Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  






Kultura Home Songs Ulos STR, Visual Artworks Poetry Prose
Ulos: Setyembre 2000
Sanaysay II
TOC Pulang Altar ng Silangan


Nang gabi bago ng maligayang araw, kami ni Kasamang Josie ay naghuntahan habang sumisimsim ng mainit na kape sa kusinang hindi nawawalan ng tao. Kapapanood lamang namin ng The East Is Red (Ang Silanga'y Mapula), ang isinapelikulang dula tungkol sa rebolusyonaryong pakikibaka at tagumpay ng Tsina sa pamumuno ni Tagapangulong Mao Zedong. Nagmistulang punung-puno na sinehan ang mahabang mesang kahoy sa pagkulumpon ng mga kasamang aliw na aliw at napapahanga sa engrandeng produksyong ito noong 1965, na muling binuhay sa 14-pulgadang iskren ng notbuk kompyuter. May bahid ng pagkamuhi sa ilan bunga ng kasalukuyang paglihis sa Tsina; pagkatapos ng palabas, napailing ang isang kasama na sayang talaga ang dating sosyalistang Tsina.

Ngunit para kina Kasamang Josie at Manuel na magpapakasal bukas, 'ika nga'y, mapula ang silangan. Si Bay Josie ay kumilos sa Maynila ilang taon lamang ang nakalilipas. Magtatatlong taon na siyang pultaym dito sa Samar. Noong una, patawa niyang sabi, nahirapan din siya nang husto sa bagong buhay rebolusyonaryo dito sa kanayunan, laluna sa mahahabang lakaran sa matatarik, ma-igang at mapuputik na bundok. Hindi nga lang dalawang paa ang ginagamit niya, kundi lima: ang dalawang paa't kamay, pati na'ng puwet! Sa pagdaan ng panahon ay naigpawan na rin niya ang kanyang mga kahinaang pisikal; syempre, patuloy ang mas malalimang pagreremolde ng sarili bilang proletaryadong rebolusyonaryo.

Ang kanyang magiging kabiyak, si Bay Manuel, ay isa sa mga kadreng nagpunla dito sa rehiyon. Sa kanilang pag-iisang-dibdib, pabirong sabi nga ni Bay Josie, magtatagpo ang una at ikalawang dakilang kilusang pagwawasto ng Partido! Noong una'y naging mahiyain siya dahil sa agwat ng kanilang gulang, kayat ninais nga nilang magpakasal na ang kanilang yunit lamang ang dadalo, at malalaman na lamang ng iba pang mga kasama kung tapos na. Ito ay naging isang suliranin na pareho nilang kinailangang bakahin. Subalit ang nangyari ay kabaligtaran ng inaasahan.

Matutuloy ang kasal nitong Pebrero 5 sa isang pagtitipon ng mga kadre ng rehiyon para idaos ang Intermedyang Kurso ng Partido. Sa anu't ano pa man, at sa tulong ng kolektiba, naresolba na rin nila ang ganitong bagahe at iba pang mga problema sa kanilang relasyon. Tinanong ko siya kung ano ang nararamdaman niya sa bisperas ng kanyang kasal. Ngumiti siya at sinabing nahahati sa pagitan ng pagkamangha at kasiyahan, nangangatog ang tuhod, at nagagalak na di mo maintindihan. Pinagkatuwaan naming alalahanin ang mga dating kasamahan sa kilusang kabataan-estudyante na ngayo'y maliligaya na sa buhay mag-asawa. Ilang sandali lamang at nagpaalam si Bay Josie dahil may pagpupulong pa ang mga isponsor ng kasal.

Araw ng Kasal

Abalang-abala ang buong kampo ngayong umaga ng Pebrero 5. Syempre, ang bukambibig ng lahat ay ang napipintong pag-iisang-dibdib nina Kasamang Josie at Manuel ngayong alas 3:00 ng hapon. Sa kubo na tinitirhan naming mga bumibisitang kasama mula sa Ulos, naghahanda si Bay Leroy ng isang watercolor poster na gagamitin sa kasal at naglalarawan sa dalawang magkasintahan. Inaayos din ni Kasamang Rodel sa kompyuter ang sertipiko ng Partido sa kasal.

