Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  






Kultura Home Songs Ulos STR, Visual Artworks Poetry Prose
Ulos: Mayo 1, 2002
Sanaysay
TOC 1911-1956
Pagpapasiklab sa Apoy ng Rebolusyon:
Si Carlos Bulosan at ang Kanyang mga Sulatin


Ipinanganak noong Nobyembre 2, 1911, si Carlos Bulosan ay lumaking nagtatrabaho sa mga bukid ng munggo at katulong ng ina sa pagtitinda ng gulay at bagoong sa Binalonan, Pangasinan. Noong 1930, sinundan niya ang kanyang dalawang nakatatandang kapatid sa Estados Unidos. Pagdating sa Seattle, Washington, siya at ang kanyang mga kapatid ay napabilang sa 56,000 migranteng Pilipino na nanirahan at nagtrabaho sa Amerika sa mga unang taon ng 1930�s.

Karamihan sa mga Pilipinong migrante sa Amerika sa panahon ni Bulosan ay mga lalaking manggagawa. Nabuhay sila nang halos isang kahig isang tuka, nakipag-sapalaran sa tinatawag na seasonal jobs. Ang mga nakatira sa kanlurang bahagi ay nagtrabaho sa mga bukid ng strawberry, gulayan at asparagus sa California mula Mayo hanggang Hunyo, pagkatapos tutungong pahilaga pagdating ng Hulyo at Agosto sa Seattle, hanggang mapadpad sila sa pagawaan ng mga salmon sa Alaska. Mula Setyembre hanggang Nobyembre, sa iba't ibang pitasan ng mansanas sa Washington at mga taniman ng munggo sa bahagi ng California naman sila. Pagkatapos, tuwing taglamig, sila naman ay mga waiter, bellboy o tagahugas ng pinggan sa Los Angeles at San Francisco.

Ang pangyayaring Great Depression (ang matinding krisis pang-ekonomya sa Amerika noong dekada 1930) ay may malaking epekto sa buhay ng mga migranteng manggagawang ito. Nasadlak ang mga Pilipino sa pagsasamantala ng kanilang mga amo, diskriminasyon, harasment, at tahasang karahasan mismo mula sa mga Amerikano sa pag-aakalang silang mga Pilipino ay "dayo" na kakumpetensya sa trabaho. Ang krisis na ito ang magdadala sa kanila sa mundo ng unyonismo at aktibismo. Sa umpisa, nadiskubre ng mga manggagawang Pilipino na ang mga Amerikanong organisasyong pangmanggagawa - laluna ang kilalang American Federation of Labors - ay hindi interesadong isali ang mga "dayo" sa organisasyon. Gayunpaman, hindi sila napanghinaan ng loob. Naglunsad sila ng mga welga at protesta. Matibay na nanindigang huwag itigil ang mga welga at nakipaglaban para sa kontrata sa paggawa.

Dahil sa mahinang pangangatawan, hindi nakayanan ni Bulosan ang palagiang gawaing manual gaya ng ginagawa ng maraming migrante. Pero lagi siyang bumibisita sa mga bukid at nakikipag-usap sa mga Pilipinong manggagawa ukol sa kanilang kalagayan at karanasan, nakikipag-ugnayan sa mga lider ng unyon at iba pang aktibista. Noong nagpapahinga siya sanhi ng mapanganib na tuberkulosis, nagbasa nang puspusan si Bulosan ng mga babasahing Marxista at Sosyalista. Ang kanyang umusbong na pagkamulat sa pulitika at ang kanyang malalim na pagsimpatya sa kalagayan ng mga manggagawang Pilipino ang nagpaalab sa kanyang pagnanasang isiwalat sa kanyang mga sulatin ang mga pang-aapi at pagsasamantala sa kanila bilang mga "destiyero sa Amerika."

Ang mga karanasan ng manggagawang Pilipino ay malinaw na naipakita ni Bulosan sa kanyang unang nobelang Nasa Puso ang Amerika (1946). Bilang personal na kasaysayan, binigyan niya ng bagong kahulugan ang salitang "personal" sa pamamagitan ng pagpapakita sa ugnayan ng karanasang personal sa panlabas na daigdig. Ipinakita rin niya na ang pansariling karanasan ay may kolektibo - at sa gayo'y pulitikal - na dimensyon. Ayon sa kanya, ang buhay ng isang indibidwal ay ginagalawan ng mas malaking pangkasaysayan at panlipunang pwersa tulad ng kolonisasyon ng Amerika sa Pilipinas na nagdulot ng migrasyon ng mga Pilipino sa Amerika. At ang buhay ng isang indibidwal ay nagkakaroon lamang ng kaunting dangal at halaga kung ito ay nakalaan sa pagpapaunlad hindi lamang ng sarili kundi ng buhay ng buong mamamayan.

