Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  
Patnubay sa pagtatayo ng mga Saligang Organisasyong Masa

Ang Sistemang Komite



<Prev   1  2  3  4  5  6   Next>



February 1971


Sinasabi nating ang burukrata kapitalista ang baseng panlipunan ng pasismo. Ang ibig sabihin dito ay ang burukrata kapitalismo ang makinaryang nagbibigay-daan sa pagsasakatuparan ng pasismo, na mananatiling abstraktong konsepto habang walang pagsasakatuparan nito.

Gayundin, masasabi nating ang sistemang komite ang "baseng panlipunan" ng demokratikong sentralismo. Ang sistemang komite ang nagbibigay-daan sa pagsasakatuparan ng demokratikong sentralismo, na mananatiling isang abstraktong konsepto habang walang nagsasakatuparan nito.

Samakatuwid, upang maisakatuparan ang demokratikong sentralismo, kailangan magagap natin ang wastong estilo at paraan ng pagpapatakbo ng sistemang komite ng Partido.

Kapag pinag-usapan ang sistemang komite, di maiiwasang maisip natin ang tinatawag ng Saligang batas na "kolektibong pamumuno", na sa mas kongkretong aplikasyon nito ay naisasakatuparan sa prinsipal sa pamamagitan ng palagiang pagpupulong.

May tatlong uri ng pulong na lagi nating inilalagay sa ating programa sa pagpapataas ng antas ng ideolohiya natin: ang pulong sa pag-aaral, na kung saan sinisikap naitng palalim ang paggagap ng mga kasama sa teorya ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung; ang pulong sa paglalagom at pagpoprograma ng mga gawain, kung saan nilulutas natin ang ating kolektibong kahinaan at pinatitingkad ang ating kolektibong kahusayan sa gawaing pampulitika at pang-organisasyon; at ang pulong ng pamumuna at pagpuna-sa-sarili, kung saan sinisikap nating baguhin ang pananaw-sa-daigdig ng bawat isa sa pamamagitan ng pagtutulungan sa paglutas ng suliranin ng isa't isa.

Lubhang mahalaga ang tatlong uri ng pulong na ito, at lubhang mahalaga ang palagiang pagpupulong, sa pagpapatupad at pagpapatingkad ng sistemang komite sa Partido. Sa oras na nawala o makalimutan ang isa rito, karakang manganganib ang kolektibong pamumuhay ng komite. Sa oras na mawala o makalimutan ang tatalong, karakang mauuwi ang komite sa labis na demokrasya o anarkiya, o di kaya ay sa kababaan ng kamulatan at pagiging labis na palaasa ng mga naiiwang kasama.

Bagamat abstrakto ang konseptong ito sa unang tingin -- ang ibig sabihin, habang hindi pa ito naisasapraktika -- ang panimulang pagsapol dito ang makatitiuak na ang kasama ay maaaring magkaroon ng relatibong kasarinlan sa paglutas ng kanilang mga suliranin -- kung hindi man biglaan, unti-unti at may relatibong gabay. Maidadagdag din na ang pagka-abstrakto ng mga konsepto ay maaring bawasan sa pamamagitan ng simple at praktikal na paraan ng pagtatalakay.

Ang mga pulong sa pag-aaral ang batayang salik sa pagpapatibay ng paggagap sa teorya ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung. Ang teoretikal na kaalaman sa Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung ay lubhang mahalaga sa pagpapahusay ng praktika na gawain, gaano man ito kasaklaw. Sa kabilang dako, hindi mabibigyan ng hugis ang teoretikal na kaalaman, gaano man ito karami, kung hindi napapalalim ng masaklaw na praktika.

