Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  






Kultura Home Songs Ulos STR, Visual Artworks Poetry Prose
Ulos: Pebrero 2000
Artikulo
TOC Mga talumpati sa porum sa Yenan hinggil sa sining at panitikan
1


Ito ang unang problema: Para kanino ang sining at panitikan?

Ang suliraning ito ay matagal nang nalutas ng mga Marxista, lalung-lalo na ni Lenin. Noon pang 1905, malinaw na tinukoy ni Lenin na ang ating panitikan at sining ay dapat "naglilingkod... sa milyon at ilampung milyong masang anakpawis".[2] Para sa mga kasamang nasa gawain sa sining at panitikan sa mga anti-Hapones na baseng erya, maaaring sa tingin nila'y lutas na ang problemang ito at hindi na kailangan ng dagdag na pagpapalawig. Ang totoo hindi ito ang kaso. Maraming kasama ang hindi alam ang tunay na solusyon. Kung kaya naman, ang kanilang mga sentimyento, obra, kilos, at pananaw nilang gumagabay na prinsipyo sa sining at panitikan ay di maiiwasang humigit-kumulang na naiiba sa mga pangangailangan ng masa at praktikal na pakikibaka. Syempre, sa mga nasa kultura, mga manunulat, artista at iba pang manggagawa sa sining at panitikan na kumikilos sa dakilang mapagpalayang pakikibaka kakapitbisig ang Partido Komunista at ang Eight Route at New Fourth Army, ang ilan ay maaaring mga karerista na pansamantalang nasa ating panig, gayunpaman, ang higit na nakararami ay buong sigasig na kumikilos para sa iisang simulain. Sa pagsandig sa mga kasamang ito, tayo ay nagkamit ng malaki sa ating literatura, drama, musika at sining biswal. Marami sa mga manunulat at artistang ito ay nagsimulang gumampan ng gawain nang sumiklab ang War of Resistance: marami pang iba ang nagsimulang gumampan ng rebolusyonaryong gawain bago ang gera, nakaraos sa maraming kahirapan at nakaimpluwensya sa malawak na masa dahil sa kanilang mga aktibidad at gawain. Kung gayon, bakit natin sinasabi na kahit sa hanay ng mga kasamang ito ay may mga hindi pa nakakaabot sa malinaw na solusyon sa problemang para kanino ba ang sining at panitikan? Tama ba na may mga patuloy na mga nagsasabing ang rebolusyonaryong panitikan at sining ay hindi para sa masa ng sambayanan kundi para sa mga mapagsamantala at mapanupil?

Tunay na may sining at panitikan na para sa mga mapagsamantala at mapanupil. Ang sining at panitikan na para sa mga uring panginoong maylupa ay pyudal na sining at panitikan. Ito ang sining at panitikan ng naghaharing uri sa Tsina sa yugtong pyudal. Hanggang ngayon may konsiderableng impluwensya sa Tsina ang ganitong uri ng sining at panitikan. Ang sining at panitikan na para sa burgesya ay burgis na sining at panitikan. Ang mga taong katulad ni Liang Shih-Chiu[3] na pinupuna ni Lu Hsun ay nagsasalita tungkol sa sining at panitikan bilang nakakapangibabaw sa uri, subalit ang totoo, ay nagtataguyod sa burgis na sining at panitikan at tumutunggali sa proletaryadong sining at panitikan. Umiiral din ang sining at panitikan na naglilingkod sa mga imperyalista - halimbawa, ang mga likha nina Chou Tsojen, Chang Tzu-Ping [4] at mga katulad nila - na tinatawag nating traydor na sining at panitikan. Para sa atin, ang sining at panitikan ay para sa mamamayan, hindi para sa alinman sa mga grupong nabanggit. Nasabi na nating ang bagong kultura sa Tsina sa ngayon ay anti-imperyalista, antipyudal na kultura ng masa ng sambayanan sa ilalim ng pamumuno ng proletaryado. Ngayon, anumang tunay na para sa masa ay kailangang pinamumunuan ng proletaryado. Ang anumang pinamumunuan ng burgesya ay hindi maaaring maging para sa masa. Natural, ito ay mailalapat din sa bagong sining at panitikan na bahagi ng bagong kultura. Kailangan nating hawakan ang mayayamang pamana at mabubuting tradisyon sa sining at panitikan na ipinasa-pasa mula pa noong unang panahon sa Tsina at mula sa ibang bayan, ngunit ang layunin ay dapat pa ring ang paglilingkod sa masa ng sambayanan. Hindi rin natin tinatanggihang gamitin ang mga porma ng sining at panitikan ng nakaraan ngunit sa ating mga kamay, ang mga lumang porma na hinuhubog at sinasaniban ng bagong nilalaman ay magiging rebolusyonaryo sa paglilingkod sa mamamayan.