Para kay Bulosan, ang pagsusulat at pulitika ay lubos na magkaugnay. Sa sanaysay na Ang Aking Pinag-aralan, nagwika si Bulosan na humalaw siya ng inspirasyon sa kanyang aktibong pakikilahok sa kilusang manggagawa. "Ang pinakamapagpasyang kilos ng isang manunulat," dagdag pa niya, "ay ang manindigan para sa mga manggagawa." Hindi niya tiningnan ang pagsusulat bilang hiwalay sa realidad na kanyang nasaksihan. Para sa kanya ang paggawa ang pinakamahalagang isyu; ang pagkabig sa suporta ng mga intelektwal at abanteng sekyon ng proletaryo.

"Ang aking mga pananaw sa pulitika at ekonomya ay nasa aking mga sulatin," wika niya, "pero mas kongkreto sa aking mga tula." Sa isang makabagbag-damdaming tula, Kung Nais Ninyong Makilala Kung Sino Kami, pinuri ni Bulosan ang potensyal ng rebolusyon at ang lakas ng mapanlikhang paggawa na bubuo at babago sa daigdig at ng kinabukasan ng makataong paggawa, samantalang isinisiwalat niya ang pagsasamantala at di-makataong sistemang kapitalista:

Mahalagang pansinin na ang mga unang sulatin ni Bulosan ay naglalaman ng pagtanaw na hiwalay ang karanasan ng mga Pilipinong manggagawa sa Pilipinas at sa karanasan naman nila sa Amerika. Nang lumaon, nailinaw niya ang ugnayan ng mga ito. Sa kanyang maikling kwentong Pagbabalik, ang 27-taong gulang na si Mariano ay bumalik sa Pilipinas matapos na magtrabaho ng 12 taon sa Amerika. Ngunit nadismaya siya sa kanyang dinatnan sa kanyang pagbabalik-bayan. Nakita niya na ang kahirapan ng kanyang pamilya ay kaugnay ng kanyang naranasan. Para siyang isang lalaking galing sa gabi at lumabas sa umaga, at nakita niyang liwanag ay nakakabulag din tulad ng kadiliman.

Nakita ni Bulosan ang halaga na pag-ugnayin-kapwa sa isip at sa pulitika- ang pakikibaka ng mga manggagawang Pilipino sa Amerika sa pakikibaka naman ng mga Pilipinong magsasaka at manggagawa sa Pilipinas mismo. Ang kanyang hindi natapos na obra, Ang Hibik at ang Pag-aalay, ay tungkol sa pakikipagsapalaran ng pitong gerilya ng Huk na binigyan ng misyon sa Maynila para hanapin ang isang Pilipino, si Felix Rivas, na galing ng Amerika at may dalang pera na pangsuporta sa kilusang Huk. Kapansin-pansin na isa sa mga gerilya ay isang manunulat, si Dante. Si Dante ay matagal nanirahan sa Amerika bilang manggagawa-aktibista bago nagdesisyong bumalik sa Pilipinas para makilahok sa pakikibaka sa bansa.

Sa mga katauhan nina Felix Rivas at Dante, ipinakita ni Bulosan ang ugnayan ng iba't ibang pakikibaka ng mga inaapi sa iba't ibang bahagi ng daigdig.

Noong 1950's pinalakas ang takot na anti-Komunista ng imperyalismong US para pahinain ang lumalakas na antikolonyal at makabayang pakikibaka na nangyayari hindi lamang sa Pilipinas, kundi sa iba pang bahagi ng daigdig tulad ng Asya at Africa. Mismong si Bulosan ay naging biktima ng witch-hunting na ito dahil inilagay sa blacklist ang kanyang mga sulatin na naging sanhi ng kanyang paghihirap at maagang pagkamatay.

Bago siya mamatay, isinulat na ni Bulosan ang kanyang sariling pag-alaala, na nakaukit sa nitso sa Seattle kasama ang hugis ng panulat at papel na mariing kuyom ng kamay: "NARITO, NARITO ANG NITSO NI BULOSAN, NARITO NARITO ANG KANYANG MGA SALITA, KASINGTUYOT NG MGA DAMO." Ang paniniwala ni Bulosan sa pakikibaka para sa kalayaan ng milyong mamamayan sa buong daigdig ay nakikita pa rin maski sa sulat sa kanyang nitso. Batid ni Bulosan ang katangian ng tuyong dahon na madaling mag-apoy. Ngunit higit pa rito, naintindihan niya (at nakikita niya) ang katotohanang pagkatapos ng kanyang kamatayan, ang kanyang mga salita ay patuloy na magpapaliyab sa apoy ng rebolusyon.



Previous | Table of Contents | Next

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.