Pumunta naman tayo sa ikalawang uri ng pulong, ang pulong sa paglalagom at pagpoprograma ng gawain. Ang pulong sa paglalagom at pagpoprograma ng mga gawain ang praktika na susog sa mga teoretikal na pag-aaral ng Marxosmo Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung. Dito inaalisa ang pag-unlad sa pang-ideolohiyang pagpapatatag, ang bilis ng takbo ng pampulitikang gawain at ang husay ng takbo ng organisasyon (paglalagom). Batay sa kanilang paglalagom ng kongkretong kondisyon at kasalukuyang mga suliranin, nakapagtatakda ang kolektibong pamumuno ng mahusay at tunay na programa sa larangan ng ideolohiya, pulitika at organisasyon, isang programang maaaring ipatupad sapagkat hindi ito lulutang-lutang at hindi galing sa mga maling haka-haka.

Kung wala namang pulong ng pamumuna at pagpuna-sa-sarili, mauuwi sa liberalismo ang mga kasama, magpapatuloy ang mga burgis nagawi katulad ng indibidwalismo, mag-uusap-usapang nang walang-saysay sa likod ng isa't isa, at sa kahuli-hulihan ay mawawasak ang pagkakaisang pang-ideolohiya ng komite.

Batay sa ating mga karanasan, mapapansing hindi lahat ng mga pulong sa pamumuna at pagpuna-sa-sarili ay nagbubungan ng mga mataas na pagkaakisa. Ito ay totoo lalo na sa mga komiteng ang mga kasapi ay baguahn at/o hindi pa lubos ang paggagap sa Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung, o himdi ginagabayan ng isa o higit pang nangungunang kasama.

Bakit nangyari ito? Kung aanalisahin natin ang pagkakaiba ng mga pulong sa pamumuna at pagpuna-sa-sarili na matagumpay at yaong hindi matagumpay, makikita naitng may apat na salik na kinakailangan sa mga pulong na ito.

Ang pangunahing salik ay ang maayos na aktitud ng bawat kasama sa isa't isa. Kailangan pumunta ang mga kasama sa pulong na ito na bukas ang loob sa pagtangap ng puna at may tiwalang ang iba ay tatanggap din ng puna ayon sa kanilang kamulatan. Kailangan mawala sa mga kasama ang aktitud ng pagbubunton sa iba ng kanilang sariling mga kahinaan at kamalian.

Kailangan pumunta ang mga kasama sa pulong na ito na taglay ang aktitud na "natututo sa nakaraang pagkakamali upang maiwasan ang mga ito sa susunod" (learning from the past mistakes to avoid future ones) at "gamutin ang sakit upang mailigtas ang maysakit" (save the patient; not cure him to death). Itong huli ay lubhang mahalaga isaisip at isapraktika, lalo"t ang karamihan sa ating galing sa uring petiburgis ay may tendesiyang patayin ang pasyente sa pagsisikap na "gamutin" ito.

Kailangan din natin laging isaisip na ang pagbabago ay isang diyalektikal na kaparaanan, samakatuwid ay hindi biglaan ang pagbabago ng mga kasama. Di-maiiwasang magkaroon ng pagbabalik sa dating mga ugali sa tuwina, kaya kailangan ang tiyaga at pagpupunyagi sa pagpuna ng mga ugali ito.

Sa panig ng pinupuna, ang nararapat ay "huwag pagbintangan ang nagsasalita kahit hindi siya lubusang tama; halawin at isaloob ang mga tumpak na aspeto ng kanyang sinasabi" (maluwag na pagsalin ng don't blame the speaker, but be warned by his words). Ang anumang puna, kahit baluktot at ginawa sa isang estilong hindi mapang-akit, ay tiyak na may batayan; ang responsibilidad ng pinupuna ay linangin ang batayan nito, pag-aralan mabuti at baguhin ang anumang aspeto sa kanyang kilos na naging batayan ng puna.

