Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  






Kultura Home Songs Ulos STR, Visual Artworks Poetry Prose
Ulos: Mayo 1, 2002
Ang Kahapon
TOC 1888-1942
Dakilang Unyonista’t Komunista
Crisanto “Ka Anto” Evangelista


Ipinanganak si Ka Anto, sa Meycauayan, Bulacan noong Nobyembre 1, 1888. Si Ka Anto ay nagsilbing pangkalahatang kalihim ng Union Impresores de Filipinas noong 1906 at naging tagapangulo nito noong 1918. Sa kanyang pamumuno, matagumpay na naisagawa ang mga collective bargaining agreements (CBA) bilang bahagi ng pakikipaglaban ng uring manggagawa para sa makatwirang dagdag na sahod at kabuhayan.

Dahil sa lumalalim na pag-unawa at paninindigan para sa uring anakpawis, naisulat ni Crisanto ang 16-estropang tulang may pamagat na Ang Sigaw ng Dukha noong 1913. Binigkas niya ito sa isang programa ng pagdiriwang sa ikalawang taon ng Kapisanang Damayang Mahihirap.

Tumayo siya bilang tagapagtatag at organisador ng pederasyong Congreso Obrero

de Filipinas (COF) noong taong 1913. Dahil sa pagsulong ng militanteng kilusang manggagawa, at sa pagnanais ng kolonyal na pamahalaang Amerikanong pahupain ang pagkilos ng mga manggagawa, hinirang ni Manuel L. Quezon si Ka Anto sa Misyong Pangkalayaan bilang kinatawan ng uring manggagawa. Sa halip na umasa sa Estados Unidos, umugnay si Ka Anto sa mga sosyalistang lider-manggagawa ng Amerika. Sa kanyang pagbalik sa Pilipinas, tangan niya ang syentipikong sosyalistang teorya ng pagbabago sa lipunan.

Sa panahong ito, sinulat ni Ka Anto ang manipestong Manggagawa: Ano ang Iyong Ibig? (1925). Binalangkas at binuod niya dito ang mga kahilingan ng proletaryado sa aspetong panlipunan at pangrelihiyon.

Sa pagkakahati ng COF sa dalawang magkaibang pampulitikang linya, naisulat ni Ka Anto ang manipestong Nasyonalismo-Proteksyonismo vs. Internasyonalismo-Radikalismo na nagsilbing manipesto ng itatayong Katipunan ng Anakpawis sa Pilipinas (KAP).

Sa manipestong ito, nanawagan si Ka Anto ng kagyat na pagtatayo ng mga komite sa pagawaan bilang pangunahing hakbang sa pagbubuo ng unyon sa mga industriya. Itinakwil nito ang kanang-panig na linya na nagsabing ang kalutasan ng mga suliranin ng manggagawa ay nasa mapayapang relasyon sa pagitan ng kapital at paggawa. Binigyang diin din niya dito ang pangangailangan sa pambansang soberenya, at higit sa lahat ang konsepto ng nagkakaisang prente at ang internasyunal na pakikipagkapatiran sa mga kauring manggagawa at unyon:

"Ang magsabing ang Pilipinas ay mabubuhay nang hindi lalabas sa guhit ng kanyang pagkabansa, o hiwalay sa malawak na daigdig, kung di man mga lorong natutong magsalita dahil sa pinutlan ng dila ng nakabiling panginoon, ay mga tunay na karilyong may pising nagpapagalaw sa dakong likod.

Iyan ang dahilan kaya kami naging Internasyonalista; kaya kami nakikipag-talastasan, nakikipagkaibigan at nakikitulong sa pandaigdig na kilusang manggagawa. Ang kalaban ng ating bayan, maging sa gawi ng ekonomika at maging sa dako ng pulitika ay hindi pambansa lamang kundi pandaigdig. Kung pandaigdig, kailangan nating humanap ng paraan upang makiisa sa mga kilusang pandaigdig na kalaban ng imperyalismong internasyonal. Dapat tayong makiisa.mga tulad nating kolonya.makipag-unawaan, makisama at makipagkaibigan at makipagtulungan sa mga manggagawa sa mga bansang kapitalista at imperyalista upang sa pamamagitan ng pagtutulungan at sabay-sabay na paglaban ay mapapanghina natin ang imperyalismong Pandaigdig na kalaban ng ating bayan.lahat ng kolonya at. ng kanilang mga manggagawa at magbubukid na kalahi at kababayan."

Sa pamumuno ni Ka Anto at ni Antonio Ora, itinayo ang Katipunan ng Anakpawis sa Pilipinas (KAP) noong Mayo 12, 1929. Natipon dito ang may 130 delegado mula sa 22 unyon at asosasyon, mga samahang magsasaka sa ilalim ng Kalipunang Pambansa ng mga Magsasaka sa Pilipinas (KMMP), kinalaunan ay pati mga manggagawa ng tabako.

Inihanda ng KAP, sa isang mapanubok na panahon, ang masang manggagawa't magsasaka para itatag ang isang partido pulitikal ng masang anakpawis na nakipaglaban para sa pambansang kalayaan.