Doon naman sa iskulhaws na yari sa troso at may kulay bughaw na bubungang plastik, ang ilang mga kasama ay nag-aayos ng arko na yari sa pakol, puno ng saging, at mga bulaklak. Sa isang sulok ng iskulhaws, nag-eensayo ang korong kakanta sa seremonya ng apat na awitin: Walang Hanggang Paalam, Awit sa Kasal, Awit ni Canoplin at Kasama.

Mas lalong magulo sa kusina, kung saan pawisan ang istap ng komite sa pagluluto. Ang kanilang inihahanda ay siopao at biko para sa humigit-kumulang na 80 katao. Si Kasamang Luis ang punong tagapagluto, at dinidirihe ang pag-aayos ng mga putahe. May sorpresang handog din ang isang larangan na nag-ambag ng isang litson!

Natuloy ang pangakong ulan ng kanina pang maulap na langit. Ngunit masaya ang mga kasamang nasa iskulhaws nang magsimula ang seremonya mga lampas alas 3:00 ng hapon. Hindi tulad ng burges na kasal, ang mga ikakasal ay nakaupo na nakaharap sa mga dumalo, simbolo ng kanilang pananagutan hindi lamang sa isa't isa kundi pati na rin sa rebolusyonaryong kilusan at masa.Taas-kamaong inawit ang Internasyunal. Sumunod na nagbigay si Kasamang Pio ng pambungad na pananalita, isang pahayag ng kasiyahan sa magaganap na rebolusyonaryong kasal. Pagkatapos ay tumayo si Bay Josie upang basahin ang pagtatasa ng kolektib tungkol sa kanilang relasyon ni Bay Manuel.

Nakangiti at mangilid-ngilid ang mga luha ng kasiyahan ni Bay Josie habang binaybay niya ang istorya ng kanilang pagmamahalan. Naging dahilan nga ng kanilang pag-a-agam-agam ang agwat sa kanilang gulang, bagay na nalampasan dahil totoong nag-iibigan ang dalawang kasama. Isa pang naging suliranin ay ang dala-dala pang burges na peminismo ni Bay Josie. Halimbawa, sa mga mahahabang lakarin ay hindi siya nagpapatulong kay Bay Manuel kahit nahihirapan sa mabigat na pasanin, dahil sa burges-peministang pananaw na kailangang patunayang malakas ang mga kababaihan. Si Kasamang Manuel naman, sa kabilang panig, ay may mga kahinaan rin tulad ng beteranong mentalidad. Sa ilang pagkakataon, hindi niya pinapakinggan ang mga mungkahi ni Bay Josie dahil sa pagtingin niyang baguhan pa lang ang kasama.

Pagkatapos ng pagbasa ng pagtatasa, ibinukas ang hapag para sa mga nais magtanong sa mga ikakasal. May isang tanong para kay Bay Manuel na personal ang katangian: bilang sagot, isinalaysay ng kasama ang mga nadaanan na niyang relasyon. Pagkaraka'y nagbigay ng mga mungkahi ang mga isponsor ng kasal, tungkol sa pagiging laging bukas sa isa't isa at laging pagtutulungan sa paggampan kapwa sa gawain sa rebolusyon at sa relasyon. Pinaalala ng isang isponsor ang kahalagahan ng pag-alaga sa mga personal na pangangailangan ng isa't isa, maging personal man o pisikal.

Sa harap ni Kasamang Pio, sumumpa sina Kasamang Josie at Manuel sa dokumento ng kasal, na nagsasaad:

"Kami, sina Kasamang Josie at Manuel, ay kusang loob na nagkakaisang-dibdib bilang mag-asawa sa araw na ito.

"Bilang mga kasapi ng Partido, buong puso kaming nakatalaga sa pagtupad sa aming tungkulin sa rebolusyon at puspusang magsisikap upang ito'y isulong.