Ang ikalawang salik sa matagumpay na pulong sa pamumuna at pagpuna-sa-sarili ay ang pagbabatay ng mga puna sa gawaing pampulitika at pang-organisasyon ng mga kasama. Bakit kailangan ito? Kailangan ito sapagkat ang gawaing pampulitika at pang-organisasyon ang pinakakongkretong salalayan ng pang-ideolohiya atas ng mga kasama. Kung wala o ibinabale-wala ang kongkretong salalayang ito, tiyak na mauuwi ang punahan sa maliliit (petty) at mababaw (shallow) na bagay na walang batayan.

Halimbawa, laganap sa atin ang paratang na "burgis", lalo na sa mga kasamang galing sa uring petiburges. Ang "kaburgisan" ay isang masaklaw na panaanw-sa-daigdig, at kapag pinaratang ito sa isang kasama ay para na rin nating sinabing hindi siya kasama, wala siyang proletaryong pananaw-sa-daigdig kahit katiting man lamang, at maaari na siyang lumisan sa kabilang panig. Ito ang kabuuang epekto ng paratang na "burgis", hindi man ito ang intensiyon. Sa kabilang dako naman, hindi kaya ang ating ipinupuna sa kasama ay ang pananamit o galaw o pananalita lamang? Kung ganoon, may mas magandang paraan sa pagpapahiwatig ng punang ito -- ang pagpapayo na baguhin ang maliit na bagay na ito, dahil sa maaaring maging epekto, o maging epekto sa gawaing pampulitika sa isang partikular na sektor. Dahil sa magaan ang puna, kailangang maging magaan din ang estilo ng pagpuna. Ang pag-uukilkil sa isang maliit na bagay ay pagbibigay-daan sa pagpapalaki nito.

Tungkol sa pagbabatay ng puna sa gawaing pampulitika at pang-organisasyon, siyempre pa, inuuna na natin na ang lahat ng yunit ay may gawaing pagpapalawak at pagkokonsolida sa anumang sektor. Ayon sa atign mga karanasan, ang anumang kolektiba na walang malinaw na gawaing pampulitika o hindi inaatupag ang kanilang gawaing pagpapalawak sa isang mahabang panahon sa malao't madali'y nauuwi sa mga away-away na maliliit, mababaw at walang saysay.

Ang ikatlong salik sa matagmpay na pulong sa pmumuna at pagpuna-sa-sarili ay ang pagtingin sa mga kasama sa isang 70-30 na paraan. Ano ang ibig sabihin nito? Ang ibig sabihin nito ay lagi nating tinitingnan ang mga kasama, habang nananatili silang kasama, ay 70 porsiyetong kahusayan at kabutihan, at 30 porsiyento lamang sa kamalian at kahinaan. Dito ay lagi nating isaisip na hindi madali ang magsakripisyo ng napakaraming bagay, at samakatuwid, ang kasamang nananatiling nagsasakripisyo ng mga ito ay may taglay na kabutihan at kahusayan kahiman hindi pa ito naipalalabas. Kung may kahinaan at kamalian man siya -- at lahat ng kasama ay may kahinaan at kamalian sa iba't ibang antas at ibat ibang larangan -- 30 porsiyento lamang ito ng kanyang buong katauhan. Ang pagtingin na ito sa ibang kasama ay may epekto rin sa ating estilo sa pagpuna sa kanya.

Ang ikaapat na salik sa matagumpay na pulong sa pamumuna at pagpuna-sa-sarili ay ang paghahalaw ng mga prinsipal at sekondaryong kamalian at ang pagbibigay ng karampatang diin sa mga ito. Malinaw na kung maliit at magaan ang pagkakamali, kailangan magaan din ang pagpuna rito. Kung bagong sulpot pa lamang ang pagkakamali at hindi pa ito nagiging prinsipal na kamalian, hindi ito kailangan bigyan ng napakabigat na diin.

