Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  
Patnubay sa pagtatayo ng mga Saligang Organisasyong Masa

Ang Prinsipyo ng Demokratikong Sentralismo



<Prev   1  2  3  4  5  6   Next>



February 1971


Ang sistemang komite ng Partido ay ang kongkretong pagpapatupad ng prinsipyo ng demokratikong sentralismo, Samakatuwid, upang lubos na maunawaan ang sistemang komite, kailangang linawin muna kung ano ang prinsipyo ng demokratikong sentralsmo.

Isinasaad ng Artikulo IV ng Saligang Batas ng Partido:

"Seksiyon I. Ang balangkas ng Partido ay ibabatay sa simulain ng demokratikong sentralismo, ibig sabihi'y sentralismong nababatay sa demokrasyang napapailalim sa sentralisadong pamumuno.

"Ang batayang kondisyon ay ang sumusunod:

"a. Ang mga namumunong organo ng Partido sa lahat ng antas ay iahahalal at may pananagutan sa mga organisasyon o komperensya ng Partido na naghalal sa kanila.

"b. Matapos ang malaya at puspusang talakayan, ang mga desisyon ng Partido ay ipapatupad nang walang pagtatangi:

  1. Ang indibidwal ay napaiilalim sa organisasyon.
  2. Ang minorya ay napaiilalim sa mayorya.
  3. Ang mababang antas ay napapaiilalim sa nakatataas na antas.
  4. Ang lahat ng kasapi ay napaiilalim sa Komite Sentral at Pambansang Kongreso.

"k. Laging bibigyan ng masusing pansin ng mga namumunong organo Ng Partido ang mga suliranin ng masang kasapi ng Partido at lagi silang mag-aaral ng mga kongretong karanasan at magpapaabot ng maagap na tulong sa paglutas ng mga suliranin.

"d. Ang mga nakabababang organisasyon ng Partido ay kailangan magpasok ng mga regular at espesyal na ulat tungkol sa kanilang gawain sa organisasyong nakatataas sa kanila at kailangan maagap na humingi ng tagubilin tungkol sa mga suliranin nangangailangan ng desisyon ng mas matataas na organisasyon ng Partido.

"e. Lahat ng organisasyon ng Partido ay dapat sumunod sa simulain ng kolektibong pamumuno at lahat ng mahalagang suliranin ay sama-samang pagpapasiyahan."

Malinaw na isinasaad sa itaas ang kabuuan ng demokratikong sentralismo. Ngunit upang higit pang magagap ito, talakayin natin ang prinsipyo ayon sa kontradiksyong napapaloob dito.

Ang prinsipyo ng demokratikong sentralismo ay may dalawang magkasalungat na aspeto: ang demokrasya, at ang sentralismo. Katulad ng magkasalungat na aspeto ng lahat ng kontradiksyon, hindi maaaring mabuhay ang isa kung wala ang kabila. Samakatuwid, hindi maaaring magkaroon ng demokrasya kung walang sentralismo, at hindi maaaring magkaroon ng sentralismo kung wala demokrasya.

Kung wala sentralismo at demokrasya lamang ang palalaganapin, ang organisasyon ay wawasakin ng labis-na-demokrasya at ang pinakahuling bunga nito, anarkiya.

Kung wala demokrasya at sentralismo lamang ang bibigyang-buhay, ang orgaisasyon ay mawawasak din sa oras na mawala ang mga namumuno, dahil ang mga kasama ay sinanay hindi sa paglalapat ng Marximo-Leninismo-kaisipang Mao tsetung sa mga kongkretong kondisyon, kundi sa pagiging labis na palaasa sa mga desisyon ng namumuno.

Sa lahat ng kontradiksyon , may isang aspeto na nananaig sa pangkalahatan at tinatawag na prinsipal na aspeto: ang kabilang aspeto naman, sa pangkalahatan, ay nagkakaroon ng pangalawa o senkodaryong kahalagahan. Sa prinsipyo ng demokratikong sentralismo, masasabi nating ang prinsipal na aspeto sa pangkalahatan ay ang sentralismo, at ang pumapangalawang aspeto ay ang demokrasya.

Bakit ganito, at hindi ang kabaliktaran?

Ang Partido, sa kasalukuyan yugto, ay namumuno sa pakikibaka sa loob ng isang bulok na sistema, kung saan ang salungatan ng mga uri ay lubhang matindi, Nagsimula ito na iilan lamang ang nakauunawa ng Marxismo-Leninismo-kaisiapang Mao-Tsetung. Sa pamamagitan ng pagpupunyagi nito sa pagpapalaganap ng tamang kaisipan, dumarami ang nakasasapol ng proletaryong prinsipyo, at lumalalim ang pagkakasapol ng mga kasama sa mga ito habang tumatagal. Ngunit hindi pa rin sapat ang dami ng nakasasapol sa Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung upang maging sapat na pampigil ito sa paglaganap ng lahat ng maling kaisipan sa buong lipunan. Manantili ang ganitong sitwasyon ng Partido habang hindi pa napasasakamay ng malawak na masa ng sambayanan ang kapangyarihang pampulitika.