Sa pagsulong ng makauring kamalayan ng mga manggagawa, naitatag ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa pangunguna ni Ka Anto noong Agosto 26, 1930. Sa bandila ng Marxismo-Leninismo, ang PKP bilang rebolusyonaryong alyansa ng uring manggagawa at magsasaka ay naglayong pabagsakin ang imperyalismong EU at isulong ang sosyalistang rebolusyon.

Matapos ideklara ng kolonyal na Korte Suprema na iligal ang PKP noong Disyembre 1933, naganap ang sunud-sunod na pag-aresto sa mga manggagawa at lider-obrero kabilang na si Ka Anto na ipinatapon sa malayong lalawigan.

Hindi alintana ang lungkot at demoralisasyong dulot ng pagka-destiyero, isinulat ni Ka Anto noong 1934 sa Araw ng Paggawa, ang manipestong Pagbabangon ng Bayang Dukha ang Katuturan ng Pasko ng mga Manggagawa na Ipinagbubunyi:

"Ang unang araw ng Mayo, na siyang Pandaigdig na Araw ng Paggawa, ay hindi isang araw na pangkaraniwan lamang. Iya'y hindi likha lamang sa pamamagitan ng batas o sa kagandahang-loob ng mga burges. Iya'y araw na isinilang at nakilala sa larangan ng madugong labanan ng mga uri (class struggle). Ang kanyang kasaysaya'y may kakambal na di-madalumat na pagpapakasakit, ng magiting na pakikibaka ng mga dukha laban sa uring manlulupig at manghuhuthot. Iya'y hindi lamang ukol sa ikaiiksi ng oras ng paggawa, hindi lamang sa ikatataas ng sahod, hindi lamang sa ikabubuti ng pasunod sa pagawaan at kabukiran o sa pansamantalang ikaluluwag sa kabuhayan ng sambayanang api. Higit sa lahat, ang Unang Araw ng Mayo ay isang araw ng pagtutol at paglaban sa kaparaanang kapitalista na nakasalalay sa paghuthot at paglupig. Sa araw na iyan ay iminulat ang mga anakpawis sa katotohanang sa pamamagitan ng pakikibaka matutuklasan ang kanilang ganap na ikatutubos."

Oktubre, 1937 nang bumalik si Ka Anto mula sa pagka-destiyero sa Mountain Province. Tumungo siya sa Rusya upang ipagamot ang kanyang tuberkulosis. Samantala, pinaghahandaan na ng PKP ang lumalaking banta ng pasismo sa daigdig at pagbubuo ng popular na prente laban dito sa panawagan ng Communist International. Noong Agosto 1938, sa manipestong Ang Mobilisasyon ng Pilipino Laban sa Pananalakay ng Hapon, nagpahayag ang PKP ng kahandaang makipagkaisa sa lahat ng partido, grupong pampulitika at mga organisasyong manggagawa at magsasaka.

Sa kagustuhang magparami kaagad ng kasapian, pumayag ang PKP sa pagsasanib nito at ng Partido Sosyalista (na may baseng magsasaka). At sa isang kumbensyon noong Oktubre 29-31, 1938 ay pinagsanib ang dalawang partido. Nahalal si Ka Anto, kahit hindi nakadalo, bilang pangulo, at si Guillermo Capadocia bilang pangkalahatang kalihim. Ang pagsasanib na ito ay nagbunga ng pagpuslit ng mga elementong petiburges na kalauna'y nagdulot ng mga kahinaan sa partido.

Sa pagtatapos ng 1939, nabuo ang isang nagkakaisang prenteng antipasista. Sa panahong ito ay nakabalik na si Ka Anto sa agos ng rebolusyonaryong kilusan. Noong Disyembre 7-10, 1941, sa kagyatang pulong ng Komite Sentral ng PKP, pinagtibay ang armadong paglaban sa mga mananakop na Hapon. Sa taon ding ito inilathala ni Ka Anto ang kanyang mahabang sanaysay na antipasista na may pamagat na Patnubay sa Kalayaan at Kapayapaan. Binalangkas dito ang pangkabuuang programa ng pagkilos ng prente popular o antipasistang nagkakaisang prente. Pumasok ang mga Hapon sa Maynila noong Enero 2, 1942.

Noong Enero 25, 1942, sabay-sabay na pinaghuhuli ang pangunahing lider komunista na sina Ka Anto, Pedro Abad Santos, Guillermo Capadocia, Del Rosario at Dr. Anchahas at ikinulong sila sa Fort Santiago. Pinahirapan at pinatay sina Ka Anto at Del Rosario. Pinalaya pagkatapos ng ilang taon sina Abad Santos, Capadocia at Dr. Anchahas.

Mula sa kanyang pagkamulat hanggang sa paslangin ng mga pasistang Hapon, hindi bumitiw si Crisanto Evangelista sa kanyang mithiing bigyan ng maaliwalas na bukas ang uring anakpawis. Sadyang hindi na matatawaran ang kanyang lugar at kontribusyon sa pagsulong ng kilusang manggagawa at rebolusyon.



Previous | Table of Contents | Next

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.