Kung minsan naman'y hindi tayo pumupuna agad-agad, ngunit naghihintay ng tamang panahon kung saan may kongkretong batayan na ang puna. Ito ang isang ibig sabihin ng "pagpuna sa tamang panahon" (criticizing at the right time). Ang isa pang kahulugan ng "pagpuna sa tamang panahon" ay ang wastong pagtanto sa antas ng kamulatan ng kasama, sa antas ng kanyang pagtanggap sa puna. Dito ay hindi natin inaalis ang prinsipyo ng pagpupunyagi sa pagpuna kundi sinususugan natin ang paggamit ng wastong estilo batay sa pagtantiya naitn sa antas ng (kanyang) kamulatan ng kasama at sa antas ng kanyang pagtanggap sa puna.

Ang mga malalaking kamalian naman, lalo na yaong pabalik-balik, ang dapat bigyan-diin sa pamumuna. Masabi pa, ang lahat ng pamumuna, anuman ang diin natin dito ay dapat gawin sa isang mahinahong paraan.

Ang apat na salik sa itaas ang siyang nagtitiyak na napatutupad ang ating layon sa pagdaraos ng pamumuna at pagpuna-sa-sarili: ang pagpapataas ng pagkakaisa ng kolektibo sa isang bago at matibay na antas sa pamamagitan nang masiglang pang-ideolohiyang pakikibaka.

Hindi nalilimitahan ang dalas ng pagpupulong. Sa maluluwag na situwasyon, ang madalas na pagpupulong ay mainam para sa kolektibong pamumuhay. Sa mahigpit na situwasyon, ipinipilit pa rin nating makapagpulong kahit minsan lamang sa isang di-napahabang panahon. Sa mga panahong hindi maaari ang mga pangkalahatan pulong, nagsasagawa tayo ng palagiang konsultasyon sa pagitan ng kalahati o ikatlong bahagi man lamang ng kasapian ng komite. Halimabawa, isang komiteng may limang kasapi na nagpupulong nang minsan sa isang linggo, ang palagiang konsultasyon ng namumuno sa isa o dalawang kasapi ng komite sa pagitan ng mga pulong ay napakainam sa pagpapatingkad ng kolektibong pamumuno ng komite ito.

Sa kabilang dako naman, may isang bagay na dapat idiin tungkol sa mga pulong. Hindi ito ang kabuuan ng kolektibong pamumuhay ng Partido. Kung minsan ay may tendensiya tayong gawing isang akademikong ehersisyo ang pagpupulong. Dalawang bagay ang sinasabi nito: isa, nagpupulong tayo kahit walang malinaw na pagpupulungan at wala ring adyenda, sa tanging dahilang may itinakda tayong miting sa isang araw ng linggo, ang lahat ng bagay ay nalulutas sa pamamagitan ng pagpupulong lamang.

Batay sa ating mga kolektibong karanasan sa organisasyon, ang pagpupulong ay ang pormal na aspeto ng kolektibong pamumuno. Ang aspeto ito ay mananatiling buhay sa pamamagitan lamang ng pag-aalaga at pagpapayabong sa impormal na aspeto ng sistemang komite.

Ano ang impormal na aspeto ng sistemang komite? Ito ay ang mahigpit na ugnayan sa pagitan ng mga kasapi ng isang koletibo. Ano ang iba't ibang salik sa pag-aalaga at pagpapayabong sa impormal na aspeto ng sistemang komite?

Una at pangunahin, ang wastong pagdala ng mga nangungunang kasama sa pamumuno. Sa ating mga dokumento, isinasaad na ang namumuno ay dapat manguna sa pag-aaral, paglalagom at pamumuna at pagpuna-sa-sarili, at maging huwaran sa prinsipyo ng ganap na di-pagkamakasarili. Tama ang payong ito at dapat sundin sa lahat ng oras. Ngunit sa mga kasamang hindi pa nakaranas ng pamumuno o kakaunti pa lamang ang karanasan dito, ang payo ay may pagka-abstrakto.