Ang situwasyon kung saan ang sentralismo ang prinsipal na aspeto ay iiral habang may uri, may kontradiksyon ng mga uri, at may tunggalian ng mga uri. Ayon sa pangangailangan, pinakamalakas ang sentralismo sa panahong bagong tatag pa lamang ang Partido. Habang lumalaganap ang Marxismo-Leninismo-kaisipang Mao tsetung at lumalalim ang pagkakasapol dito, yumayabong naman ang demokrasya. Habang nalulutas ang kontradiksyon ng mga uri, nagiging mas desentralisado ang takbo ng organisasyon. Masasabi nating mas laganap ang demokrasya sa sosyalistang lipunan (ngunit hindi pa rin nawawala ang sentralismo), at masasabi rin natin malamang na iba ang prinsipyong pang-organisasyon sa pinakamataas na antas ng lipunan, sa huling antas ng komunismo.

Ngunit kailangan natin liwanagin na bagamat, sa pangkalahatan, ang sentralismo ang prinsipal na aspeto, hindi ito singkahulugan ng isang monopolisadong pamumuno. Dalawang punto ang kailangan ipagdiinan dito, una, ang sentralismo ay tumutukoy sa kolektibong pamumuno sa loob ng partikular na yunit gaya ng pagpapailalim ng nakabababa sa nakatataas na organo, at ikalawa, ang Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung ay lalaganap lamang sa pamamagitan ng buhay na pagsasapraktika ng aspeto ng demokrasya bilang sekondaryong asspeto.

Ano ang ibig sabihin nito? Ang ibig sabihin nito ay relatibo ang pagiging prinsipal na aspeto ng sentralismo. Sa mga komite, sangay at grupo na mataas ang pang-ideolohiyang antas at kamulatang pampulitika ng mga kasama, malakas din ang demokrasya, at ang lumalabas na patakaran at taktika ay resulta ng tunay na malaya at puspusang talakayan. Sa mga komite, sangay at grupo na kung saan ang mga kasama ay baguhan pa lamang at/o hindi pa lubos ang pagkagagap sa Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung, may pangangailngan sa mas sentralisadong pamumuno o mahigpit na gabay; masabi pa, kadalasan ay wala ring kamuwang-muwang ang mga kasama kung ano ang malaya at puspusang talakayan.

Ngunit kailangan idagdag na, sa mga sitwasyon katulad nitong huli (kung saan hindi pa lubos ang pagkakagagap ng mga kasama sa Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung), dapat pa ngang lalong idiin ang pagpapatupad ng demokrasya bilang sekondaryong aspeto, sa pamamagitan ng matiyagang pagpapalabas ng namumuno ng lahat ng kuro-kuro at pala-palagay. Ang Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung ay hindi nakakatas nang basta-basta; ito ay unti-unting nginunguya, at ang demokratikong talakayan ang kemiko na tumutulong sa mabilis na pagkatas nito, Kung labis ang sentralismo sa mga sitwasyon ito, ang ibig sabihin, hindi nakapagbibigay ang namumuno ng malawak na pananaw habang ang gabay na ibinibigay ay masyadong partikular at detalyado -- maaaring lumitaw ang tatlong magkakaibang tendensiya; ang "employee mentality" o pag-iisip na suwelduhan; ang pagiging labis na palaasa at pagkawala ng inisyatiba; at ang makitid na pananaw, o subhetibismo. Kung hindi maaagapan ang situwasyon ito, ang kahuli-hulihang mangyayari ay mawawalan ng sigla ang naiiwang kasama o iiwas na sa rebolusyon, panandalian o tuluyan.

Ngunit kung matiyagang naipapalabas ng pamunuan ang lahat ng kuro-kuro o pala-palagay habang mahigpit ang gabay nito sa mga organo o kasamang kailangan ang gabay, mahahasa itong huli sa pagsasapraktika ng Marxismo-Leninismo-kaisipang Mao Tsetung. Ito ang ibig sabihin sa pagsasaad na ang Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung ay lalaganap lamang sa pamamagitan ng buhay na pagsasapraktika ng demokrasya.

Pagkaraang liwanagin ang teoretikal na batayan ng demokratikong sentralismo, maaari na tayong pumunta sa paraan ng pagpapatupad nito.


Back to top
<Prev   1  2  3  4  5  6   Next>
Back to CPP Documents


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.