Sa diwa ng mga turo ng dakilang proletaryong guro na si Kasamang Mao Zedong, mahigpit na nakikiisa ang Rebolusyonaryong Konseho ng Kilusang Unyon (RKKU) sa mga rebolusyonaryong manggagawang pangkultura sa okasyon ng ika-13 anibersaryo ng Artista at Manunulat ng Sambayanan (ARMAS).
May batayan ang pagiging magka-alyado natin sa ilalim ng Pambansa-demokratikong Prente ng Pilipinas. Parehas tayong mga parte ng isang buong rebolusyonaryong kilusan, mga integral na bahagi ng isang kabuuan. Kung ang inyong mga likhang-sining ay naihambing sa mga granahe, ang mga rebolusyonaryong unyon naman ay di miminsang naihambing sa mga "transmission belt" ng makina (o katuwang ng Partido ng proletaryado para abutin ang masang manggagawa).
Maaaring umangal ang ilan sa mga artista't manunulat na ihambing ang kanilang mga Musa sa sining sa simpleng mga pyesa ng makina. Huwag naman sana silang magbalat-sibuyas. Makina po talaga ang hawak-hawak ng manggagawa sa produksyon. Pinakamalapit lamang sa amin na maihambing ang ating mga gawain sa paggalaw ng isang buong produktibong makinarya.
Batid namin na pinaghuhusay ninyo ang gawaing pangkultura sa diwa ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto. Dahil dito, nagiging malaman, makabuluhan, at makinis ang mga obra na inyong nalilikha. Patunay ang Ulos na kinagigiliwan ng mga manggagawa at tusuk-na-tusok sa pangangailangan namin sa kultura't edukasyon. Syempre pa, nagrereklamo ang iba at nanunumbalik na naman daw ang "poster-and-slogan poetry", mga dulang tila "Chinese opera",o "mga taas-kamaong biswal". Inggit lang sila. Napawi na kasi ang haluan ng tama't maling linya at ang mga reject ay nasa basurahan na.
Habang nagpapakahusay kayo sa iba't ibang disiplina sa sining, na magagawa lamang sa piling ng masa at paglahok sa aktwal na pakikibaka, kaming mga manggagawa ay lalo namang nagiging inspirado at militante sa aming mga pakikibaka. Aasahan namin ang patuloy ninyong aktibismo sa aming mga pabrika't komunidad, gayundin sa demokratikong kilusang protesta sa pagpapatalsik sa rehimeng US-Estrada kaagapay ng pagsusulong ng ating matagalang digmang bayan sa mas mataas at bagong antas. #
|