"Nanunumpa kaming tutupdin ang mga tungkulin sa isa't isa at igagalang ang karapatan ng isa't isa alinsunod sa mga tuntunin ng Partido tungkol sa kasal.

"Walang sinuman sa amin ang maaaring humiwalay sa aming relasyong mag-asawa nang walang makatarungang dahilan at nang walang pahintulot ng Partido.

"May karapatan kaming sumangguni sa Partido at humingi ng payo rito kailanma't may suliranin kami. May karapatan din ang bawat isa sa amin na magharap ng anumang kahilingan sa ikatutupad ng aming kasunduan bilang mag-asawa.

"Kami ay nanunumpa na walang sinuman sa amin ang magiging hadlang sa pangkalahatang kapakanan ng rebolusyon at ng mamamayan."

Samantala'y matamis na inaawit ng koro ang Awit sa Kasal:

"Kasama, tanggapin mo

Itong pag-ibig kong walang kapantay

Na inaalay sa iyo at sa masa

Taos-pusong ipatupad natin

Tungkulin sa bawat isa

Sa iyo, sa akin at sa masa."

Maya-maya pa'y nagpapalakpan at nagsisigawan ng "Mabuhay ang bagong kasal!" Nakikipagkamayan ang lahat kina Bay Manuel at Bay Josie. Pagkatapos ay sugod na sa kusina para sa kainan at sa isa pang tagumpay-ang marasang mga luto nina Kasamang Luis!

Kuratsa, cha-cha at iba pa

Hindi nagtapos ang kasiyahan sa hapag-kainan ni Bay Luis, na tunay na nagpabusog sa mga nagdidiwang na mga kasama at masang bisita. Hinintay lamang ng lahat na tumila ang napakalakas na buhos ng ulan, bago tumuloy muli sa iskulhaws para sa isang gabi ng sayawan at mga pangkulturang handog sa mga bagong kasal. Matamang nakinig muna ang lahat sa bagong dating na rekording ng Alab ng Digmang Bayan, ang koleksyon ng mga rebolusyonaryong awitin ng dekada '70.

Buhay na buhay na ang lahat nang humupa na ang sumpong ng langit. Ang palabirong si Kasamang Ariel ang tagapagdaloy ng programa. Una niyang tinawag sina Kasamang Josie at Manuel para sa kuratsa, ang romantikong sayaw dito. Nagkakatuwaan ang lahat sa pagbuo ng mga pares sa kuratsa, lalo na kung mga kilalang mahuhusay sumayaw nito ang itinatawag. Kung dalawa o higit pa ang itinawag, lalong natutuwa ang lahat sa pagmasid kung sino ang pinakamatagal na makasayaw!

May mga binuo ring grupo para sa cha-cha, at napasubo ang mga kasama sa Armas, na parehong kaliwa ang mga paa kung sayawan lamang ang pag-uusapan! Nagulat naman ang lahat at mainit na pinalakpakan ang pagtatanghal ni Kasamang Luis, na pinatunayang hindi lamang siya mahusay sa usaping pagluluto kundi pati sa pangkulturang pagtatanghal. Nang tinawag ang pangalan niya'y bigla siyang pumasok, nakadamit na pulang-pula, at marubdob na inawit ang Paglingkuran ang Sambayanan. Binigyan naman ni Kasamang Rodel ng interpretasyon, sa tulong ni Kasamang George, ang tulang "Ipinagmamalaki Nila" na mula sa Agosto 1999 na isyu ng Ulos. Ito'y tungkol sa pasistang karahasan, at mahusay na inilarawan ang paghihimagsik ng biktima ng tortyur laban sa sindak ng pasismo.

Parang ayaw nang magpahinga ng mga kasama sa pagtatanghal. Ngunit marami pang mga gawain bukas at medyo naaantok na rin ang iilan na paisa-isang umuwi sa kani-kanilang kubo. Lumalalim na ang gabi nang isinara ang kasiyahang puno ng tawanan, kantiyawan at galak para sa mga bagong kasal.#



Previous | Table of Contents | Next

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.