makipag-ugnayan nang pormal o di pormal sa iba pang uri, saray ng lipunan at pwersang handang sumama sa isang mas malawak na rebolusyonaryong nagkakaisang prente.

Aktibo ang mga kadre ng PKP at ng PDPP sa pakikipag-ugnayan sa sektoral at multisektoral na mga alyansang ligal, sa mga alyansang nakabatay sa isyu, sa mga organisasyong Moro para sa pambansang pagpapasya-sa-sarili at sa pansamantala at hindi istableng mga alyado sa hanay ng mga reaksyunaryong laban sa rehimeng US-Ramos.

Ikaapat na Rekisito

Hangga�t nakatitiyak sa alyansa ng mga batayang pwersang rebolusyonaryo, ang rebolusyonaryong nagkakaisang prente ay mapapalawak sa anyo ng alyansa ng mga positibo o makabayang pwersa. Dito�y idinadagdag ang panggitnang burgesya sa masang anakpawis at sa petiburgesyang lunsod.

Ang bag-as ng panggitnang burgesya, na kung minsa�y tinatawag na pambansang burgesya, ay binubuo ng mga negosyanteng nagpapatakbo ng mga produktibong empresa na gumagamit ng lokal na hilaw na materyales at nagsisilbi sa panloob na pamilihan ng bansa. Dati nang mahina ang panggitnang burgesya dahil wala silang pag-aaring mabigat at saligang mga industriya at sa kasaysayan ay lalo pang pinahina ng magkasunod na import-substitution at export-oriented na pagmamanupaktura pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, sa ilalim ng pangingibabaw ng mga dayuhang monopolyong empresa.

Ang patakaran ng PKP at ng PDPP sa panggitnang burgesya ay kilalanin ang kanilang dalawahang katangian, kapwa ang mga aspetong progresibo at reaksyunaryo, akitin sila sa nagkakaisang prente dahil sa kanilang progresibong aspeto at maging mapagmatyag sa kanila dahil sa kanilang reaksyunaryong aspeto.

Hanggang sa ngayon, ang panggitnang burgesya ay hindi mahusay na organisado bilang mga burges nasyunalista at bilang mga anti-imperyalistang prodyuser at tumatangging sumama sa PDPP o maging sa ligal na demokratikong alyansa. Ngunit hindi nangangahulugang hindi sila makakabilang sa nagkakaisang prente kung hindi sila pormal na nakapaloob dito.

Sa praktika, ang panggitnang burgesya ay sumasama sa nagkakaisang prente sa di pormal na paraan. Kapag ang negosyo o empresa ng panggitnang burgesya ay nasa teritoryo ng armadong rebolusyonaryong kilusan, mahihimok silang tumugon nang makatwiran at rasonable sa hinihingi ng mga manggagawa para sa mas magandang kondisyon ng pasahod at pamumuhay, magbayad ng kanilang obligasyong buwis sa gubyernong bayan at ipagamit sa mga rebolusyonaryong pwersa ang kanilang mga pasilidad.

Kapag umiiral ang isang rebolusyonaryong unyon ng manggagawa sa kanilang empresa, malamang na makiusap ang panggitnang burgesya na huwag silang itrato na kagaya ng mga dayuhang monopolyong empresa na nag-uuwi ng kanilang superganansya, at bigyan sila ng pagkakataong gampanan ang kanilang papel sa pag-unlad ng ekonomya ng bansa. Alinsunod sa patakaran sa nagkakaisang prente, nagbibigay ng mga konsesyon ang mga rebolusyonaryong pwersa sa mga lehitimong interes ng panggitnang burgesya.

Maaaring maging bahagi ng isang mas aktibong patakaran sa nagkakaisang prente ang pagpigil sa patuloy na pangingibabaw ng mga dayuhang monopolyo at malalaking komprador, at pagpahintulot sa pambansang burgesya na sakupin ang ilang linya ng aktibidad sa ekonomya kapalit ng kanilang suporta at kooperasyon. Maaaring tangkilikin at protektahan ang ilang produktong kayang likhain ng mga pambansang burges, at ipagbawal naman ang katulad na mga produkto na itinatambak sa bayan ng mga imperyalista at malalaking komprador.

