Panahon na, o bayan ko, upang ikaw ay bumangon
Sa tagal ng pagkalugmok, sa hirap ay nakabaon;
Alipin na'y busabos pa ng dayuhang mandarambong,
Tumindig ka, o bayan ko, ngayon na ang panahon.
Kay haba na ng panahong nagtitiis, naghihirap,
Na di na sana daranasin ng ating bayang Pilipinas;
Sa paanong hindi gayo'y nagpatuta at naghudas,
Naghaharing mga uring sa dayuha'y kumasabwat.
Kung kaya nga nangyayaring ang mahirap, naghihirap,
Ang mayama'y yumayaman, siyang busog, laging bundat;
Kung ganito, o bayan ko, ang s'yang laging magaganap
Ang lahat ng inyong anak ay alipin hanggang wakas.
Lupigin mo ang naghaharing masisiba
Lupigin ang imperyalismong sa yama'y pumipiga;
Lupigin ang pyudalismong parang lintang walang sawa,
Nang makamit ang lipunang sagana at malaya.
Di katulad ng sa ngayo'y dayuhan ang nagpapasasa
Panginoong maylupa ang kasabwat sa panggahasa
Sa yaman at karangalan ng bayan kong minumutya;
Manggagawa't magsasakang anak mo ang inalipusta.
Magbangon at makibaka, ito ang tanging lunas,
Nang kadena sa kamay mo ay malagot at makalas;
Humarap ka nang buong tatag, lumaban ka nang buong sikap
Nang bulok na estado ay madurog at bumagsak.
At ngayon nga'y panahon na, ikaw bayan ay yumakap
Sa simulaing magtanggol sa laya ng Pilipinas;
Manggagawa, magsasaka at kulang-palad,
Sa tanglaw ng maso't karet, ang hahawan ng 'yong landas.
Kung kaya nga rebolusyon, bayan, iyong itaguyod,
Ikaputi man ng buhay, sukdang dugo man ang bumuhos;
Isulong ang rebolusyon, itaboy ang mananakop,
Isulong ang rebolusyon nang marating ang tugatog.
|