I.
Ang Kongreso'y malamig na monumento
ng isang madugong kahapon;
at ang lansangan ay gunitang
ginagasak ng sanlaksang goma,
binubulyawan ng mga tambutso.
Nangangalirang ang kaluntiang
may mga patak ng pulang bulaklak.
II.
Mayo Uno na naman ngayon.
At ang nagdaang pitong taon
ay hindi makapagpapakupas,
hindi makapapawi
sa tingkad ng pakikibakang
iwinawagayway mo
at ng libu-libong kauri
sa katanghalian
ng Araw ng Paggawa.
Kapalit ay karampot na sahod,
ang maghapon o magdamag na paggawa
ay mga karanasan, mga tanawing
madalas sumugat sa iyong dibdib.
("Ang mga kapitalista'y nabubundat,
ang mga manggagawa'y naghihirap!")
Ngunit higit na nagpabaga
ng dugo at pandama
ang kalupitan ng sistema ng lipunang
inyong kinasadlakan.
Nag-usisa kayo, nag-isip,
Nagsama-sama, nagwelga!
Kasama mo silang lahat:
mga babae at lalaki,
sa araw at gabi, sa pakikipagpuyatang
kapiling ang gutom, pagod, ginaw.
At Ka Liza, ang pagkamulat
ay mapulang liwanag na tumanglaw
sa inyong mga isipan.
("Ang mga imperyalistang Estados Unidos,
sila ang humuhuthot sa yaman
ng sambayanang Pilipino. Ang papet
na si Marcos ang punong tagapangalaga
ng interes ng mga among imperyalista!")
Ka Liza, ang pagkamulat
Ay mapulang liwanag na tumanglaw
Sa inyong mga isipan.
("Wakasan ang paghaharing Estados Unidos-Marcos!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!
Rebolusyon! Rebolusyon!")
III.
Mayo 1, 1971 -
libu-libo kayong manggagawang
umalon sa mga lansangan.
Ang init ng lansangan at paligid
ay di makadaig sa init
na sumusulak sa inyong mga dibdib.
At sa harap ng Kongreso,
habang inihihiyaw ng mga loud speaker
ang pagsasamantala't pandarahas
sa inyo at sa mga kauri,
bumuga ang bala ng militar,
kabuktutang nag-akalang makalalansag
sa inyong hanay.
At sa katawan mo, Ka Liza,
ilang punlo, ilang punlo ang bumaon.
Di man lang nagbabala ang kamatayan!
At ang katawan mo'y timbuwang na humalik
sa lansangang mainit.
At ang iyong dugo'y sambulat na tumina
sa mga plakard ng pagtutol.
Di man lang nagbabala ang kamatayan.
IV.
Ka Liza! Ka Liza!
Bawat patak ng dugong itinigis mo'y
Panawagan sa laksang kababaihan,
sulo sa paglahok sa rebolusyon.
Ka Liza! Ka Liza!
Bawat patak ng dugong itinigis mo'y
kamao ng angaw na manggagawang humuhulagpos
sa tanikala ng pagkabusabos.
Ka Liza! Ka Liza!
Bawat patak ng dugong itinigis mo'y
punlo ng Bagong Hukbong Bayan
na tumitimo sa dibdib ng mga kaaway.
Ka Liza! Ka Liza!
Bawat patak ng dugong itinigis mo'y
hakbang sa tagumpay
ng nakikibakang sambayanan!
|