Ikalimang Rekisito

Sinasamantala ng mga rebolusyonaryong pwersa ang mga kontradiksyon sa hanay ng mga reaksyunaryong pwersa ng malalaking komprador at panginoong maylupa. Sa sarili nito, pinahihina ng mga kontradiksyong ito ang buong naghaharing sistema. Ngunit para lalong pahinain ang naghaharing sistema, mapalalawak ang nagkakaisang prente para saklawin ang pormal o di pormal na pakikipag-alyansa sa mga reaksyunaryong laban sa kaaway sa isang takdang panahon, hangga�t ang alyansa ng manggagawa at magsasaka, ang alyansa ng mga saligang rebolusyonaryong pwersa at ang alyansa ng mga positibo o makabayang pwersa ay napapaunlad.

May katangiang mabuway at di mapagkakatiwalaang alyado ang mga reaksyunaryo. Handa silang makipag-alyado sa mga rebolusyonaryong pwersa hangga�t may pansamantalang pangangailangan silang gawin ito para isulong ang sariling reaksyunaryong interes. Ang rebolusyonaryong pwersa ay handa ring makipag-alyado sa mga reaksyunaryong pwersa para paigtingin ang mga kontradiksyon sa hanay ng mga reaksyunaryo, pahinain ang naghaharing sistema at palakasin ang armadong rebolusyonaryong kilusan.

Mayaman ang karanasan ng PKP, BHB at PDPP sa gawaing alyansa sa mga reaksyunaryong pwersa. Pinag-iiba nila ang mga naliliwanagang panginoong maylupang sa mga despotikong panginoong maylupa, ang mga negosyanteng nalliwanagan sa mga di naliliwanagan, ang mga lokal na reaksyunaryo sa naghaharing pangkating nakabase sa Maynila, ang mas maliliit na reaksyunaryo sa mas malalaki, at ang mga reaksyunaryong wala sa poder sa mga reaksyunaryong nasa poder.

Lahat ng mga nagsasamantalang uri at kanilang reaksyunaryong mga ahente sa pulitika na nasa loob ng saklaw ng kapangyarihan ng rebolusyonaryong kilusan ay inoobligang sumunod sa mga batas at regulasyon ng demokratikong gubyernong bayan. Ang mga paglabag o di pagtupad sa mga nasabing batas at regulasyon ay karampatang pakikitunguhan ng mga makinarya para sa pagpapatupad ng batas. Ipinagbabawal ang mga aktibidad na nakapipinsala sa mamamayan at sa kalikasan. Ang pinahihintulutang mga aktibidad sa ekonomya ay nakapailalim sa patakaran sa buwis ng gubyernong bayan.

Sa takbo ng kumpetisyon sa hanay ng mga reaksyunaryo para sa kapangyarihang pampulitika at mga pribilehiyo sa ekonomya sa loob ng naghaharing sistema, ang ilan sa kanila ay lumalapit sa rebolusyonaryong kilusan para makipag-alyansa laban sa kanilang mga katunggali. Dumarami at sumisinsin ang paglapit sa panahon ng eleksyon ng naghaharing sistema at kung kailan nag-aaway-away ang mga reaksyunaryo para sa ilang pribilehiyo at naghaharapan nang may mga armadong tauhan. Mahusay na magagamit ng mga rebolusyonaryong pwersa ang mga kontradiksyon sa kapakinabangan ng rebolusyonaryong kilusan at ng mamamayan.

Sa mahaba, komprehensibo at masaklaw na paraan, nagpunyagi ang armadong rebolusyonaryong kilusan gayundin ang ligal na demokratikong kilusan sa isang patakarang pakikipaagkaisang prente sa mga reaksyunaryong pwersang salungat sa pasistang diktadurang Marcos na idinidirihe ng US. Nahalinhan ng mga reaksyunaryong pwersang pinangugunahan ni Aquino si Marcos sa naghaharing sistema. Subalit sa proseso ng pagpapaunlad ng nagkakaisang prente laban sa pasistang diktadura, nakapag-ipon ng lakas ang mga rebolusyonaryong pwersa. Ang nakapanghihinayang ay ang pagpapanghina ng mga �Kaliwa� at Kanang oportunista sa mga rebolusyonaryong tagumpay.

Hanggang ngayon, ang karanasan sa gawaing nagkakaisang prenteng na tanging wala pa ang kasalukuyang rebolusyonaryong pwersa ay ang pakikipag-alyansa sa naghaharing pangkating reaksyunaryo laban sa isang dayuhang mananakop, tulad ng kaso ng alyansa sa pagitan ng Guomindang (ang Partido Nasyunalista ni Chiang Kai-shek) at ng Partido Komunista ng Tsina laban sa pananalakay ng Hapon.