Ano ang wastong estilo ng pamumuno? Ang wastong estilo ng pamumuno ay tumutukoy sa integrasyon ng namumuno o nangunguna sa pinamumunuan. Malamang wala sa ating makapagsabi siya sa isang mahabang panahon na hindi nagkaroon ng isang man lamang pagkakamali. Halungkati natin ang mga pagkakamaling ito at pag-aralang mabuti.

Ang unang tipo ng pagkakamali ay ang pagiging liberal sa pamumuno. Ito ay ang pagpapabaya; ang pagpapahuli, hindi ang pangunguna, sa pag-aaral, paglalagom at pamumuna at pagpuna-sa-sarili; ang pagiging huwaran sa prinsipyo ng ganap at pagkamakasarili, hindi di-pagkamakasarili. Ito ang tipo ng pmumuno na mahina at walay saysay. Ang tipo ng pammunong ito ay mas laganap sa pinakamababang antas ng organisasyon o kung saan ang teorya ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung ay hindi pa lumalaganap at umuugat dahil hindi pa sinisimulan o sinisimulan pa lamang ang pagtuturo nito. Ang kauuwian ng tipo ng pamumunong ito ay ang paglalaganap ng labis na demokrasya at, sa kahuli-hulihan, ang anarkiya. Sa kabutihang palad, matibay na ang pagkakaugat ng teorya at praktika ng Marxismo-Leninismo- Kaisipang Mao Tsetung sa nakararaming komite. Kaya masasabing hindi laganap ang sakit na ito.

Ang ikalawang tipong pagkakamali sa estilo ng pamumuno ay ang pagmomonopolisa ng namumuno sa lahat o karamihan ng gawain o talakayan. Dito ay may maling interpretasyon sa prinsipyo ng pangunguna. Ang karamihan sa atin, sa kagustuhang mabilisang matapos ang isang gawain, o mapunta agad sa pangunahing punto ng talakayan, ay may tendensiyang angkinin itong lahat. HIndi natin naisasaisip na ang panahong sa unang tingin ay "nasasayang" sa paghihintay sa ibang kasamang magtrabaho o mag-isip abg siyang puhunan natin sa kanilang pag-unlad. Ang kailangan dito ay tiyaga, at mas higit pa sa tiyaga, pagpupunyagi.

Sa kabilang dako naman, hindi tayo kailangang maghintay ng napakahabang panahon upang umunlad ang naiiwang kasama. Ang paghihintay ay napaiikli sa pamamagitan ng tuwinang pag-aaral, paglalagom, at pamumuna-sa-sarili; sa pamamagitan ng pagsasama sa kasama sa mga piling lakad upang maipakita ang wastong estilo at paraan ng pagagawa; at sa pamamagitan ng mga impormal na talakayan, na kung saan mauungkat natin ang kadahilanan ng mahinang pagkilos ng kasama nang hindi sumasama ang kanyang loob. Ang mga ito, at hindi ang pagmomonopolisa sa gawain at talakayan, ang paraan ng pagwawasto sa mali o mahinang pagkilos at pag-iisip. Ang pinakaesensiya ng pangunguna ay ang kakayahang magpalabas ng mga kahusayan ng lahat ng kasama, maging sa gawain man o talakayan, maging abante man o naiiwan.

Ang ikatlong tipo ng pagkakamali sa estilo ng pamumuno ay ang akmang labis na huwaran. Kung sa Ingles pa, "self-righteousness". Sa lahat ng tipo ng pagkakamali sa pamumuno, ito ang pinakamasahol sapagkat nagbubunga ng antagonistikong relasyon sa pagitan ng namumuno at pinamumunuan. Ang dapat maging aktitud ng namumuno at, masabi pa lahat ng kasama, ay ang pagtanggap ng superbisyon ng masa at ng ibang kasama, at ang akmang "labis na huwaran" ay agad-agad nagbabawal na mangyari ito. Ang pagtanggap ng superbisyon ng masa at ng ibang kasama ang pinakaubod ng komunistang pagpapakumbaba.

