Crisanto Evangelista, silakbo ng Indio! Anong mangkukulam
Ang nasa utak mo?
Nilalang ka sa poot, galit, higanti laban sa mayayaman.
Ituring mong biyaya iyon. Di dapat paglamayan
Ang pangungulilang naburol. Tadhana'y kamatayan
Angkinin mo pagkat ikaw'y nilikha sa siglong nagdilim __
Sa inunan mo'y sinuob, sumiklab ang huling pagtutuos.
Itigil mo ang prusisyon ng mga Filipinong alipin __ wasakin mo
Kahiman ikinulong ka sa bartolina ng Fort Santiago,
sa dibdib mo'y
Naglalagablab ang luwalhati ng kinabukasan,
Apoy ng luksang hinagpis __
Nagngingitngit, nagpupumiglas
Ang dugo sa ugat ng damdaming hinasa sa pagdurusa't gutom.
Pinaglumot na ang marmol na bantayog ng mga bayaning huwad
Sa Hacienda Luisita, Canlubang, at iba pang kuta
Ng mapagsamantalang klase.
Crisanto Evangelista,
Silakbo ng Indio! Birtud mo'y kakulangan at katuparan
Ng mundong ito. Sa bisig mo sasabog ang tagumpay ng masa.
Mayo 1, 1971
|