Kabisado ko na ang dalisdis na ito
Kaya nga't habang palusong
Ang dalaga't binata naming pulutong,
At kahit na halos bota'y mapatibong
Sa bawat puyo ng nagputik na talampas,
Sa bawat punso ng nagbalahong
Mga bayuko't ligaw na mga ahas,
Ang isip ko'y litaw at ngayo'y paahon -
Malaya't abalang mini-memorya
Ang tulang itong sinulat ni May Amor.
Mamaya, pagdating namin sa baryo,
Bago ibuhol ng masa ang tali
Ng kulambo sa pako ng alas-otso,
Bago pagdantayin ng duyan ko't himbing
Ang kubo at ang puno ng kaymito,
Bago iparepaso sa kung ilang nanay
At tatay ko ang mga prinsipyo
Ng inilulunsad na rebolusyong agraryo
Sa pamumuno ng proletaryado,
Ay pasisinayin na ang pulong-masa
Sa pamamagitan ng pag-awit ko
Sa tulang itong sinulat ni May Amor.
Bubulabugin ko ang monotono
Ng tuko, palaka at kuliglig.
Sa padyak ko'y sabay ding mauulinig
Ang pagbagsak sa matandang batis
Ng murang bayabas at aratilis.
Sa ilaya, titipain ng amihan
Ang dakilang kwerdas ng silangan
At isa-isang magpipitikan ang pinaka-
Matitikas na baging, pandan at kawayan.
Sa huli'y ikakasa ko sa automatic
Ang pulang banduryang sukbit
At sa isa pang koro't isa pang saglit
Anupa't gimbal na mabubulahaw
Ang di makaalya-alyadong mga limatik
Sa awit ng digma't pag-ibig na halaw
Sa tulang itong isinulat ni May Amor.
A, kay sarap tumula't umawit
Sa sonang gerilya -
A, May Amor, katula-tula't kaawit-awit
Ang sonang gerilya.
|