Magbigay tayo ng ilang halimbawa ng wasto at maling estilo ng pamumuno upang higit nating maunawaan ito. Makikita natin dito kung paano tumutukoy ang wastong estilo ng pamumuno sa integrasyon ng namumuno o nangunguna sa pinamumunuan. Kung lubhang pormal, malihim at malamig ang nangungunang kasama sa iba; hindi magiging mahusay ang kanilang integrasyon sa mga ito. Ngunit kung naipapakita ng mga nangunguna ang pagbabalanse nila sa pormal at impormal na pakikitungo; kung bukas ang kanilang loob sa pagsasalaysay ng kanilang mga karanasan sa loob at sa labas ng Partido; at kung naipadama nila sa ibang kasama ang kanilang pag-aalaga at pagmamahal; magiging bukas din ang loob ng mga kasama sa kanila.

May ilang mga kasamang mahusay sa pagpapalitaw ng mga suliranin ng mga kasapi ng komite, maging ang ma ito sa suliraning pampulitika o personal. Paano nila nagagawa ito? Sa pag-aanalisa sa kanilang pag-uugali at estilo ng pakikitungo sa iba, makikita nating itinuturing ng mga kasama ito na mga kaibigan o kapantay ang ibang mga kasapi sa kanilang komite. Hindi nila ipinakikita ang anumang pagmamataas o aktitud na alam ang lahat. Bunga nito, mainit ang pakikitungo ng ibang mga kasama sa kanila at nahahandang ipahayag ang kanilang mga suliranin at opinyon.

May ibang kasama namang maraming natuturong mga bagay sa teorya at praktika ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung at nakapupuna ng mga kamalian sa estilong impormal, hindi nakababagot, at masabi pa, pabiro. Kailangan matuto tayong gumamit ng estilong ito paminsan-minsan, ayon sa kondisyon.

May iba pa rin namumunong kasamang nakagawa ng pagkakamali sa paglimot ng personal na aspeto ng buhay-pampartido. Ang mga kasamang ito ay pumupunta sa mga nakababang organo kapag may pangangailangan lamang, at matapos ang labinlimang minutong pagbibigay ng direktiba, ay aalis na. Tuloy, hindi nila nakikilala nang lubusan ang ibang kasama, at nakagagawa ng pagkakamali sa pagtatakda ng gawain. Nakita na natin na mali ang estilong ito at kailangan baguhin. Ang pag-alam sa lahat ngaspeto sa buhay ng kasama, sa pamamagitan ng pagsasalaysay, pagpaaplitan ng mga karanasan, pagtatanungan, pagbibigayan, pakikipagkaibingan, atbp, ay lubhang mahalaga sa mahusay na pagpapatakbo ng ating gawaing pampulitika at pagpapatangkad ng sistemang komite ng Partido.

Ang isa pang paraan ng paggawa na nakita nating nakapagpapahusay sa takbo ng ating gawaing pampulitika at pang-organisasyon ay ang pagsasama sa mga naiiwan sa mga piling lakad. Ang paraang ito ay may tatlong magandang ibinubunga: una, nagkaroon ang namumuno at naiiwang kasama ng tinatawag na "common experience", at samakatuwid ay lumuluwag ang pakikitungo sa isa't isa; ikalawa, nagkakaroon ang namumuno ng pagkakataong ipakita sa kasama sa kongkreto ang wastong estilo at paraan ng paggawa; nakikita ng namumuno ang mga kahusayan at kahinaan ng nasabing kasama sa kongkreto, at nakagagawa ng karampatang hakbang sa pagpapatingkad o pagwawastong nito.

Masabi pa, idinidiin natin ang mga salitang "piling lakad", sapagkat kung sasama ang namumuno sa lahat o karamihan ng mga lakad pinamumunuan, mawawalan ang mga ito ng inisyatiba, mauubos ang panahon ng namumuno at madaling mapapahamak ang ating seguridad.

