Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  






Kultura Home Songs Ulos STR, Visual Artworks Poetry Prose
Ulos: Mayo 1, 2002
Ang Kahapon
TOC Mga Dakilang Lider-obrero at Manunulat


Mabilis na sumulong ang monopolyo kapitalismo sa mga taon ng 1920. At sa mabilis na paglawak ng industriya at pangangalakal sa Pilipinas (na bagamat sa kalakhan ay atrasado at agrikultural), lumaki ang bilang ng uring manggagawa sa bansa.

Sa Pilipinas, unang sumibol ang mga manggagawa sa mga riles, pantalan, asukarera, pabrika ng tabako at sigarilyo, imprenta, talyer, bahay kalakal at iba pa.

Mula sa mga gremio (ang unang mga organisasyong manggagawa sa Pilipinas), nabuo ang mga unyon bilang resulta ng pang-ekonomyang pagsasamantala at pagpasok ng mga komunista at sosyalistang ideya mula sa Kanluran.

Nakatulong ang pag-unlad ng sistema ng transportasyon at komunikasyon sa pag-usbong ng mga unyon ng manggagawang Pilipino. Napabilis nito ang ugnayan ng mga manggagawa mula sa iba't ibang lugar. Pero ang pakikibaka laban sa pang-ekonomyang pagsasamantala at dayuhang kontrol at para sa pampulitikal na kalayaan, ang nagtakda ng mga kondisyon para sa pagsulong ng kilusang manggagawa sa Pilipinas sa maagang panahon nito.

Sa pakikibakang ito, naging mahalagang armas ng proletaryong kilusan ang mga dyaryo. Maraming pang-manggagawang pahayagan at peryodiko ang nagsilbing mitsa ng pagmumulat at pagtataas ng makauri at pampulitikang kamalayan ng mga manggagawa, hanggang sa pag-usbong at pagsulong ng mga unyon at pederasyon ng manggagawa.

Sumulpot ang mga manunulat sa Tagalog tulad nila Hermenegildo Cruz, Lope K. Santos, Faustino Aguilar, Gabriel Beato Francisco at Carlos Francisco. Inilabas nila ang mga pahayagan at magasing tulad ng Balagtas (1907), Razon at ang bersyong Tagalog nito na Katwiran (1900), ang lingguhang dyaryo na Oras at ang Trabajo (1919). Ang Manggagawa ay lumabas naman noong 1927. Ang buwanang tagalog na pahayagang Himagsikan na naging dyaryo ng KPMP (Kalipunang Pambansa ng mga Magsasaka sa Pilipinas) ay lumabas noon ding 1927. Sinuportahan at itinaguyod nito ang militanteng panawagan ng armadong pakikibaka para sa pambansang kalayaan.

Bukod sa mga artikulo at balitang tumalakay sa usapin ng paggawa, naglathala rin ang mga pahayagang ito ng mga tulang nagpupugay sa paggawa, nagtataguyod sa karapatan ng mga manggagawa para sa malayang asembliya at nananawagan ng welga at protesta.

Lumabas din sa panahong ito ang Katubusan, Anakpawis (Pahayagang tagapamansag ng Kalipunang Pambansa ng mga Magbubukid sa Pilipinas), Manananggol (Pahayagan ng Samahan sa Pagtatanggol ng mga Manggagawa at Magbubukid), at ang Lagablab (Pahayagan ng Union de Servidores de Filipinas).

Halos mag-iisang taon pa lamang matapos ang makasaysayang pagkakatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas noong Nobyembre 7, 1930, inilabas kaagad nito noong 1931 ang upisyal na pahayagan nitong Titis. Nilayon nitong pataasin ang makauri at pampulitikang kamalayan ng mga manggagawa at magsasaka.

Noong Mayo 2, 1931 isyu, idiniin nito, bukod sa iba pang bagay, ang rebolusyonaryong pakikibaka laban sa umiiral na sistema sa pamumuno ng uring dala ang radikal na tanikala. Tinukoy nito ang halaga ng pagkakaisa ng mga manggagawa para maisagawa ang pangkasaysayang misyon nito sa pagpapalaya ng sarili at ang pinakamaaasahan nitong alyado--ang uring magsasaka. Narito ang halimbawa mula sa editoryal ng Titis:

"Salubungin natin ang Unang Araw ng Mayo at buhayin ang kanyang diwang mapanghimagsik: ang paglalabanan ng mga uri, upang sa pamamagitan ng mapanagumpay na pagkakaisang hanay at pakikibaka ng mga anakpawis ay maganap kapagdaka ang kanyang makasaysayang tungkulin (historical mission): Ang matubos ang mga manggagawa at magbubukid, at maparam sa balat ng lupa ang panghuhuthot at panglulupig ng mga burges."

Maraming lider-obrero ang iniluwal ng kilusang manggagawa at kilusang mapagpalaya. Sina Isabelo delos Reyes, Crisanto Evangelista, Amado V. Hernandez at Carlos Bulosan ay ilan sa mga tampok na bukod sa pagiging mga lider-obrero ay mga dakilang peryodista, manunulat at makata din ng uring manggagawa at ng buong bayan . Sila'y nag-alay ng kanilang pagod at panahon, husay at galing, pati dugo't buhay upang mabigyan ng maaliwalas na bukas ang uring anakpawis at ang buong sambayanang Pilipino.



Previous | Table of Contents | Next

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.