�...kailangang unti-unti nilang ilapat ang kanilang paa sa panig ng mga manggagawa, magsasaka at mandirig-ma, sa panig ng proletaryado, sa pamamagitan ng prosesong pagtungo sa kaibuturan nila sa gitna ng praktikal na pakikibaka sa proseso ng pag-aaral ng Marxismo at lipunan.�
Sino ngayon ang sinasabing masa ng sambayanan? Sila ang pinakamalapad na seksyon ng sambayanan, na binubuo ng mahigit na 90% ng ating populasyon, ang mga manggagawa, magsasaka, mandirigma at petiburgesyang lungsod. Kung gayon, ang ating sining at panitikan ay, una sa lahat, para sa manggagawa, ang uring namumuno sa rebolusyon. Ikalawa, ito ay para sa mga magsasaka, ang pinakamarami at pinakamatatag nating alyado sa rebolusyon. Ikatlo, para sa mga armadong manggagawa at magsasaka, ang Eight Route at New Fourth Army at iba pang armadong yunit ng mamamayan, na siyang pangunahing pwersa ng rebolusyonaryong digma. Ikaapat, para sa nagtatrabahong petiburgesyang lungsod at mga petiburgis na intelektwal, na kapwa mga alyado rin ng rebolusyon at may kakayahan sa pangmatagalang kooperasyon sa atin. Ang apat na klase ng mga taong ito ay bumubuo ng higit na nakararami sa bansang Tsino, ang pinakamalapad na masa ng sambayanan.

Ang ating sining at panitikan ay dapat para sa apat na uri ng tao na ating inihanay. Para mapaglingkuran sila, kailangang taglayin natin ang makauring paninindigan ng proletaryado at hindi ng petiburgesya. Sa ngayon, ang mga manunulat na nagtataglay ng indibidwalista at petiburgis na paninindigan ay hindi tunay na makapaglilingkod sa masa ng mga rebolusyonaryong manggagawa, magsasaka at mandirigma. Ang kanilang interes ay pangunahing nakatuon sa maliit na bilang ng petiburgis na intelektwal. Ito ang mahalagang dahilan kung bakit ang ilan sa mga kasama ay hindi wastong nalulutas ang suliraning "para kanino?". Hindi ko tinutukoy dito ang teorya. Sa teorya, o sa mga salita, wala sa ating hanay ang nagtuturing na mas mahalaga ang mga petiburgis na intelektwal kaysa masang manggagawa, magsasaka at mga mandirigma. Tinutukoy ko ay ang praktika, ang kilos. Sa praktika, sa kilos, mas minamahalaga ba nila ang mga petiburgis na intelektwal kaysa manggagawa, magsasaka at mandirigma? Sa palagay ko ay oo. Maraming kasama ang pinag-aabalahan ang pag-aaral sa mga petiburgis na intelektwal at pagsusuri sa kanilang sikolohiya, at nagkukunsentra sila sa pagsasalarawan sa mga intelektwal na ito, at binibigyang katwiran o ipinagtatanggol nila ang mga pagkukulang nito, sa halip na gabayan ang mga intelektwal para makiisa sa kanilang paglubog sa masa ng manggagawa, magsasaka at mandirigma, lumahok sa praktikal na pakikibaka ng masa, isalarawan at edukahin ang masa. Nagmula sa petiburgesya at bilang mga intelektwal mismo, maraming kasama ang nakikipagkaibigan sa mga intelektwal lamang at ikinukunsentra nila ang kanilang pag-aaral at pagsasalarawan sa kanila. Ang gayong pag-aaral at pagsasalarawan ay wasto kung nakabatay sa proletaryadong paninindigan. Ngunit hindi ito ang kanilang ginagawa o lubos na ginagawa. Taglay nila ang petiburgis na paninindigan at lumilikha sila ng mga gawa na sariling-ekspresyon ng petiburgesya, na masasalamin sa marami-rami ring produktong sining at panitikan. Madalas ay nagpapakita sila ng buong-pusong simpatya sa mga intelektwal na mula sa petiburgesya, hanggang sa puntong sumisimpatya at sa sukdula'y pumupuri sa kanilang kahinaan. Sa kabilang banda, ang mga kasamang ito ay bihirang makipag-ugnayan sa masa ng mga manggagawa, magsasaka at mandirigma, hindi umuunawa o nag-aaral tungkol sa masa, walang malalapit na kaibigan sa kanila at hindi mahusay silang isinasalarawan: kung inilalarawan nila ang masa, ang mga damit ay mga damit ng mga anakpawis ngunit ang mga mukha ay sa mga intelek-twal na petiburgis. Sa ilang bagay, nagigiliw sila sa mga manggagawa, mag-sasaka at mandirigma at mga kadreng mula sa kanila; ngunit may panahong ayaw nila sa masa; ayaw nila sa damdamin ng masa, sa kanilang kilos o sa kanilang payak na sining at panitikan (mga peryodikit sa dingding, myural, katutubong awit, katutubong kwento, at iba pa). Minsan ay natutuwa rin sila sa mga ito, ngunit ito ay kung may hinahanap lang silang kakaiba para palamnan ang kanilang mga likha, o para sa paghahagilap ng mga atrasadong katangian. Sa ibang pagkakataon, hayagan nilang inaalipusta ang mga bagay na ito at kumikiling sa mga bagay na galing sa petiburgis na intelektwal at kahit sa burgesya.Ang mga kasamang ito ay nakapako sa panig ng mga petiburges na intelektwal; o kung sasabihin ng mas elegante, ang kanilang kaluluwa ay kaharian pa rin ng petiburgesyang intelehensya. Kung kaya, hindi pa nila nalulutas o hindi pa malinaw na nalulutas ang suliraning "para kanino?". Ito ay totoo hindi lamang sa mga baguhan sa Yenan; kahit sa mga kasamang nanggaling na sa larangan at kumilos na nang kung ilang taon sa mga baseng erya at sa Eight Route at New Fourth Army, marami ang hindi pa ganap na nalulutas sa problemang ito. Kinakailangan ang mahabang panahon, sa pinakamababa ay walo o sampung taon; para malutas ito nang husto. Ngunit gaano man katagal, kailangan itong lutasin nang ganap. Kailangang magawa ang tungkuling ito ng ating mga manggagawa sa sining at panitikan; kailangang unti-unti nilang ilapat ang kanilang paa sa panig ng mga manggagawa, magsasaka at mandirigma, sa panig ng proletaryado, sa pamamagitan ng prosesong pagtungo sa kaibuturan nila at sa gitna ng praktikal na pakikibaka at sa proseso ng pag-aaral ng Marxismo at lipunan. Sa pamamagitan lamang nito, magkakaroon ng sining at panitikan na tunay na para sa mga manggagawa, magsasaka at mandirigma, isang tunay na proletaryadong panitikan at sining.