Tungkol dito ay idinidiin din nating hindi natin tinatangkilik ang barkadahan, o ang "small group mentality". Ang barkadahan ay ang pagsasama-sama na lang lagi ng isang grupo sa lahat ng kasayahan at ang resulta nito ay ang pagkalimto sa gawaing pampulitika at pang-organisasyon. Ito ang kabilang panig ng pagiging labis na pormal. Ang layon natin ay magpalawak n ating hanay, hindi ang kumapit sa isa't isa sa buhay at sa kamatayan.

Ano naman ang ikalawang salik sa pagpapahigpit ng ugnayan sa pagitan ng mga kasapi sa isang kolektibo? Ito ay ang wastong aktitud ng lahat ng kasama sa kanilang gawain at sa isa't isa. Bagamat masasabi nating pangunahin ang wastong pagdala ng mga nagunghang kasama sa pamumuno sa pagpapahigpit ng ugnayan sa loob ng isang kolektibo, mahalaga pa rin bilang pangalawang salik ang aktiutd ng mga pinamumunuan sa gawain at isa't isa. Ang pinamumunuan ang kanilang panig ng kolektibo, at ang kanilang inisyatiba at kooperasyon ay lubhang kailangan sa mahusay na takbo nito.

Ano ang dapat maging aktiutud ng mga kasama sa kanilang gawain? Dapat ay taglay ng lahat ng kasama ang walang-hanggang pagpapahalaga sa gawain. Naipapakita nila ito sa paggamit ng lahat ng oras na kailangan sa pag-iisip o paggawa ng nararapat na gawain. Naipapakita nila ito sa walang-katapusang pagnanais na baguhin at pagandahin lalo ang kasalukuyang takbo ng gawain pang-ideolohiya, pampulitika at pang-organisasyon. Kung taglay ng lahat ng kasama sa isang kolektibo ang walang-hanggang pagpapahalaga sa gawain, anumang kahinaan sa estilo ng pamumuno ay mababalanse ng inisyatiba mula sa ibaba, at madaling maiwasto ang anumang pagkakamali.

Ano naman ang dapat na maging aktitud ng mga kasama sa isa't isa? Ang dapat na maging aktitud ng mga kasama sa isa't isa ay ang aktitud ng pagtutulungan sa lahat ng bagay, maging suliranin man o hindi, maging personal man o pampulitika, Naipapakita nila ito sa wastong pakikitungo sa isa't isa; sa kagaanan ng kanilang kaloobang maglahad ng mga suliraning pampulitika at personal, at sa kanilang pag-aalaga at pagmamahalan sa isa't isa. Kung taglay ng lahat ng kasama sa isang kolektibo ang aktitud ng pagtutulungan sa lahat ng baagy, magiging bukas ang loob nila sa isa't isa, at ang kanilang pang-ideolohiyang pagkakaisa ay madali nang maitataas sa isang panibagong antas.

Kung taglay ng lahat ng kasapi sa isang kolektibo ang wastong aktitud sa kanilang gawain at sa isa't isa at kung sa pangunahin, wasto ang pagdadala ng mga nangungunang kasama sa pamumuno, hihigpit ang ugnayan ng lahat ng kasapi ng kolektibo, at ang mahigpit na ugnayang ito ang siyang magiging panimulang salik sa tagumpay ng mga idinaraos na pulong. Ang mga pormal na pulong naman ay lalong magpapahigpit ng ugnayan sa loob ng kolektibo. Ang dalawang ito, ang palagiang pagpupulong at ang mahigpit na ugnayan sa pagitan ng mga kasapi ng kolektibo, ang siyang nagpapatingkad sa kolektibong pamumuno.


Back to top
<Prev   1  2  3  4  5  6   Next>
Back to CPP Documents


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.