|
Ulos: Hunyo 2003
TOC
Landscape with Figures
|
Salin nina Ting Remontado at Eden Ani
*Ang landscape with figures ay teknikal na termino sa larangan ng sining-biswal. Ang landscape ay isang peynting, litrato o anumang likhang-sining na larawan ng tanawin, tulad ng bundok, mga puno, ilog o gubat. Laging natatanaw ang langit sa isang landscape. Ang figure naman ay maaaring tumukoy sa tao, bagay o hayop, ngunit karaniwang ginagamit na pantukoy sa katawan ng tao.-Pat |
Pauwi muli sa ilalim ng mga banyagang bituin,
sa alaala, ang kasaysayan ay kakaibang ihip ng hangin
dala ang muling paghugos ng mga taon na iyon:
pauwi upang hagilapin ang nawawalang puwang
sa mga kalawakan ng pahiwatig. Wala na ang mga burol. Ang ruta
ng ilog ay limot na. . . Pilit inaalala ang alondras sa parang
at silang nangamatay sa naglalahong lupa
(mga kalansay sa putik kung sa'n magulang nati'y nasawing dukha),
humantong ang paglalakbay sa mabibigat na agos
ng pagkamuhi na alingawngaw at alaala ng nilaging panahon.
Pinakamalupit ang araw sa lugar na iyon:
kasaysayan: ngalan ng mga tao: mga padron ng buhay:
lahat ng pinaanod at tangay ng papalayong alon,
sinalanta ang mga nagisnang ngalang sinambit ng mga katutubong dila
upang isigaw ng puso: "Ang bayan ko'y banyaga,
bawat hakbang patungo roon ay hakbang tungo sa tatlong daang taon
ng pagkadistiyero sa katotohanan."
Hindi ito ang pag-uwi
sa tinubuang lupain, ni pagtakas
sa mapuputing tilamsik sa sariling baybayin,
ni pag-ibig na umaalpas sa mga hangganang likas sa kaluluwa,
kundi isang malawak na pamana ng pagkawasak at digma
agad sumasambulat para sa mga nabubuhay
at para sa mga handang mag-alay ng hininga.
Ang buhay ay isang banyagang wika. Bawat bumigkas ay nagkakamali.
|
|
Previous | Table of Contents | Next
|
|