Ang usapin ng "para kanino ?" ay pundamental; ito ay usapin ng prinsipyo. Ang mga kontrobersya at paglihis, oposisyon at pagkakawatak-watak na sumusulpot sa hanay ng mga kasama sa nakaraan ay hindi pa kaugnay ng pundamental na usapin ng prinsipyo, kundi ng mga sekundaryong usapin o mga isyu pa nga na walang kinalaman ang prinsipyo. Gayunpaman, ang usaping ito ng prinsipyo ay walang gaanong paghahati sa dalawang nagtutunggaling panig at ipinapakita ngang may halos kumpletong pagkakasundo; sa isang antas, kapwa may tendensyang maliitin ang mga manggagawa, magsasaka at sundalo at ihiwalay ang mga sarili sa masa. Sinasabi kong sa "isang antas", dahil, sa pangkalahatan, ang mga kasamang ito ay hindi nagmamaliit sa mga manggagawa, magsasaka at mandirigma o inihihiwalay ang kanilang sarili mula sa masa sa paraang katulad ng sa Koumintang. Anu't anuman naroon ang tendensya. Hanggat hindi nalulutas ang pundamental na problemang ito, marami pang ibang suliranin ang hindi madaling malulutas. Isang halimbawa ay ang sektaryanismo sa mga sirkulo sa sining at panitikan. Ito rin ay usapin ng prinsipyo, ngunit ang sektaryanismo ay maaalis lamang kung ihahapag at matapat na ilalapat ang mga islogang "Para sa manggagawa at magsasaka!", "Para sa Eight Route at New Fourth Army" at ang "Tumungo sa Masa!". Kung hindi, hindi malulutas ang sektaryanismo. Sinabi ni Lu Hsun:

"Ang komon na layunin ay ang rekisito para sa nagkakaisang prente... Ang katotohanang ang ating larangan ay hindi nagkakaisa ay nagpapakitang hindi rin natin mapag-isa ang ating mga layunin, at ang ilang tao ay kumikilos para lamang sa maliliit na grupo at kanilang sarili. Kung lahat tayo ay naghahangad na paglingkuran ang masa ng manggagawa at magsasaka, ang ating hanay ay natural na nagkakaisa."[5]

Ang problema ay umiiral sa Shanghai, ngayon ito ay umiiral na rin sa Chungking. Sa mga lugar na ito, hindi madaling lutasin ang problema dahil sinusupil ng mga naghahari ang mga rebolusyonaryong manunulat at artista at pinagkakaitan sila ng kalayaan na tumungo sa masa ng manggagawa, magsasaka at mandirigma. Dito sa atin ay ibang-iba ang sitwasyon. Hinihikayat natin ang mga rebolusyonaryong manunulat at artista na maging aktibo sa pagbubuo ng malalapit na ugnayan sa mga manggagawa, magsasaka at mandirigma, binibigyan sila ng ganap na kalayaan na tumungo sa masa at lumikha ng tunay na rebolusyonaryong panitikan at sining. Kung gayon, dito sa atin ay malapit nang malutas ang problema. Ngunit ang nalalapit na kalutasan ay hindi katulad ng ganap na solusyon. Kailangan nating pag-aralan ang Marxismo at lipunan, tulad nang nasabi na natin, para makamit ang ganap na solusyon. Kapag sinabing Marxismo, ibig sabihin ay pagsasabuhay ng Marxismo na gumagampan ng epektibong papel sa buhay at pakikibaka ng masa, hindi lang Marxismo sa salita. Kapag ang Marxismo sa salita ay natransporma sa tunay na buhay, hindi na iiral ang sektaryanismo. Hindi lamang ang problema ng sektaryanismo ang malulutas, gayon din ang iba pang problema.



Previous | Table of Contents | Next

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.