Hanggang sa ngayon, ang pakikipagkaisang prente sa mga reaksyunaryo ay karaniwang di pormal sa iba�t ibang antas. Karaniwa�y nasa labas rin ng naghaharing pangkatin ang mga reaksyunaryong ito. Gayunman, lumilitaw rin ang mga kontradiksyon sa loob ng naghaharing pangkatin at masasamantala ang mga ito ng mga rebolusyonaryong pwersa.

Halimbawa, hindi babagsak ang pasistang diktadurang Marcos kung walang isplit sa loob nito. Ang batas ng kontradiksyon ay umiiral sa lahat ng bagay. Walang bagay na hindi mahahati.

Ikaanim na Rekisito

Ang iba�t ibang tipo ng alyansa ay pawang nakatuon sa pagpapahina, paghihiwalay at pagdurog sa kaaway. Isinasagawa ang pakikipag-alyansa sa mga reaksyunaryong salungat sa kaaway alinsunod sa prinsipyo at patakarang paisa-isang paggapi sa mga reaksyunaryo, sunud-sunod na paggapi sa kaaway, at sa proseso�y pagpapalakas sa mga rebolusyonaryong pwersa hanggang sa makayanan na nilang ibagsak ang buong naghaharing sistema at itayo ang demokratikong gubyernong bayan.

Kung sadyang ang layunin ng pagpapatupad ng patakaran sa nagkakaisang prente ay ihiwalay at durugin ang kaaway sa bawat takdang panahon, bakit inawtorisa ng rebolusyonaryong kilusan ang panel sa negosasyon ng PDPP na makipagnegosasyon sa panel sa negosasyon ng GRP ng rehimeng US-Ramos na siyang tinutukoy na kaaway?

Sa mabilis na tugon, sinasabi nating ang Guomindang ang kaaway ng Partido Komunista ng Tsina at ng mamamayang Tsino bago pumayag ang Guomindang na maging kaalyado laban sa mga mananakop na Hapones. Ngunit hindi natin ibig sabihing ang rehimeng US-Ramos ay magiging kaalyado na ng mga rebolusyonaryong pwersa.

Sa kasalukuyan, maaaring hamunin ang rehimen na kilalanin ang mga saligang suliraning pinagmumulan ng armadong rebolusyon at kung gayon ay mailalantad sa malawak na masa ng mamamayan na hindi totoong interesado sa makatarungan at matagalang kapayapaan. Kung tinanggihan ng rebolusyonaryong pwersa ang alok ni Ramos na negosasyong pangkapayapaan, siya at ang kanyang rehimen ay lalabas na mga mapagmahal sa kapayapaan at ang rebolusyonaryong pwersa ay magmumukhang kasinsahol ng mga mapandigma.

Laging inililinaw ng PKP, BHB at PDPP ang sumusunod: 1) na sa pagpasok sa mga negosasyong pangkapayapaan sa GRP, patuloy silang tumatalima sa linya ng bagong demokratikong rebolusyon bilang linya para sa isang makatarungan at matagalang kapayapaan at 2) na ang mga negosasyong pangkapayapaan, basta�t wastong ipinatutupad ng awtorisadong panel sa negosasyon, ay isang anyo ng ligal na pakikibaka, na nakapailalim sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka, o maging sa mga ligal na demokratikong pakikibakang masa.

Sa iisa lamang mahalagang aspeto superyor ang mga negosasyong pangkapayapaang isinasagawa ng PDPP sa iba pang anyo ng ligal na pakikibaka. Nailagay ng PDPP ang sarili na kapantay ng GRP bilang kapwa-nakikidigma sa isang gera sibil sa ilalim ng internasyunal na batas. Kumukuha ang PDPP ng ilang risgo sa pagpasok sa mga negosasyong pangkapayapaan sa kaaway. Ngunit ang kaaway ay kumukuha rin ng ilang risgo. Mulat ang PDPP sa balanse ng mga risgo at sa mga pangontrang hakbang na kailangan nitong gawin para hindi malito ang rebolusyonaryong hanay at mahulog sa hukay ng kapitulasyon.

