Kung ang buhay ay isang maaliwalas na langit,
may ngiti't sinag ng araw
at maging ang gabi'y maningning at payapang
kandungan ng mahimbing na pagtulog
na may magagandang panaginip
Hindi sana kami mawawalay
mapag-arugang haplos ng inyong mga kamay.
Subalit may panahong dinadalaw ang langit ng
maiitim at makapal na ulap
Unti-unting tinatakpan ang aliwalas nito't sinag ng araw,
at ningning ng gabi
Gayon din ang dala nitong kulog at kidlat
sumisira sa mahimbing naming pagtulog
at mumunting pangarap na makapiling kayo
minamahal na magulang.
Noon pa ma'y naiintindihan ko na kung
bakit kailangan malayo kami sa inyo
Sapagkat ang landas na inyong tinahak
ay masyadong marahas para sa isang bata
At ang lahat ng inyong pagsisikap ay
para din sa amin.
At ngayong malaki na ako't kapiling na kayo
mas lalong tumingkad ang aking paggagap
sa pakikibakang pinagbubuhusan nyo ng
pawis at buhay
Pawis at buhay na nakalaan sa amin
at sa uring inaapi't inaabuso ng
naghaharing uri.
|