Sa ngayon, ang pinakamalaking natamo na PDPP sa mga negosasyong pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at PDPP ay ang Komprehensibong Kasunduan sa Paggalang sa mga Karapatang Pantao at sa Internasyunal na Makataong Batas. Ito ay isang makabuluhang dokumento, kapakipakinabang sa mamamayan at sa mga rebolusyonaryong pwersa, kahit pa may mga limitasyon at depekto. Nananatiling buo ang rebolusyonaryong integridad ng PKP, BHB at PDPP. Walang pagsurender sa sistemang ligal at hudisyal ng reaksyunaryong estado kakaiba sa nangyari sa kaso ng kasunduan hinggil sa mga karapatang pantao sa pagitan ng FMLN at ng reaksyunaryong gubyerno ng El Salvador. Malayo pa ang tatakbuhin sa mga negosasyon ukol sa mga repormang panlipunan, pang-ekonomya, pampulitika at konstitusyunal bago pag-usapan ang usapin ng tigil-putukan. Malinaw sa mamamayang Pilipino at sa mga rebolusyonaryong pwersa ang nagpapatuloy na antagonistikong kontrarebolusyonaryong katangian ng rehimeng US-Ramos at ang prinsipal at sekundaryong anyo ng pakikibaka na kailangang ilunsad para isulong ang adhikain ng bagong demokratikong rebolusyon laban sa dayuhang monopolyo kapitalismo, katutubong pyudalismo at burukratang kapitalismo.

Ang patakaran ng rebolusyonaryong nagkakaisang prente sa Pilipinas ay may dimensyong internasyunal. Nakaugnay ito sa anti-imperyalistang nagkakaisang prente sa pandaigdigang saklaw. Bahagi ang rebolusyong Pilipino ng pakikibakang komun ng mamamayan ng daigdig laban sa imperyalismo. Internasyunalistang tungkulin din ng mamamayang Pilipino na iambag ang kanilang lakas sa internasyunal na nagkakaisang prente.

Ang ganitong nagkakaisang prente ay pinamumunuan ng proletaryado at ng mga partidong Marxista-Leninista na binibigkis ng proletaryong internasyunalismo. Subalit may isang antas ng lapad ng solidaridad sa nagkakaisang prenteng ito. Pinahihintulutan nito ang aktibong partisipasyon ng lahat ng indibidwal at pwersa na may iba�t ibang antas ng kamulatang anti-imperyalista at militansya at nang walang mga rekisito sa ideolohiya; basta�t may pagmamatyag sa mga espesyal na ahente na nagpapanggap na anti-imperyalista ngunit ang pangunahing layunin ay atakihin ang mga proletaryong rebolusyonaryo at isabotahe ang nagkakaisang prente.

Ayon sa mga sirkunstansya, maaaring samantalahin ng mga rebolusyonaryong pwersa ang mga kontradiksyong inter-imperyalista sa paraang katulad ng kanilang pagsamantala sa mga kontradiksyon sa hanay ng mga reaksyunaryo sa loob ng bansa. Nagkakaisa ang mga imperyalistang kapangyarihan laban sa mga mamamayan ng daigdig ngunit papatindi silang itinutulak ng lumalalang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista na makipagpaligsahan sa isa�t-isa. Sa malao�t madali ay mabibitak ang imperyalistang alyansa na pinangungunahan ng United States. Ang krisis at gera ay mga katangian ng imperyalismo.

May bagong kaguluhan sa daigdig kasunod ng pagkagapi ng sosyal-imperyalismong Sobyet sa Cold War at sa napatunayan nang pagkabangkarote ng patakarang neoliberal ng mga tradisyunal na imperyalistang kapangyarihan. Tayo ay nasa panahon ng transisyon tungo sa muling pagsulong ng kilusang anti-imperyalista at sosyalista. Muli ay nasa bisperas tayo ng rebolusyong panlipunan na may pandaigdigang saklaw. Sa pagbubuo ng mga suhetibong pwersa ng rebolusyon, itinataguyod natin ang proletaryong internasyunalismo at kasabay nito, binubuo natin ang malapad na nagkakaisang prente laban sa imperyalismo.

Mabuhay ang Pambansa-Demokratikong Prente ng Pilipinas!

Isulong ang bagong demokratikong rebolusyon!

Mabuhay ang mamamayang Pilipino!


Back to top
Back to CPP Documents


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.